Kabanata 5
“Pangalan niya? Bonnie Shepard. B-O-N-N-I-E, S-H-E-P-A-R-D.”
“Saglit lang, sir. Hanapin ko lang sa records.”
Makalipas ang isang minuto, dumating ang boses, nauutal sa pagkakataong ito.
“N—nagkamali ka. Wal—” umubo siya, “Walang nilabag na batas o tinakasan na pulis si Bonnie Shepard.
“Kung gagawa ka ulit ng maling ulat, kakasuhan ka na namin!”
Pagkatapos niyon, binaba na niya ang tawag.
Natigilan si Gresham. Nasa tabi niya si Vera at narinig niya lahat ng sinabi ng pulis.
“Tapos ka na ba? Aakyat na ako sa taas.” Umalis si Bonnie.
Nakaramdam ng awa si Vera habang pinagmamasdan ang paglakad niya palayo.
Kung tutuusin, maaaring talunan si Bonnie, ngunit anak niya pa rin ito.
“Pasensya na, Bonnie. Nagkamali kami sa’yo.”
Nalulungkot, tumigil si Bonnie at tumingin sa balikat niya papunta sa direksyon ni Vera. Ang babaeng iyon ay halos hindi humingi ng tawad sa kanya at hindi kailanman naging ganoon kabait sa kanya.
Napabuntong-hininga si Gresham.
“Nag-alala lang ako sa’yo. Buweno, humihingi ako ng paumanhin.”
Kumunot ang noo ni Bonnie. “Ayos lang.”
Natahimik ang sala, at unang nagsalita si Bonnie.
“Matutulog na ako.”
“Sandali!”
Pinigilan ni Vera si Bonnie. “Ano ba nangyari noong isang araw? Bakit ka hinuli?”
“Sabi ko naman sa’yo, classified ‘yon. Sasabihin ko sa’yo kapag tama na ang oras.”
Sinabi ni Bonnie sa kanya ang totoo.
Nawawalan na ng pasensya si Vera at nakaramdam ng pagkabigo at galit.
Ayaw na niyang makarinig pa ng mga kasinungalingan, kaya binago niya ang usapan.
“Tumawag ang school. Baka i-kick out ka na daw nila kapag nag-cutting ka ulit.”
“Ako na ang bahala.”
Hindi nag-alala si Bonnie na mapatalsik sa paaralan dahil madali siyang makakuha ng mag-aasikaso noon.
Ngunit sumabog si Vera.
“Ikaw na ang bahala? Paano? Ano sa tingin mo, ikaw ang principal o ano? 20 na taong gulang ka na, Bonnie! Matagal ka nang nakapagtapos kung hindi ka lang madalas mag-cutting. Aba, nagbakasyon ka pa nga ng isang taon!
“Sa parehong araw kayo ni Trina isinilang, pero sophomore na siya ngayon sa Pyralis University!
“Kung patuloy kang magloloko ng ganito, hindi ka na makakatapak ng kolehiyo!
“At kung magawa mo man, malamang na sa third-rate college lang!”
Sinabi ni Bonnie kay Vera kung bakit kailangan niyang magpahinga mula sa pag-aaral noon.
Ngunit hindi siya pinaniwalaan ng kanyang mga magulang at pinagalitan siya sa pagsisinungaling.
Hindi na nag-abalang ipaliwanag muli ni Bonnie ang sarili.
“Huwag kang mag-alala, hindi ako mapupunta sa isang third-rate college. Pupunta ako sa Pyralis University.”
“Pyralis University?”
Halos hindi makapaniwala si Vera sa kanyang narinig.
“Oo.” Tumango si Bonnie.
“Iyan ang pinakamagandang unibersidad sa Pyralis! Tanging ang cream of the crop lang ang nakakapasok doon!
“Nakapasok si Trina dahil nag-aral siya ng mabuti, mapa-araw man at gabi.
“Dalawang taon ka nang paulit-ulit sa grade mo. Bakit naiisip mong makakapasok ka?”
“Hindi ako magkakaroon ng problemang makapasok kung ako ang magiging top scorer sa entrance test.”
May kumpiyansa si Bonnie.
Yamot na yamot talaga si Vera. Sa oras na napakalma niya na ang sarili, nakabalik na si Bonnie sa silid nito.
