Kabanata 1 Bagong Damdamin
Hindi pa nakakabawi ng tuluyan si Emelie mula sa pagkagulat niya sa hindi inaasahang pagdadalang tao niya at sa pagkalaglag nito habang inilalabas siya mula sa operating room pagkatapos ng D&C surgery.
Itinulak siya ng nurse pabalik sa isang ward at nagpatuloy sa kanyang inpatient registration.
"Bed 1703, Ms. Emelie Hoven. May mga kasama ka bang kamag-anak?" Tanong ng nurse.
Lumilipad ang isipan ni Emelie. Nakatulala siya sa malinis na kisame, hindi niya narinig ang tanong ng nurse.
Inulit ng nurse ang tanong, "Ms. Emelie Hoven, may kasama ka bang kamag-anak dito?"
Lumingon ang isa pang nurse na nag-aayos ng IV drip at sinabing, "Ako na ang bahala. Noong dinala siya dito ng ambulansya, ibinigay niya sa’kin ang kanyang ID at bank card, at sinabi niya na irehistro ito at ibawas ng direkta ang bayad. Wala siyang…”
Gumalaw ng kaunti ang mga labi ni Emelie, tinapos niya ang sinasabi ng nurse. “Wala akong mga kamag-anak."
Pinuno ng amoy ng disinfectant ang kanyang mga ilong.
Namaluktot siya. Lalo niyang dinamdam ang pagkawala ng sarili niyang anak.
Huminga siya ng malalim, at napuno ng mga luha ang kanyang mga mata.
Nakunan siya.
Hindi maganda ang naging epekto ng D&C surgery sa kanyang katawan, dahilan upang manatili si Emilie sa ospital ng tatlong araw ng mag-isa.
Pagsapit ng ikaapat na araw, nakatanggap siya ng isang tawag mula kay William Middleton. "Ms. Hoven, pagod ka na bang lumiban sa trabaho? Kung pagod ka na, pumunta ka sa ‘Westward Club’.”
Maririnig ang kalansing ng mga baso at ang mahinang boses ng isang babae sa paligid niya hababg tumatawag siya.
Iginalaw ni Emelie ang kanyang mga labi, gusto sana niyang sabihin na nasa ospital siya.
“Ms. Hoven, sumagot ka," muling sabi ni William ng may inis.
Nilunok ni Emelie ang mga sasabihin niya at nagmadali siyang umalis sa ospital nang hindi man lang kinukumpleto ang discharge procedures.
Agad siyang sumakay ng taxi papunta sa eksklusibong Westward Club, nagkaroon lamang siya ng oras na maglagay ng makeup habang nasa byahe siya.
Pagdating niya, naglakad siya papasok habang naglalagay ng lipstick.
Tinanong niya ang receptionist, "Nasa saang private room si Mr. Middleton mula sa Cloudex Corporation?"
Nabihag sandali ng kanyang presensya ang receptionist.
Gayunpaman, madaling nahimasmasan ang receptionist at sinabi sa kanya na, "Nasa private room A001 si Mr. Middleton. Pakiusap sumunod ka sa’kin.”
Tumango si Emelie at sinundan niya ang receptionist papunta sa room 001.
Bilang pagbibigay galang, dalawang besss siyang kumatok. Pagkatapos, binuksan niya ang pinto at pumasok siya.
Bumungad sa kanya ang matapang na amoy ng alak, dahilan upang makaramdam siya ng pagkasuka.
Bago pa man niya maunawaan kung ano ang nangyayari sa paligid niya, nagsalita ang isang lalaki, "Nandito na si Ms. Hoven. Siya na lang ang painumin niyo. Hindi niyo kailangang abalahin yung baguhan."
Narinig ang tawa ng isang customer habang sinasabi niya na, "Ms. Hoven, napakamasunurin mo, hindi ba? Dumating ka dahil lang pinatawag ka. Tingnan mo kung gaano ka-bias ang boss mong si Mr. Middleton. Hindi niya gustong makita na malasing ang bagong nagugustuhan niya, kaya ikaw na lang paiinumin niya kapalit niya.”
Agad na pinag-isipan ni Emelie ang sitwasyon, nabaling ang atensyon niya sa isang dalagang nakaupo sa tabi ni William.
Bagaman hindi kilala ni Emelie ang babae, para bang kilala siya ng babae.
“Ms. Hoven, sorry, h—” Nautal ang babae habang humihingi siya ng tawad.
Subalit, biglang nagsalita si William. "Hindi mo kailangang humingi ng tawad. Kung hindi dahil sa biglaan niyang pagliban sa trabaho ng walang paalam, siya sana ang nandito.”
Malinaw na may bahid ng pag-aaruga at favoritism ang kanyang tono.
Ngunit kilala si William sa pagiging malamig at walang emosyon, kailan pa siya natutong depensahan ang ibang tao?
Tiningnan ng maigi ni Emelie ang dalaga.
Maayos ang kanyang pananamit. Taliwas sa magulong paligid ang kanyang ponytail, na nagbibigay sa kanya ng inosenteng itsura na pumupukaw sa damdamin ng mga tao.
Pinigilan ni Emelie ang mga emosyon niya habang palapit siya sa babae ng may praktisadong ngiti. Sinabi niya na, “Mr. Garrett, nasiyahan ka ba sa mga inumin dito? Huwag mong kalimutan na alagaan ang atay mo."
Bilang head secretary ng Cloudex Corporation, mahusay na hinarap ni Emelie ang mga komplikadong sitwasyon noong gabing iyon.
Nagawa niyang iwasan ang karamihan sa mga alok ng pag-inom ng alak, bagaman uminom pa rin siya ng ilang baso ng wine, naging mas madali ang gabi kaysa sa inaasahan nila.
Subalit, hindi man lang siya kinausap ni William buong gabi.
Sa gitna ng ingay, nakaringgan ni Emelie ang pagkausap ni William sa dalaga ng may malambing at mapagmahal na tono. “Pagod ka na ba? Ihahatid na kita pauwi maya-maya.”
Mayroong lambing at emosyon ang kanyang boses na kailanman ay hindi pa narinig ni Emelie sa loob ng tatlong taon nilang magkasama.