Kabanata 11 Huwag Kayong Maglandian sa Harapan ko
Hindi napaatras si Jason sa mga salita ni Nell.
Matikas siyang tumugon, “Dahil nandito ka rin naman, may itatanong ako. Saan ka ba nagpunta kahapon? Bakit hindi mo sinasagot ang mga tawag ko?”
Kumislap ang mga mata ni Nell.
Ilang beses nga naman talaga siyang tinawag ni Jason kagabi, pero kasama niya si Gideon Leith at hindi rin niya ito narinig.
Nakita niya rin ang “missed calls” kaninang umaga subalit hindi na rin niya ito binigyang tuon pa.
Matapos ang lahat, kung nag-aalala man ito o sinusubukan lang siyang pangaralan, sa kasalukuyan nilang sitwasyon, hindi naman ito nararapat.
Nang maisip ito, itinaas ni Nell ang kanyang kamay at sumagot nang tamad, “Jason Morton, sino ang namatay para maging isa kang hari?”
Nagulantang si Jason. “Ano?”
“Bakit kailangan kong sagutin ang mga tawag mo?”
Napatigil si Jason at ilang segundo pa ang lumipas bago pumasok sa isip niya ang sinabi ni Nell, mamaya-maya namuo ang galit sa kanyang mukha.
“Nell! Huwag kang bastos! Nag-aalala lang ako para sa iyo!”
“Oh? Alam ba ni Celine na ganyang lebel ang pag-aalala mo sa akin?”
Napataas ang kilay ni Nell na tila ba nakangiti ito pero hindi talaga.
Kitang kitang namimilipit na si Jason sa galit, pero wala siyang masabing kahit ano laban sa kanya.
Sa pagkakataong iyon, isang malinaw at malambing na boses ang maririnig mula sa pinto ng villa.
“Jason!”
Nang lumingon ito, nakita niya si Celine na nakasuot ng isang lilang dress na mahaba ang manggas.
Agad na napakali ang mukha ni Jason at naglakad siya papunta sa kanya.
“Bakit ka lumabas nang suot iyan? Mahangin dito.”
“Ayos lang. Hindi naman malamig.” Nginitian siya ni Celine bago napunta ang tingin nito kay Nell.
Sunod, ngumiti siya nang kay tamis at agad na nilapitan si Nell.
“Ate, andito ka pa? Hindi ka pala nagmaneho? Sabihan ko ba silang ihatid ka?”
Tinignan ni Nell ang malumanay at mabait na mukha ni Celine at saka sumagot nang pakutya. “Hindi na kailangan. Tatawag na lang ako ng taxi.”
Nag-alangan pa si Celine bago ngumiti. “Ate, huwag mong subukan na maging matapang. Hindi madaling kumuha ng taxi dito. Bukod pa roon, hindi ligtas na umuwi ka nang mag-isa. Ipapahatid na lang kita!”
Pagkatapos, tumawag siya ng katulong.
“Maghanap kayo ng driver para ihatid ang ate ko.”
Tumango ang katulong at agad na tumawag ng driver.
Nakita ni Nell kung paanong umakto si Celine na para bang master ng pamilya Jennings, nakakasuka ito.
Akalain mo nga naman, limang taon ang nakararaan, parang palaboy lang itong si Celine. Noon, walang kahit anong pwedeng sabihin ang nanay at anak nito sa kanilang pamamahay, subalit sa loob lamang ng saglit na panahon, matindi ang pagbabago ng sitwasyon.
Napangisi si Nell sa kanyang puso. Natural, hindi masaya ang ngiting ito. Malamig niyang sinambit, “Celine Jennings, bingi ka ba? Kailan ako pumayag na magpahatid pauwi?”
Nagitla si Celine at napaatras nang makita niya ang mga malalamig na mat ani Nell, tila ba takot na takot siya sa masasakit nitong mga salita.
“Ate, huwag kang magalit. Nag-aalala lang ako para sa iyo.”
“Nag-aalala para sa akin?” Napasinghal na lang si Nell at humakbang paharap. “Ikaw na kanina lang ay nakikipagtulungan kay lola para pagbantaan ako? Ngayon sasabihin mong nag-aalala ka sa akin? Celine Jennings, hindi ka ba natatakot na hindi mo na matatanggal ang maskarang suot mo sa tagal nitong nakakapit sa mukha mo?”
Namutla nang bahagya si Celine at tila ba naiiyak na ito.
“Ate, nag-aalala lang ako para sa iyo. Paano mo iyan nasabi…”
Nanginig ang payat nitong katawan at hindi mapigilan ni Jason na mapahakbang na para yakapin ito.
