Kabanata 5
Sobrang higpit ng pagkakahawak sa kamay ko kaya masakit. Halatang galit si Chris.
Nagseselos ba siya?
Sa sandaling sumagi sa isipan ko ang saloobing iyon, binitawan ni Chris ang kamay ko. Malamig ang kanyang tingin nang magbigay siya ng babala, “Madeline, ganito ba ang paghihiganti mo sa akin dahil lang sa isang bagay na sinabi ko?”
Medyo natulala ako. Hindi ko inaasahan na ganoon ang iniisip niya.
“Hindi ‘yon tulad ng inaakala mo, wala akong—”
Bago ko pa matapos ang pagpapaliwanag ay naputol na ako.
“Saan mo siya hinawakan? Hinawakan mo ba talaga siya sa mga parteng iyon?” Umigting ang panga ni Chris, at napuno ng matinding liwanag ang kanyang mga mata na para bang may gusto siyang lamunin.
Ang ganitong reaksyon mula sa kanya ay bihira; nagseselos siya kung tutuusin.
Sa isang iglap, nawala ang maraming kalungkutan sa puso ko.
Mukhang may pakialam pa rin siya sa akin. Kung kapatid o kaibigan lang ang tingin niya sa akin, wala siyang pakialam kung may ibang lalaki akong mahawakan.
“Hindi,” tanggi ko ulit.
Nang matapos akong magsalita ay lumabas si Yerick sa loob at humirit sa akin. “Loka-loka, bakit mo naman inaakit ang bayaw ko sa pagkakataong ‘to?”
Totoo na ang maruming bibig ay hindi kailanman makakapagbigkas ng mga disenteng salita.
Nang makita ko ang paraan ng pagtingin sa akin ni Yerick na may nakakainis na ekspresyon, hindi ko maiwasang magtaka kung meron ba kaming hindi naresolbang karma mula sa nakaraang buhay.
Habang pinagmamasdan ko si Yerick na naglalakad palapit sa akin, lalo na nang makita ko ang pekeng inosenteng tingin ni Jewel, naalala ko ang eksenang kinalabit niya si Chris. Lumapit ako at hinawakan ang braso ni Chris.
Gayunpaman, ramdam ko ang paninigas ng kanyang mga kalamnan.
“Kalokohan nanaman ‘yang sinasabi mo.” Kinurot ni Jewel si Yerick habang papalapit.
Bakas sa mukha niya ang paghingi ng tawad nang tumayo siya sa harap namin ni Chris. “Madeline, pasensya na.”
“Hindi mo kasalanan.” Napatingin si Chris kay Yerick. “Wala nang magliligtas sa’yo sa susunod kung gagawa ka ulit ng gulo.”
“Hmph.” Nanghahamon si Yerick kay Chris. “Sino ka sa akala mo? Anong nagbibigay sa’yo ng karapatan para sabihin iyon? Makikinig lang ako sa’yo kung ikaw ang magiging bago kong bayaw.”
“Yerick!” Saway sa kanya ni Jewel at muli siyang binatukan.
Iniwasan ni Yerick ang hampas niya. “Gusto ka niya, Ate Jewel. Bakit pa niya gugulin ang lahat ng oras niya kasama ka para alagaan ka araw at gabi?”
Humigpit ang hawak ko sa kamay ni Chris. Halos hindi siya umuuwi nitong mga nakaraang araw, at madalas siyang umalis sa opisina sa halos buong araw nang walang pasabi. Kaya pala, ginugol niya ang kanyang oras kasama ang babaeng ito na nasa harapan ko.
Asawa ng babae ang matalik niyang kaibigan. Maiintindihan naman ang pag-aalaga niya sa babae matapos mamatay ang kanyang kaibigan sa aksidente sa sasakyan.
Pero kailangan ba niya itong alagaan araw-araw? Hanggang sa puntong baka magkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang iba sa ginagawa niya?
“Anong pinagsasabi mo?” Namula naman ang mukha ni Jewel, at binatukan niya nang mas malakas si Yerick.
Ang 17-anyos na binatilyo, sa pagiging rebelde, ay likas na nagtaas ng kanyang kamay nang matamaan, dahilan upang masuray-suray si Jewel at madapa sa isang tabi.
Naramdaman kong tinutulak ako. Natapilok ako ng ilang hakbang at muntik na akong matapilok.
Nang makabawi ako sa balanse, nakita kong tumakbo na si Chris sa tabi ni Jewel, nakaluhod ang isang tuhod at nakahawak sa kanya. “Jewel, okay ka lang? Saan masakit?”
“M-Masakit ang tiyan ko, Chris.” Mahina at nakakaawa ang boses ni Jewel habang mahigpit ang pagkakahawak sa braso ni Chris.
“Huwag kang matakot. Dadalhin kita sa ospital. Huwag kang matakot.” Nanginginig sa gulat ang boses ni Chris.
Nakatayo ako doon na parang bloke ng kahoy. Nakita ko si Chris sa hindi mabilang na mga sitwasyon noon, ngunit hindi ko pa siya nakitang ganito kabalisa at natataranta.
At lahat ng iyon ay para sa ibang babae.
Binuhat ni Chris si Jewel papasok sa kotse at sinigawan ako, “Madeline, ikaw ang magmaneho!”
Nanlamig pa rin ako sa parehong pwesto.
