Kabanata 9
”Sumabay ka na sa amin!” Sabi ni Chris, nang hindi tinatanong ang opinyon ko.
Agad namang umupo si Jewel at may pananabik na tumingin sa mga pagkaing nasa harapan niya. “Inihaw na isda! Nagke-crave pa naman ako nito.”
“Io-order din ba kita ng foie gras?” Walang pag-aalinlangan na tanong ni Chris.
“At saka magdagdag ka ng dessert, please. Frozen yogurt na may strawberry jam. Para sa inumin, gusto ko ng orange juice,” sabi ni Jewel. Lumingon siya sa akin. “Madeline, gusto mo rin ba ng orange juice?”
“Ayos lang ako. Tubig lang sa’kin,” sagot ko sabay subo ng foie gras na nasa tinidor ko papunta sa bibig ko.
Ang foie gras ay makinis at malinamnam na may mala-gatas na amoy.
“Chris, galing ba sa lugar na ito ang foie gras na dinala mo sa akin noon?”
Napahinto ako sa kalagitnaan ng pagnguya sa sinabi ni Jewel.
Napatingin ako sa kanya at nakita ko ang bahagyang pagkailang sa kanyang ekspresyon.
Dahan-dahan siyang sumagot, “Oo.”
Kaya pala alam niyang masarap ang foie gras dito; maraming beses na niya itong binili para sa iba. Samantala, ngayon ang unang pagkakataon na makatikim ako ng ganito.
Ginagawa niya ito dahil sa pagkakasala niya bilang paraan ng pagbawi.
Biglang nawala ang lasa ng foie gras sa bibig ko. Hindi ko na malunok.
“Kaya pala pamilyar ang amoy ng foie gras nung napadaan ako dito.” Ngumiti si Jewel kay Chris, puno ng maselang lambing ang mga mata niya na tila bumibihag sa akin, kaya nahihirapan akong huminga.
Lumingon siya sa akin. “Madeline, malamang ay madalas kang dalhin ni Chris dito. Kaya naman pala bnilhan niya ako ng foie gras; alam niya kung gaano ‘to kasarap.”
Para bang hindi pa sapat ang pagsaksak ng kutsilyo sa puso ko, kailangan niya pa talagang pilipitin iyon. Naramdaman ko ang buong epekto ng mga salita niya.
Napatingin ako kay Chris. “Hindi, ito ang unang pagkakataon. Hindi ako kasing swerte mo, Mrs. Goodwin.”
Napawi ang ngiti ni Jewel, at bumaba ang tingin niya.
Narinig kong bumulong siya na may mahinang boses, “Swerte? Iniwan na ako ni Ian at... ang anak namin.”
Agad na bumagsak ang luha ni Jewel pagkatapos niyang sabihin ang mga salita niya.
Natigilan ako. Paano nauwi sa luha ang simpleng usapan?
“Madeline!” Mabigat ang boses ni Chris habang tinatawag ang pangalan ko. Tapos, inabutan niya ng tissue si Jewel. “‘Wag ka masyadong mag-isip. Hindi ka dapat umiyak masyado. Hindi mabuti para sa bata.”
“Kung nandito si Ian, hindi ko na kailangang kumain mag-isa ng ganito,” bulong ni Jewel habang kinukuha ang tissue kay Chris at pinunasan ang kanyang mga mata. “Pasensya na. Ang mga emosyon ko ay nagkakalat dahil sa pagbubuntis. Ayokong masira ang mood. Mauna na ako...”
Nang magsimula siyang tumayo, inabot siya ni Chris at hinawakan siya. “Nag-aalala ka sa bagay na hindi naman dapat. Um-order na kami ng pagkain. Subukan mo yung inihaw na isda dito. Ang sarap.”
Binitawan siya ni Chris at maglalagay na sana ng isang pirasong isda sa plato niya gamit ang tinidor ni Chris nang sumingit ako, “Chris, dapat kang gumamit ng serving fork, hindi yung ginagamit mo, para asikasuhin si Mrs. Goodwin.”
Natigilan si Chris sa kalagitnaan ng pagkilos, at naging tensyonado ang kapaligiran.
Sumulyap si Jewel kay Chris at saka makahulugang sinabi, “Chris, hindi mo na ako kailangang asikasuhin. Kaya ko naman ang sarili ko.”
Inilagay na lang ni Chris ang isda sa kanyang plato. Pagkatapos, kinuha niya ang plato ko, pumili ng isang piraso ng isda, at maingat na inalis ang mga tinik para sa akin. Naalala ko yung panahon na nabara yung tinik sa lalamunan ko. Simula noon, lagi na akong hinihimayan ni Chris tuwing sabay kaming kumakain ng isda.
Palagi namang ganito si Chris—papaluin ako gamit ang isang kamay at aalukin ng matamis na pagkain gamit ang kabila.
“Madeline, maayos ang pagtrato ni Chris sa’yo.” Napabuntong-hininga si Jewel.
“Sino pa ba ang dapat niyang tratuhin nang maayos maliban sa’kin?” sagot ko sabay lagay ng isda sa bibig ko. Pagkaraan ng ilang sandali, idinagdag ko, “Magiging problema kung tratuhin niya ang iba sa parehong paraan, hindi ba, Mrs. Goodwin?”
