Kabanata 1 Isang Matinding Tama
“Verian Mont, 21 years old, graduate ng North City University, ‘di pa nagkakarelasyon, malusog…”
Sinara ng lalaking katapat niya ang folder matapos basahin ang mga laman nito. Tumaas ang kilay ng lalaki at nagtanong, “Sigurado ka bang gusto mong maging surrogate?”
Mahigpit ang kapit ni Verian Mont sa dulo ng damit niya at puno siya ng pag-aalala at kaba. At saka siya sumagot, “Siguradong sigurado, kailangan ko ‘tong pera.”
“Magkano ang kailangan mo?”
Nagulat ang dalaga at mahinang sumagot, “Sampu…sampung milyon.”
Lumalim ang pagkunot ng noo ng lalaki. “Walang dapat makaalam nito. Kaya ‘di ka pwedeng umalis sa lugar na ‘to sa loob ng sampung buwan ng pagbubuntis hanggang sa panganganak. Isa pa, ‘di ka pwedeng kumontak ng kahit sino. Kaya mo bang gawin ‘yun?”
Namuti na ang mga kamao ni Verian Mont sa higpit ng pagkakasara niya sa mga ito. Huminga siya nang malalim. Nanginginig siya nang sabihing, “Ipa…ipapangako ko, pero sa isang kundisyon.”
“Sabihin mo kung ano ‘yun.”
“Pagkapirma ko sa kasunduan, gusto ko kaagad na maideposit ang sampung milyon sa account na ‘to sa oras na mabuntis ako. Kailangan ko ‘to agad.”
‘Hah, nakatagpo talaga ako ng babae na pera lang ang habol.’
May bahid ng paghamak sa mga mata ng lalaki. “O sige, walang problema. Maghanda ka na. Darating ang benefactor mamayang alas otso ng gabi. Demanding siya kaya makakabuti sa’yo kung mabubuntis ka kaagad sa loob ng isang buwan. Kung hindi, kalimutan mo na ‘yung sampung milyon.”
…
Malapit nang mag-alas otso ng gabi nang alalayan si Verian Mont sa isang napakadilim na kwarto sa isang villa. Sa sobrang tahimik ng kwarto, ang maririnig lamang ay ang bawat segundong paggalaw ng orasan.
Maya-maya ay biglang nagbukas ang pintuan. May isang lalaking naglalakad sa kadiliman. Sa sobrang dilim ay ‘di maipinta ang itsura ng lalaki. Yayakapin sana nang mahigpit ng dalaga ang kanyang sarili nang bigla siyang itulak sa kama ng isang malaking kamay.
“Sampung milyon. Ang tapang mo din ah.”
Tila nakakahiwa ng katahimikan ang panunuya ng lalaki at parang sinaksak sa dibdib ang dalaga sa mga salita nito.
Mahigpit na ipinikit ni Verian Mont ang mga mata niya. Sa kabila ng nanginginig na mga labi ay sumagot siya, “Itigil mo na ang pagpapaligoy!”
Ugong lang ng panghahamak ang sagot ng lalaki…
‘Maililigtas ang Mont Enterprise basta’t malagpasan ko ang gabing ‘to. Kapag nangyari ‘yun, hindi na makukulong si Papa dahil lang sa ‘di pagkakabayad ng mga utang.’
…
Tumagos sa mga kurtina ang mga sikat ng araw at suminag sa mga mata ng dalaga kaya ito nagising. Umalis na ang lalaking dumating kagabi. Pumasok naman ang isang kasambahay at mahigpit na sinabing, “Darating si Master tuwing gabi hanggang sa mabuntis ka. Kung ‘di ka pa nagdadalang-tao pagkalipas ng isang buwan, mag-impake ka na at umalis.”
Mahigpit na kumuyom ang mga kamao ni Verian Mont. Mabubuntis siya, alam niyang mabubuntis siya.
Pagkaraan ng isang buwan, nagpositibo ang kanyang pregnancy test.
“Iniutos na ni Master na maideposito ang sampung milyon sa account mo. Pwede ka nang magpahinga at tuunan mo ng pansin ang pag-aalaga sa dinadala mo!”
