Kabanata 13 Pagpirma sa Fenghua
Sa sumunod na araw, maagang dumating si Nell sa kompanya.
Pagpasok niya ng opisina, naramdaman niyang may kakaiba sa ere ngayon.
Nagbubulungan ang lahat sa mababang boses. Nang makita nilang pumasok siya, agad na nagbago ang ekspresyon nila at isinara nila ang kanilang bibig, nakatingin sila ng may kakaibang mata.
Nanliit ang mga mata ni Nell at pumasok na lang siya ng opisina nang hindi sila tinitignan.
Nang nakaupo na siya, tinawagan niya si Hannah gamit ang company internal phone para pumasok.
Agad namang naninigas na pumasok si Hannah at tumingin kay Nell nap uno ng simpatiya.
Bumaling si Nell sa kanyang upuan at nagtaka na siya. “Anong nangyari? Dalawang araw lang naman ang nakararaan. Bakit ka nakatingin ng ganyan sa akin?”
Ngumiti nang malamya si Hannah at sinabing, “Ms. Jennings, hindi mo alam… hindi ka ba nakatanggap ng balita tungkol sa magaganap ngayon?”
Napataas ang kilay ni Nell at agad niyang kinuha ang tasang nasa mesa niya para maglagay ng tubig. Kaswal lamang niya itong ininom. “Hindi ko alam! Ano bang nangyayari?”
“Uh… Wala naman po. Narinig ko lang po na may magiging bagong empleyado sa kumpanya ngayon. Mukhang papasok siya sa PR department.”
“Ganoon ba? Alam ba ito ng lahat?”
“Naririnig kong pinag-uusapan ito ng mga tao sa HR department. Sinasabi nilang isa itong beterano sa public relations. Mukhang kwalipikado siya at marami na siyang nahawakang kaso para sa mga A-list celebrities.”
Napatigil siya at nakatingin nang may pag-aalangan kay Nell habang nahihiya.
“Ms. Jennings, ano sa tingin mo ang intensyon ni President Morton… Para sa pagkuha ng gano’ng tao?”
Alam ng lahat sa kumpanya na si Nell ang may hawak ng PR Department ng Fenghua, subalit wala silang alam sa background ni Nell dahil mahina lang naman ang presensya niya rito. Wala siyang ibang kinukuwento at nakikipag-usap lamang tungkol sa trabaho.
Subalit, kahit ano pang background ni Nell, masyado pa rin siyang bata. Gaano na ba karami ang kanyang karanasan gayong nasa bente pa lang siya?
Sa ganitong industriya kung saan mahalaga ang edad at antas ng karanasan, sino naman ang maniniwalang kumuha si Jason Morton ng isang empleyado para magtrabaho sa ilalim ni Nell?
Kung hindi ito magtatrabaho sa ilalim ni Nell, ibig sabihin lang…
Naunawaan na rin ni Nell kung bakit nakatingin ang lahat sa kanya ng kakaiba.
Napaliit na lamang ang kanyang mata at itinago niya ang kanyang emosyon bago siya ngumiti nang bahagya. “Sige, salamat. Pwede ka nang umalis.”
Nang-aalala nang bahagya si Hannah sa kalmadong itsura ni Nell subalit alam niyang wala naman siyang dapat sabihin, kaya lumabas na lamang siya.
Matapos umalis ni Hannah, nag-isip nang sandal si Nell saka tumawa.
Kinuha niya ang lahat ng kanyang mga gamit at kinuha ang isang sobre na hinanda niya mula sa kanyang bag, at saka nagtungo sa conference room.
Alas nwebe ng umaga no’n.
Puno na ang conference room ng mga executives mula sa Fenghua.
Nang makitang pumasok si Nell, binati siya ng lahat, ang iba matapat at ang iba ay hindi.
Matapos ang lahat, kahit nagpakitang gilas naman siya gamit ang kanyang kakayahan sa nakalipas na dalawang taon, may kakaunti pa ring mga tao na nag-iisip na masyado siyang bata at hindi siya kwalipikado sa isang napakahalagang posisyon.
Wala namang paki si Nell sa mga iniisip nila at tumungo na lang sa kanyang upuan.
Sa pagkakataong iyon, nabuksang muli ang pinto ng conference room. Nang umangat ang tingin niya, nakita niya si Jason Morton kasama ang isang pangkat ng mga tao.
Nagitla si Nell at agad na nanlamig ang kanyang mga mata.
Bukod pa sa dalawang secretaries na nakasunod kay Jason, naririyan rin si Celine Jennings at ang kanyang agent, si Skylar Terrell.
Kilala nilang lahat kung sino si Skylar Terrell. Nagtrabaho rin siya sa public relations at halos kalahati ng mga A-list celebrities ay siya ang nag-alaga. Masasabing isa itong malaking tagumpay.