“Bilisan mo! Kung may mangyari sa kapatid ko, magsisisi ka!” Lumapit si Yerick at galit na hinatak ako.
Hindi ko alam kung anong bumungad sa akin, pero noong hinawakan niya ako, itinaas ko ang kamay ko at sinampal siya nang malakas.
“Huwag mo akong hawakan,” malamig kong sabi.
Limang malinaw na marka ng mga daliri ang agad na lumitaw sa maputing mukha ni Yerick. Natigilan ang dalawang tao sa loob ng sasakyan, at mas lalo si Yerick.
Marahil ay hindi niya inaasahan na sasampalin ko siya, ngunit pagkatapos ng ilang sandali, nagalit siya at sinubukan akong sampalin pabalik. “Gaga ka—”
“Yerick!” Putol ni Chris. “Kapag hinawakan mo siya, sisiguraduhin kong babalik ka sa loob.”
Gumana ang banta niya nang binawi ni Yerick ang kamay at galit na galit na tumingin sa akin at kay Chris bago humakbang palayo.
“Yerick!” Tinawag siya ni Jewel, pero napahawak siya sa tiyan niya sa sakit. “Masakit, Chris. Dalhin mo ako sa ospital.”
“Madeline!” Tawag ulit sa akin ni Chris.
Nang makita ko si Jewel na sobrang nasasaktan, wala na akong oras para mag-isip o makaramdam ng kahit ano. Dali-dali akong sumakay sa kotse at dumiretso sa ospital.
Nang nakita namin ang doktor, dali-daling ipinaliwanag ni Chris, “Doctor, buntis siya at natumba siya kanina. Sobrang sakit ng tiyan niya.”
Buntis?
Ang mga hakbang ko ay parang napuno ng tingga, na nagpapahirap sa paggalaw ko. Lumubog ang puso ko.
Ang asawa ni Jewel ay patay na; paano kaya nabuntis si Jewel?
Bumaba ang tingin ko sa mukha ni Chris, na puno ng gulat. Masyado ba siyang balisa dahil...
Pagkatapos maipasok si Jewel sa emergency room, naghintay kami ni Chris sa labas. Hindi ako malapit kay Jewel, kaya hindi ako nakaramdam ng kaba.
Gayunpaman, hindi mapakali si Chris. Pinagmasdan ko siya saglit, pero nanatili ang tingin niya sa pinto ng emergency room, tila nakakalimutang nandoon pa nga ako, ang nobya niya.
Isang mapait na pakiramdam ang bumangon sa loob ko, at napalunok ako ng ilang beses bago tuluyang nagsalita.
“Ang bata… sa’yo ba?” Diretsong tanong ko dahil ayokong tumalon sa konklusyon.
Nang lumingon si Chris, may kislap na gulat sa kanyang mga mata na sinundan ng mas malalim at seryosong tingin. “Anong pinagsasabi mo? Syempre hindi. Kay Ian iyon.”
Nakahinga ako nang maluwag.
Si Ian Goodwin ay asawa ni Jewel at malapit na kaibigan ni Chris sa loob ng maraming taon. Namatay siya sa isang aksidente sa sasakyan noong isang buwan. Ang sasakyan ay ganap na nawasak, at si Ian ay binawian ng buhay.
“Inaalagaan ko si Jewel dahil binilin ‘yon sa’kin ni Ian,” paliwanag ni Chris sa akin.
Naalala ko ang hitsura ni Chris nang umuwi siya pagkatapos niyang iproseso ang resulta ng aksidente ni Ian. Magulo ang buhok at may balbas na nakapalibot sa baba niya, para siyang nakatakas mula sa kabundukan.
Malalim ang kanilang buklod na parang magkapatid. Ngayong wala na si Ian, natural lang kay Chris na alagaan ang biyuda ni Ian.
Sa sandaling iyon, nakaramdam ako ng matinding konsensya sa mga naiisip ko kanina.
Marahan kong inabot at hinawakan ang braso ni Chris, ipinaliwanag ang mga kaganapan ngayong gabi. “Hindi ko inano ang binatang iyon; sinasadya niyang manisi.”
Napatingin sa akin si Chris, at gumalaw ang mga labi niya. Maya-maya, inabot niya at kinurot ang pisngi ko. “Bawal nang uminom simula ngayon.”
Sasabihin ko na sanang kaunti lang ang nainom ko nang bumukas ang pinto ng emergency room.
May lumabas na doctor at nilapitan agad si Chris. “Kapamilya ng buntis na pasyente, pakipirmahan dito.”
Sumulyap si Chris sa akin pero kinuha pa rin ang panulat ng doktor. Bago pumirma, tinanong niya, “Doktor, kumusta na siya?”
“May mga senyales ng miscarriage ang asawa mo. Kailangan nating subukang pigilan ito, ngunit may posibilidad na hindi ito magtagumpay, kaya kailangan ng pirma mo,” paliwanag ng doktor.
“Doktor, gawin mo ang lahat upang mailigtas ang bata,” udyok ni Chris.
“Oo naman. Pirmahan mo na kaagad.”
Sa udyok ng doktor, nilagdaan ni Chris ang kanyang pangalan sa seksyon ng miyembro ng pamilya ng medical records ni Jewel.
Alam kong ang pagpirma sa piraso ng papel ay walang kahulugan. Gayunpaman, hindi ko inaasahan na ang mapapangasawa ko ay magiging kapamilya ng iba bago ako maging kapamilya niya.