Nagtrabaho siya sa kanyang pananaliksik sa loob ng magkasunod na dalawang araw, at pagod siya.
Habang naghahanda siyang maligo, nakatanggap siya ng video call mula sa isa sa kanyang matalik na kaibigan.
Sinagot niya ito, at isang gwapong lalaki ang nagpakita sa screen.
“Uy, gusto ng Knight na makipaglaro sa’yo.”
Naintriga si Bonnie. “Sigurado ka bang siya ‘yon?”
“100%!”
“Sige, g ako.”
“Ayos!” Parang nasasabik si Heath Rice. “Sina Shepherd at Knight ang mga halimaw sa mundo ng chess. Ito ang magiging laro ng siglo! Aabangan ko talaga ‘to. Replyan ko siya kaagad!”
“Sige.”
Pagkatapos ibaba ang tawag, naligo si Bonnie at humiga sa kama para matulog.
***
Pagsapit ng 6:00 a.m. kinabukasan, umalis si Bonnie sa kanyang bahay na naka-tank top at pares ng leggings.
Matagal na siyang hindi nakakagawa ng anumang pagsasanay sa kickboxing, kaya nagpasya siyang mag-ehersisyo sa parke.
Nakita ni Bonnie ang isang matandang anino na nagsha-shadow boxing habang nanonood ang mga kasamahan niya.
“Ayos, Orson!”
“Walang makakasalo sa ganiyang klaseng suntok!”
Pinaulanan ng mga matatandang manonood ang lalaki ng kanilang mga papuri.
Kumunot ang noo ni Bonnie at bumulong sa sarili, “Pangit naman ang footwork mo, at palpak ang mga suntok mo.”
Natuto na siya ng kickboxing mula sa murang edad, kaya hindi niya maiwasang ituro ang mga pagkakamali ng lalaki.
Narinig siya ng mga matatandang lalaki at nilingon siya.
Napatingin sila sa dalaga ng may pag-aalinlangan.
“Hoy binibini, anong alam mo sa kickboxing?”
“Wag kang magsalita ng hindi mo alam, okay?”
“Oo, mahigit isang dekada nang nag-aral ng kickboxing si Orson. Sigurado akong alam niya ang ginagawa niya.”
Ngunit hindi nagpatinag si Bonnie.
“Nagsasabi lang ako ng totoo. Hindi tama ang ginagawa niya.”
“Mag-ingat ka sa mga sinasabi mo, binibini!”
Mainitin ang ulo ni Scott. Isa siyang malaking tagahanga ni Orson Steele, at hindi niya kayang tanggapin ang sinumang bumabatikos sa lalaki.
“Umalis ka na, o—”
“Tantanan mo siya, Scott. Bata pa lang siya.”
Nakangiting lumapit si Orson kay Bonnie.
“Bale may alam ka pala sa kickboxing, ano?”
“Oo.” Tumango si Bonnie.
Pinag-aralan ni Orson ang mukha nito at nagulat siya nang makitang hindi ito nagsisinungaling.
“Gaano katagal na?”
Sinubukan ni Bonnie na alalahanin. “Simula noong tatlong taong gulang ako.”
“Naririnig ninyo iyon? Kickboxing sa edad na tatlong taon?
“Maraming taon na akong nabuhay, ngunit kailanman ay hindi ako nakakilala ng ganitong puro kalokohan ang pinagsasabe!’
Sa sobrang tawa nina Scott at ng iba pa, napahampas sila sa kani-kanilang mga hita.
Nanatiling walang kibo si Bonnie.
Hinahawakan ang kanyang balbas, pinikit ni Orson ang kanyang mga mata at sinabing, “Sabi mo hindi ko ginawa nang tama. Bakit hindi ituro sa’kin ang tamang paraan?”
Tiningnan ni Bonnie ang oras. Dahil kailangan lang niyang makarating sa paaralan ng 7:30 a.m., mayroon siyang oras.
“Kailangan kong pumasok sa paaralan mamaya, kaya isang beses ko lang papakita. Panoorin mong mabuti, okay?”
“Pakitang-tao! Kung magagawa niya iyon, magpapakalbo ako at maghe-headstand—”
Bago pa matapos magsalita si Scott, lumawlaw na ang panga niya.