Kabanata 9
“Sinaktan niya si Nellie.”
Ngumuso si Aura at nagpatuloy, “Sa sandali na pumasok siya ng kwarto, inakusahan niya si Nellie na ginalit ako bago niya sinampal si Nellie. Hindi ko siya agad napigilan.”
Nagpanggap pa siya na nababalisa habang lumuhod siya para hawakan ang mukha ni Nellie. “Masakit siguro ‘no?”
Tumingin ng masama si Nellie, puno ng galit ang mga mata niya, at sinampal niya ang kamay ni Aura at umalis siya sa kandungan ni Joshua. Tumakbo siya papunta kay Luna at hinawakan niya ang kamay nito. “Ayos… lang po ba kayo?”
Idiniretso ni Luna ang likod, ngunit masakit pa rin ito dahil sa sipa. “Ayos lang ako.”
Binuhos ni Aura ang buong lakas niya sa sipang ito, at dala pa rin ni Luna ang dating sugat niya mula sa aksidente noong anim na taon na nakalipas. Halos hindi na siya nakatayo dahil sa sipa.
Alam ito ni Nellie. Kaya’t balisa niyang hinawakan ang kamay ni Luna at dinala niya ito sa sulok ng sofa. “Masakit po ba?”
“Bahagyang tumaas ang kilay ni Joshua dahil sa nag aalala na boses at pag uugali ni Nellie.”
“Aura, sinabi mo na sinaktan niya si Nellie?”
Humigpit ang mga kamao ni Aura.
Hindi niya inaasahan na maging mabait ang bwisit na ito sa isang katulong lamang.
“Parang may kakaiba. Bakit mabait si Nellie sa kanya kahit na sinaktan niya si Nellie?” tinikom ni Aura ang bibig niya. “Baka iniisip ni Nellie na basta’t mabait siya sa katulong at hindi niya binunyag na sinaktan siya nito, pwede niya akong sisihin para magalit ka sa akin.”
Pagkatapos sabihin ito, pinilit niyang lumuha sa sulok ng kanyang mga mata. “Kaming tatlo lang ang nandito kanina. Hindi inamin ng katulong, at hindi rin inamin ni Nellie. Kahit anong gawin ko, walang naniniwala sa akin.”
Lumaki ang mga mata ni Nellie dahil sa mga sinabi ng babae.
“Sinampal mo ako!”
Masaya si Nellie sa dating buhay niya sa ibang bansa, protektado ng kanyang pamilya, at ito ang unang pagkakataon niya na makilala ang isang taong magaling magsinungaling!
“Kahit anong sabihin mo, hindi ako makikipagtalo sa isang bata.”
Lumiit ang mga mata ni Luna at tumingin siya ng masama kay Aura; mas kalmado po ang babaeng ito kaysa sa inaasahan.
Malinaw na si Aura ang nanakit kay Nellie, ngunit nagpapanggap siya na isang biktima na pinagbigyan ang may sala, ginawa niyang peke ang katotohanan!
“Nellie, pasensya na,” suminghot si Aura, tila malungkot at nakakaawa siya. “Hindi kita sinaktan, pero dahil gusto mong humingi ako ng tawad, susunod na lang ako.”
Lumaki sa gulat ang mga mata ni Nellie. “Pero sinaktan mo ako!”
“Ganito na lang.”
Tumaas ang kamay ni Aura para sampalin ang kanyang sarili ng mahina. “Dahil sinabi mo na sinaktan kita, sasampalin ko rin ang sarili ko. Patas na tayo.”
Pagkatapos, pinunasan niya ang kanyang luha. “Nellie, tapusin na natin ito, okay? ‘Wag mo nang pahirapan ang dad mo dahil sa isang maliit na bagay.”
Nanginig ang buong katawan ni Nellie sa galit!
Paano nagawang kumilos ng ganito ang babaeng ‘to?!
Si Aura ang nanakit sa kanya at masakit pa rin ang pisngi niya, ngunit ginawa ng babaeng ito na para bang nagpapanggap lang si Nellie!
Galit na ngumuso ang munting babae. Sa huli, hindi niya na napigilan na tumulo ang luha sa kanyang mga mata. “Ikaw ang masama! Ikaw ang masama! Ikaw ang nanakit sa akin, at sinisisi mo si Auntie! Ang sama mo!”
Nanginig ang katawan ni Nellie sa pag iyak niya.
Kung sabagay, anim na taong gulang pa lang siya, kaya’t wala lang siya kumpara sa malupit na si Aura.
Lumapit si Luna para yakapin si Nellie para gumaan ang loob nito. “Ms. Gibson, sinasabi niyo na sinaktan ko si Ms. Nellie?”