Subalit, naging agent na lang siya sa kinalaunan. Dahil rin siguro ito sa direksyon ng industriya, pabago-bago at hindi siya agad na nakasabay, kaya wala sa mga artistang inalagaan niya ang talagang sumikat. Ang masasabing sikat lang sa hawak niya ngayon ay si Celine Jennings.
Mukhang ang empleyadong kinuha ni Jason ay siya.
Napangiti na lang si Nell nang pakutya.
Nalito rin ang ibang executives nang makita nila si Celine at Skylar.
Alam nilang lahat kung sino si Celine. Isa siyang A-list female artista na nasa entertainment industry. Kahit apat na taon pa lang ang nakalipas simula nang maging artista ito, sikat pa rin ito hanggang ngayon.
Sinasabing siya ang anak ng pamilya Jennings. Kahit hindi siya nakapirma sa isang agency, mayroon siyang sariling studio. Hangga’t kaya niyang magtapon ng pera, wala naman siyang problema sa mga kailangang gastusin.
Subalit, hindi kilala ng lahat si Skylar Terrell.
Matapos ang lahat, sampung taon na ang lumipas nang maging tanyag si Skylar.
Agad na napapalitan ang mga talentong nasa entertainment industry, at halos ang lahat ay umaabot lamang ng lima hanggang walong taon. Kakaunti lamang ang kayang magtagal ng higit isang dekada.
Gayundin, ang mga taong nasa higit sampung taon lamang ang karanasan ang siyang nakakilala kay Skylar. Nang makitang naririyan siya ngayon sa harap nila, mukhang alam na nila ang mangyayari ngayon.
Hindi nila mapigilang bigyan ng tingin ng simpatiya si Nell.
Masasabi naman ng kahit sino na talaga namang buong puso na nagtrabaho si Nell para sa kompanya.
Dalawang taon ang nakararaan, noong hindi maganda ang kalagayan ng kompanya, pumasok siya at sinalba ang ilang mahahalagang artista ng kompanya.
Nagtrabaho siya nang todo at matapat sa nakalipas na dalawang taon. Siya ang pinakamahirap sa lahat, at siya rin ang humawak ng maraming kaso ng kompanya. Kapag may nangyayari sa isang artista ng kanilang kompanya, sino ba ang pinupuntahan nila para sa solusyon maliban kay Nell Jennings?
Subalit, ang taong gaya niya ay papalitan agad ng kompanya matapos niyang tumulong na palaguin ito. Lahat ay manlalamig sa tuwing maiisip iyon.
Kung may mga hindi natutuwa sag anito, natural na mayroon ring mga nagagalak sa kamalasan ng iba.
Ang iilang hindi maayos ang ugnayan kay Nell ay agad na lumapit upang salubungin sina Skylar at Celine nang may tuwa. Nagbatian agad sila habang tumatawa, sinasabi nilang masaya silang makilala ang mga ito.
Tumugon naman si Celine gamit ang banayad niyang ngiti, napakatamis nito gaya ng palagi. Noong tumingin lang siya kay Nell saka nagkaroon ng bakas ng kayabangan sa ilalim ng kanyang mga mata.
Bumaba ang tingin Nell at nagpanggap na hindi niya ito nakita.
Tinignan niya ang kanyang relo ng may blangkong ekspresyon at sa wakas narinig na rin niyang umubo si Jason.
“Oras na. Simulan na natin ang meeting!”
Bumalik na ang lahat sa kanilang kinauupuan.
Tinignan ni Jason si Nell ng may komplikadong ekspresyon/
Sa huli, pinagtakpan niya lang ang bakas ng kanyang konsensya at sinabing, “May gusto akong ipakilala. Ito si Celine Jennings. Naniniwala akong kilala niyo siyang lahat.”
Tumango ang lahat. “Natural, sikat si Ms. Jennings. Sino naman ang hindi makakakilala sa kanya?”
“Nakita ko lang siya sa TV dati. Hindi ko inakalang makikita ko siya sa personal. Mas maganda pala siya.”
“Talagang nararapat lang na siya ang maging pinakasikat na babaeng artista sa ngayon!”
Napatang0 si Jason sa mga pambobola nila.
“Tinawag ko kayo ngayon para i-anunsyo ang dalawang bagay. Una sa lahat, mula ngayon, si Celine Jennings na ang magiging top talent ng Fenghua.”
Nagulantang ang lahat. Sunod, nagpalakpan ito nang kay lalakas.
“Ganoon ba? Magandang bagay iyan!”
“Ang pagpirma ni Ms. Jennings sa Fenghua ay tila ba alyansa ng mga bibigatin. Sana makapagtrabaho tayo nang maayos at dalhin pa natin sa mas mataas na lebel ang kompanya!”