‘Di sigurado si Verian Mont kung matatawa ba siya o maiiyak. Nababalisa siya nang hawakan niya ang kamay ng kasambahay. “Gusto kong tawagan ang ama ko at malaman kung ayos lang ba ang lahat. Gusto kong itanong kung natanggap niya ‘yung sampung milyon. Please, parang awa mo na. Matutulungan mo ba ako? Pangako, wala akong pagsasabihan! Pangako…parang awa mo na…”
Naawa sa dalaga ang matandang kasambahay. Kumunot ang noo nito pero bumigay din ang puso niya at sumagot, “Ano’ng gusto mong sabihin sa kanya? Makakapagpadala ako ng mensahe, pero isang beses lang!”
…
Pagkalipas ng halos sampung buwan, nakahiga sa isang kama sa villa si Verian Mont at labis na pinagpapawisan. Makapanirang-tengang mga sigaw ang naririnig sa loob ng bahay. Nanatili namang kalmado at mahinahon ang babaeng doktor na nagpapaanak. “Sige pa, umire ka pa nang mas malakas. Lalabas na ang ulo ng bata!”
Nangangatal na ang mga ngipin ni Verian Mont sa labis na pagkagigil at sa isang huling pagdiin ay nagsilang din siya ng isang sanggol. Napuno ng malakas na pag-iyak ang kwarto.
Agad namang inilagay ng babaeng doktor ang sanggol sa incubator. “Ilayo niyo na kaagad ang bata.”
Habang nasa kamang puno ng dugo, luhat, at pawis na tumutulo sa kanyang mukha, mahinang nagsalita si Verian Mont, “Pakiusap, hayaan niyo akong makita ang baby…”
Ngunit hindi dininig ang kanyang hiling. Agad na tinangay ang sanggol na nasa incubator. Ni hindi man lang niya nalaman kung lalaki ba ito o babae.
Isang magara at limited edition na itim na Maybach ang nakaparada sa labas ng villa.
Napakunot ang noo ng lalaki nang makita ang bata sa incubator na bahagya pang nababalot ng dugo.
“President Fudd, kamukha niyo po ang baby.”
Malalim at malamig ang boses ng lalaking sumagot. “Bakit mo naman nasabing magkamukha kami? Tara na sa ospital. Ngayon na.”
“Opo.”
Halos matumba si Verian Mont mula sa obstetric table nang bumangon siya. Sumilip siya sa labas ng bintana at ang anino na lamang ng itim na kotse ang naabutan niya.
…
Pinauwi si Verian Mont sa kanyang pamilya isang araw pagkatapos ng panganganak niya at ni hindi man lang binigyan ng panahon na manumbalik ang lakas.
Nakatayo sa labas ng pintuan si Verian Mont. Sa kanyang utak ay nag-iisip siya ng mga dahilan para ipaliwanag ang sampung buwan niyang paglaho. Huminga siya nang malalim. Pipindutin na sana niya ang doorbell nang mapagtanto niyang bukas naman ang pintuan.
Itinulak niya ang pinto at nakitang walang tao sa sala. ‘Nakakapagtaka. Walang tao sa bahay? Andito lang dapat si Aunt Sheen at Wanelle kung nasa opisina man si Papa.’
Nang paakyat na siya sa hagdan, may dalawang pamilyar na mga taong sumulpot sa may koridor. Bahagyang hinahampas ng kamao ng babae ang dibdib ng lalaki. Pabiro itong nagdabog, “Alam mo nakakainis ka. Kailan mo ba ako pakakasalan?! ‘Wag mo sabihing iniisip mo pa rin si Verian Mont? Sampung buwan na siyang naglaho nang wala man lang pasabi…”
“Bakit ko naman siya iisipin? Kaya ko lang naman siya niligawan ay dahil anak siya ng Mont Family. Di naman siya kalibang-libang, ‘di tulad mo.” Yumuko ang lalaki at may ibinulong sa tenga ng babae.
Mula sa paa ng hagdan, namutla si Verian Mont. Nakamamatay na ang titig niya sa babae’t lalaking nasa itaas.
Ang lalaking kausap ng anak ng stepmother niya ay walang iba kung ‘di ang boyfriend niyang si Jensen.
Sampung buwan lang siyang nawala at nakikipaglandian na sa kapatid niyang si Wanelle ang boyfriend niya!