Kabanata 10
Kitang-kitang dumilim ang ekspresyon ni Jewel, ang natural niyang maputlang kutis na ngayon ay mas maputla. Nanginginig ang kamay niyang nakahawak sa juice.
“Pasensya na, h-hindi ko sinasadya,” nauutal niyang sabi, mukhang marupok at nakakaawa na para bang nasaktan siya sa sinabi ko.
Pero hindi ako tumigil. Dahil sinimulan ko na, ipinagpatuloy ko, “Marahil hindi mo sinasadya, pero totoo naman na naapektuhan kami ng mga kilos mo. Mrs. Goodwin, kung hindi sinasadya, ingat ka na lang sa hinaharap. Hindi mo kailangang humingi ng tawad.”
“Kung nandito si Ian, hindi ko na guguluhin si Chris,” bulong ni Jewel habang muling tumulo ang mga luha niya. May kasabihan na ang mga babae ay parang tubig. Tinitingnan ko siya ngayon, masasabi kong nababagay ang kasabihang iyon sa kanya.
Ang paraan niya sa mga salita, sa ilang kadahilanan, ay nagdulot sa akin na mawalan ako ng gana.
“Madeline.” Tumingin sa akin si Jewel na may kumikinang na mga mata. “Ang tanging dahilan kung bakit ko kinokontak si Chris ay dahil binilin ni Ian kay Chris na alagaan ako bago siya namatay. Pumayag naman si Chris.” Nagpatuloy ang kamay niya sa pagkalikot sa tasa. “Kung hindi dahil dito, hindi ko naman kokontakin si Chris.”
Binibigyang-katwiran niya ang kanyang sarili, ngunit banayad din niya akong tinutusok.
Lahat kami ay nasa hustong gulang dito; lahat ay may kanya-kanyang agenda.
“Mrs. Goodwin, nangako si Chris sa yumaong asawa mo na aalagaan ka, pero itong ‘pag-aalaga’ ay nangangailangan ng mga hangganan. Kung tutuusin, mag-isa ka na ngayon. Baka magtsismisan ang mga tao kapag nakikita kayong magkasama palagi.” Napahinto ako saglit. “Mrs. Goodwin, hindi mahalaga kung anong sasabihin ng iba tungkol kay Chris. Pero, masama kung pagtsitsismisan ka ng mga tao, lalo na’t may anak ka na. Hindi ba?”
Siya ay maaaring umasta tulad ng anghel; Walang problema sa akin na gumanap bilang santo.
Bumagsak ang mukha ni Jewel pagkasabi ko noon.
“Madeline, lahat ng usapan na ito ay dahil nag-aalala ka sa pag-aalaga sa akin ni Chris, hindi ba? Wala ka bang tiwala sa kanya, o wala ka bang tiwala sa sarili mo?”
Tumagos ang matalim niyang sagot. Ito ay ganap na kabaligtaran ng kanyang karaniwang kilos.
Tumingin ako sa kanya at tumawa. Ang “kuneho” ay sa wakas naglabas na ng kanyang mga pangil! Parang tapos na siyang magpanggap.
Bago pa ako makapagsalita ay biglang tumulo ang mga luha ni Jewel.
“Madeline, pasensya na. Kung naiinis ka pa, pwede mo akong batukan o pagalitan lahat ng gusto mo. Pero pakiusap, uwag mong idamay ang anak ko dito.”
“Hah?” May nasabi ba ako tungkol sa anak niya?
Tumayo si Jewel at nagsimulang umalis. Sa kanyang mga kamay sa kanyang tiyan, mukha talaga siyang buntis.
Agad namang lumapit si Chris at hinawakan siya.
Ito na ang pangatlong beses na pinigilan niya itong umalis ngayong gabi.
Ang maitim niyang mga mata ay nanlilisik sa akin na may galit. “Madeline, anong ginagawa mo?” sumirit siya.
Ngayon naiintindihan ko na kung bakit biglang binanggit ni Jewel ang bata. Gumagamit siya ng mga diskarteng kahit mga telenobela ay hindi na ginagamit ngayon.
“Anong ginawa ko?” Nakita ko ang lamig sa mga mata ni Chris, medyo pinanghinaan ako ng loob.
Hindi man lang siya nagtanong ng kahit ano bago niya ako inakusahan. Ang sampung taon naming pagsasama ay walang palag sa maliliit na pakulo ni Jewel.
“Chris, ‘wag ka nang makipagtalo.” Hinawakan siya ni Jewel. “Kasalanan ko. Alam kong lagi kitang iniistorbo at inuubos ang oras mo. Kasalanan ko...”
Sa halip na sisihin ang sarili o makipagkasundo, nagbubuhos pa siya ng gasolina sa apoy.
“Chris, pasensya na kung naabala kita.” Humiwalay si Jewel sa kamay ni Chris at nagmamadaling lumabas.
“Jewel!” tawag ni Chris at hinabol siya.
“Chris.” pinigilan ko siya. “Tinagusan na ako.”
Nang marinig niya ako, tumingin siya sa kabilang kamay niya. Saka niya naalala na may regla na ako.
Sa sumunod na sandali, nilagay niya sa mesa yung napkin na binili niya para sa akin at hinubad niya yung jacket niya. “Maddie, buntis si Jewel at hindi matatag ang kalagayan niya ngayon. Hindi ko pwedeng hayaan na may mangyari sa kanya.”
Sa mga salitang iyon, ibinato niya sa akin ang jacket at nagsimulang umalis.
“Chris, tapos na tayo kung susundan mo siya.”
Napatigil siya sa mga salita ko.