Lumingon si Aura sa gilid. “Sinabi ko na tapos ang isyung ito. Humingi na ako ng tawad, at wala na akong sasabihin. ‘Wag mo na ‘tong banggitin; ayaw ko nang masaktan si Nellie.”
Ngumiti ng bahagya ang babaeng nakayakap kay Nellie. “Paano kapag nagpatuloy pa ako?”
Umupo sa sofa si Joshua at sinuri niya ang mukha ni Luna.
Ngumiti siya at binitawan si Nellie bago niya nilabas ang isang recorder pen mula sa kanyang bulsa.
Biglang namutla ang mukha ni Aura na parang isang multo.
May bahid ng takot sa kanyang mga mata. Agad siyang tumakbo para agawin ang pen.
Kalmadong umiwas si Luna habang hawak ang recorder pen. Kalmado niyang sinara ang recording at binalik ito sa parte nung kakapasok niya lang sa bahay.
“Sinampal ko siya.”
“Gusto mo bang maghiganti para sa bwisit na ‘yan?”
“Hindi ko siya pwedeng saktan dahil bata lang siya?”
“Nararapat lang ‘to sa tiyanak na yan dahil tinatawag niya na tatay ang kung sino sinong lalaki.”
Klaro na narinig ang malamig at mayabang niyang boses mula sa recorder pen.
Tumayo lang si Aura na para bang binuhusan siya ng pintura sa ulo niya, namutla siya sa isang saglit, at nagbago ng paiba iba ang ekspresyon niya.
Pagkatapos i-play ang recording, kalmadong ibinalik ni Luna ang kanyang recorder pen sa kanyang bulsa. “Ms. Gibson, pareho kaming may saksi at ebidensya, pero pinipilit niyo pa rin na sinaktan ko si Ms. Nellie?”
Pagkatapos, yumuko siya at sinuri ang bakas ng palad sa mukha ni Nellie, kumirot ang puso niya dahil dito.
Kinagat niya ang kanyang labi. “Malakas ang pagkaka sampal, at makikita rin ang detalye ng palad.”
“Ms. Gibson, maaari ba nating ikumpara ang mga palad natin sa bakas ng sampal sa mukha ni Ms. Nellie?”
Walang masabi si Aura.
Kinagat niya ang kanyang labi at natataranta siyang lumingon. “Joshua, kasi…”
Sa likod niya, makisig pa ring nakaupo sa sofa ang matangkad na lalaki, ngunit mas naging malamig at mabigat ang aura mula sa kanyang katawan, na para bang isang malaking yelo na hindi natitibag at handang mawasak anumang oras.
“Mr. Lynch, klaro na po ngayon kung sino ang nanakit kay Nellie.” huminga ng malalim si Luna at tumayo siya, niyakap niya ang luhaan na si Nellie. “Dahil hindi ako ang responsable sa pananakit, dadalhin ko na po si Ms. Nellie sa taas para gamutin ang sugat niya.”
Pagkatapos, kinarga niya si Nellie at umakyat na siya sa hagdan papunta sa taas.
Lumiit ang mga mata ni Joshua at tumingin siya sa likod ng babae.
“Joshua…” ginitgit ni Aura ang kanyang ngipin. “Sa totoo lang, kasi…”
“Anak ko si Nellie.” malamig at malalim ang boses ni Joshua. “Hindi ko alam kung paano siya lumaki nitong nakalipas na anim na taon, pero susubukan ko ang lahat para bigyan siya ng magandang buhay.”
Tumingin siya sa mukha ni Aura na namumula at namamaga mula sa mga kamao ni Luna. “Dahil pinagbayad ka na ng katulong sa pananakit mo kay Nellie, wala akong gagawin sayo.”
Natuwa si Aura at sumandal siya paharap. Bago pa siya makapagsalita, muli niyang narinig ang malamig na boses ni Joshua:
“Pero sa susunod, hindi na kita papayagan pumunta sa Blue Bay Villa.”
Lumubog ang puso ng babae sa kanyang dibdib at kinagat niya ang kanyang labi. “Pero Joshua, ako pa rin ang nobya mo sa mga mata ng publiko, kapag hindi mo ako pinayagan na pumasok dito…”
“Alam mo naman na para lang naman sa imahe ‘to.”
Tumayo ang lalaki at tumalikod siya kay Aura. “Pumayag ako na magpanggap na engaged tayo dahil kay Luna. Ngayon, sinaktan mo ang anak namin.”
“Sa tingin ko, kapag nalaman niya ang nangyari ngayon, hindi niya na ako hahayaan na makita ulit si Nellie.”
Pagkatapos, umakyat na ng hagdan ang lalaki. “Paalisin niyo na siya!”
“Ms. Gibson, dito po.”
Kinagat ni Aura ang kanyang labi. Tumitig siya ng malupit sa patalikod na sina Luna at Nellie.