Tumingin siya nang masama kay Nell.
“Nell Jennings! Pwede bang tigilan mo ang pananalita mo? Para kang nagwawalang hayop na nakakasakit ng lahat ng lumalapit sa iyo! Gusto lamang ni Celine na maging mabuti sa iyo. Tumanggi ka lang kung ayaw mo. Bakit talagang magsasalita ka pa ng masama?”
Tumigil si Nell habang pinanonood niyang pinaglalaban ni Jason si Celine.
Sunod, pakutya siyang ngumiti habang nanlalamig ang kanyang puso.
Anim na taon silang magkasama. Hindi naman siya minaltrato ni Jason. Sa totoo lang, mabuti ito sa kanya at maunawain.
Kung hindi, hindi siya aabot ng anim na taon kasama ito.
Subalit, hindi niya maintindihan. Bakit hindi ito nakipaghiwalay sa kanya kung mahal na mahal niya pala si Celine?
Hindi naman si Nell ang tipong mahilig sa kompetensya. Kung nakipaghiwalay ito nang maayos sa kanya at naging sila ni Celine, wala namang sasabihin si Nell kahit masaktan pa siya.
Sa halip, naghintay pa talaga itong mahuli niya sila at talagang umabot sa ganitong punto!
Itinabingi ni Nell ang kanyang ulo at malamig na sumagot, “Kung ayaw mong masaktan, huwag kang lumapit. Binabalaan na kita. Huwag kayong maglandian sa harap ko. Hindi niyo ba alam na mas madaling mamamatay ang pag-ibig ng mga ganyang tao?”
“Ikaw!”
Nag-apoy sa galit si Jason pero agad siyang pinigilan ni Celine. “Jason, hayaan mo na lang! Wala lang sa mood si Ate. Huwag na tayong makipag-away pa…”
Napatingin na lang nang may muhi si Jason kay Nell at saka kinumpas ang kamay para mapakalma ang sarili.
“Sige! Hindi na ako makikipagtalo sa iyo. Walang lalaking magkakagusto sa gaya mong hindi maganda ang ugali! Huwag kang magsisisi! Celine, tara na!”
Agad niyang hinila si Celine pabalik sa villa.
Nakatayo lamang nang mag-isa si Nell sa malamig na simoy ng hangin at saka siya nanginig.
Walang magkakagusto sa kanya?
Sumakit nang todo ang puso niya at nagsisimula na siyang maiyak.
Subalit, napakurap siya nang ilang beses, pinipilit niyang pigilan ang luha.
Sunod, napatawa na lang siya sa kanyang sarili.
‘Ano bang iniiyak mo?’
‘Narinig mo na ang lahat ng uri ng masasamang salita. Hindi naman kayang maglabas ng ginto ng isang aso. Natural lamang na wala kang maririnig na magagandang salita kung makikipagtalo ka sa kagaya nito.’
Dalawang beses siyang huminga nang malalim para kumalma.
Sa pagkakataong iyon, ‘honk—honk—’, narinig niya ang busina sa harap niya.
Nakita ni Nell ang isang itim na Rolls-Royce na patungo sa kanyang kinaroroonan.
Ang maliwanag nitong ilaw ang siyang dahilan para mapatakip siya ng mata. Mamaya-maya, tumigil ang sasakyan sa harap niya.
“Ms. Jennings! Hello po ulit!”
Ang assistant ni Gideon Leith, si Matthew Starks, ang siyang nagsalita. Natural na nakilala agad siya ni Nell. Nitong umaga lang naman sila nagkita.
Ngumiti siya nang pilit, at tila ba nahihiya. “Bakit ka andito?”
“Katatapos lang ni Mr. Leith na pumunta sa isang dinner party. Nangyaring napadaan lang kami nang makita ka namin, kaya inutusan niya akong tumigil.”
Sunod, ngumiti siya at pinagbuksan siya ng pinto, at magalang na yumuko. “Ms. Jennings, pakiusap.”
Nag-alangan si Nell.
Tinignan niya ang lalaking nasa kotse. Tahimik lamang itong nakaupo habang nakasiko ito sa bintana, nakatingin ito sa tanawin pero para bang wala itong nakikita. Tila ba ang tamlay nito.
Sa ilalim ng madilim na liwanag, kita pa rin ang hubog ng kagwapuhan nito. Ang malamig nitong dating ang dahilan para magmukhang iwas ito sa tao at walang paki sa iba.
Napatigil siya nang ilang segundo bago tuluyang pumasok sa kotse.
Nang makaupo na siya, naamoy niya ang alak.
Nagulat nang bahagya si Nell at napabulalas na lang, “Nakainom ka ba?”