Sumulyap muli si Jewel kay Chris at mahinang sumagot, “Oo.”
Ang banayad na palitan sa pagitan nila ay hindi magiging sobrang halata kung bulag lang ako.
“Mrs. Goodwin, ilang buwan na ‘yan?” Iniba ko ang usapan.
Bago pa makasagot si Jewel, sumabad si Chris, “Maddie, kapag hindi mo kakainin ang foie gras mo, lalamig ‘yan, at masisira ang texture.”
Hindi ako tanga; Masasabi kong sinusubukan niyang pigilan ako sa pagtanong kay Jewel tungkol sa pagbubuntis nito.
Pero tiniyak niya sa akin na hindi kanya ang bata. Bakit hindi ako pwedeng magtanong?
Maliban na lang kung may tinatagong sikreto tungkol sa bata o masyado siyang nag-aalala sa babaeng ito.
Pero fiancé niya ako.
“Ngayon pa lang, iba na yung texture,” sagot ko.
Bigla akong nawalan ng gana matapos malamang dinalhan na pala niya ng foie gras si Jewel noon.
Matalim akong tinignan ni Chris nang maramdaman niya ang pagbabago ng tono ko. Ibinalik ko ang tingin niya, at tahimik naming hinarap ang isa’t-isa.
Wala na ang mainit at masayang kapaligiran namin noong una kaming pumasok sa restaurant. Totoo nga, ang tatlo ay isang madla.
Ilang sandali lang, inihain na ang foie gras na dessert at juice ni Jewel. Magalang na tanong ng waiter, “Gusto mo bang hiwain ang foie gras, ma’am?”
“Hindi na kailangan.” pagtanggi ni Jewel, saka tumingin kay Chris. “Chris, pwede mo ba akong tulungang hiwain ‘to? Nagawa mo na dati; alam mo ang tamang sukat.”
“Mrs. Goodwin,” muli akong nagsalita. “Nag-aalok ang restaurant ng slicing services. Huwag na nating abalahin si Chris, lalo na’t abala siya sa pagtulong sa akin na himayin ang mga isda.”
Biglang kinagat ni Jewel ang kanyang mga labi. “Paumanhin, Madeline. Hindi ko pinag-isipang mabuti. Ako na lang.”
“Madeline!” iginiit ni Chris. “Walang tiwala si Jewel sa mga pagkain na hinahawakan ng iba, lalo na ngayong buntis siya at kailangang mag-ingat.”
Pangatlong beses na niyang tinawag ang pangalan ko na may ganoong tono ng boses.
“Ha!” Hindi ko napigilang tumawa. “Aling pagkain sa harap niya ang hindi nahawakan ng iba?”
Natahimik agad si Chris.
Agad na napalitan ng pagkabalisa at gulat ang ekspresyon ni Jewel. “Paumanhin, Madeline. Hindi ako nag-iisip nangn maayos. Chris, huwag kang magalit kay Madeline dahil sa akin. Kung ganito ang mangyayari, aalis na lang ako.
Nagsimula siyang tumayo muli, ngunit pinigilan siya ni Chris.
Ang kanyang boses ay malumanay ngunit matatag nang inalo niya si Jewel, “Huwag mo siyang intindihin. Medyo emosyonal si Madeline kasi may regla na siya. Ganito din siya madalas magsalita.”
Talagang may paraan si Chris sa mga salita. Sa sandaling magsalita siya, naramdaman ko ang init na kumalat sa ibabang bahagi ko.
Napatingin ako kay Chris. “Tama ka, kakasimula ko lang ng regla ko, pero wala akong dalang napkin. Pwede mo ba akong bilhan?”
Bahagyang nagsalubong ang mga kilay ni Chris. “Alam mong rereglahin ka ngayong linggo. Bakit wala kang baon?”
“Hindi ba’t nandiyan ka naman, ang fiancé ko, na alam ang lahat pati ang regla ko?” Tumawa ako, pero hindi umabot sa mata ko ang ngiti.
Sa kabila ng pagkairita ni Chris ay bumangon pa rin siya. “Kumain na kayong dalawa. Babalik ako maya-maya.”
Ngayon, kami lang ni Jewel ang nasa mesa. Gayunpaman, wala ni isa sa amin ang gumalaw sa pagkain namin. Tahimik lang kaming nakaupo doon.
Matapos ang ilang segundo, tinanong ni Jewel, “Madeline, kinamumuhian mo na siguro ako ngayon, ‘di ba?”
Mabuti at marunong siyang makiramdam.
Hindi ko pinili ang mga salita ko nang sumagot ako, “Hindi kita kinamumuhian, pero hindi ako kumportable kapag nasa paligid ka.” Napatingin ako sa nakakaawa niyang ekspresyon at nagpatuloy, “Si Chris ang fiancé ko, at malapit na kaming ikasal. Sa kabila noon, patuloy kang lumalapit sa kanya.
“Sinabihan mo pa siyang puntahan ka sa gitna ng gabi. Hindi mo ba naiisip na sobra na ‘yon? Kung ikaw ang nasa posisyon ko, ayos lang ba sa’yo iyon?”