Kabanata 2
Inihatid ako pauwi ni Teri pagkatapos kong magpahinga nang dalawang araw sa ospital. Gusto kong umalis kasama niya, pero sinara niya ang pinto sa sandaling nakalabas ako.
Suminghal siya at nagsabing, “Dapat ka pa ring umuwi. Ayaw kong maging kontrabida kapag bumalik ang mga alaala mo at magmakaawa ka sa'kin nang umiiyak para hayaan kang magpatuloy na maging sunud-sunuran kay Elijah.”
Nakita ko ang takot sa mga mata niya. Para bang maraming nadalang problema sa kanya sa mga nagdaang taon ang pagiging hopeless romantic ko hanggang sa na-trauma siya.
Pinanood ko siyang magmaneho papasok sa villa nang nakakunot ang noo. Malaki, walang laman, at hindi ito pamilyar.
Gayunpaman, nang nakita ko ang hilera ng mga wedding photos na nakasabit sa pader, alam kong nasa tamang lugar ako. Isang medyo may edad na babaeng mukhang katulong ang lumapit para kunin ang gamit ko. “Nasa business trip si Mr. Linden at hindi siya uuwi ngayong gabi, Ms. York. Hindi mo siya kailangang hintayin para maghapunan.”
Tumango ako at umakyat sa hagdan. Para bang nagulat ang katulong. “H-Hindi ka ba magtatanong kung bakit di uuwi si Mr. Linden?”
Kakaiba ang tanong na iyon. Nagtanong din ako, “Di ba sabi mo nasa business trip siya?”
Tinitigan niya ako nang kakaiba. “O-Oo, pero… hindi ka naniwala roon noon.”
Naiinis akong kumaway. “Wag ka nang magluto ng kahit na ano para sa kanya dahil di naman siya uuwi. Aakyat na ako.”
Tumalikod ako at nagpatuloy na umakyat sa hagdan habang bumulong ang katulong, “Kakaiba yun. Bakit parang nagbago siya?”
…
Nagpunta ko sa banyo para maligo nang nakarating ako sa kwarto. Komportable ang mga araw ko sa ospital, pero malaking isyu ang pagligo. Hindi rin nakatulong na ayaw ko sa marumi.
Nagpahinga ako habang lumublob ako sa mainit na tubig. Salamat sa pagpapaliwanag sa'kin ni Teri nitong nagdaang tatlong araw, alam ko na kung paano ako nagkaganito.
Kinasal ako, at ang asawa ko nang limang taon ay si Elijah Linden, na dating kilala bilang ice god ng Halton University. Nagkakilala kaming dalawa sa pangalawang taon ko.
Ayon sa sinabi sa'kin ni Teri, pitong taon kaming naugnay ni Elijah. Pero ang alaala ko ay noong nasa unang taon pa lang ako ng kolehiyo at isang mapagmalaking heiress ng York family.
Sa mga alaala ko, bata pa ako at maganda. Nagmula ako sa isang mayamang pamilya at lumaki sa layaw. Ang mga binatang interesado sa'kin ay pwedeng bumuo ng pila mula sa dulo ng lungsod hanggang sa kabila. Sa mga salita ni Teri, ang bawat isang buhok sa ulo ko ay sumisigaw ng “mayaman.”
Pero simula nang nakilala ko si Elijah nang tumulong siya sa isang activity na isinagawa ng drama club ko sa ikalawang taon ko, naging sunud-sunuran niya ako. Binuhos ko ang buong panahon ko sa unibersidad sa pagpapakita kung ano ang tunay na sunud-sunuran.
Wala akong hindi kayang gawin para mapalapit ako kay Elijah. Sabi sa'kin ni Teri, para raw akong nagayuma noon. Alam kong may mahal siya noong bata pa siya, pero kumapit pa rin ako sa kanya. Gusto kong sirain ang relasyon nila para maangkin ko siya.
Sa ilalim ng hindi nag-iisip at walang kahihiyang panliligaw ko, sa wakas ay pumayag si Elijah na pakasalan ako nang malapit na kaming magtapos.
Oo, ako ang nag-propose sa kanya. Pagkatapos nito, nirehistro namin ang kasal namin nang walang wedding ceremony. Kumuha lang kami ng simpleng wedding photos bago ako naging opisyal na Mrs. Linden.
Pagkatapos ng kasal namin, binuhos ni Elijah ang sarili niya sa trabaho dahil nasa kritikal na sitwasyon ang kumpanya ng pamilya niya. Sa umpisa, normal lang ang reaksyon ko. Ngunit pagkatapos mapansing hindi niya ako mahal at patuloy na nag-iwan ng mga bakas ng tunay niyang mahal sa buhay niya, nagsimula akong umasta na parang baliw.
Ginawa ko ang lahat ng klase ng paraan para malaman kung nasaan si Elijah bente-kwatro oras. Kumuha pa ako ng private investigator para maghukay ng impormasyon tungkol sa tunay na minamahal ni Elijah na nasa ibang bansa.
Pagkatapos gumastos nang malaki, nalaman ko ang dahilan sa hiwalayan nina Elijah at ng girlfriend niya. Kasabay nito, napansin kong ginamit lang ako ni Elijah para ayusin ang krisis ng kumpanya ng pamilya niya.
Hindi niya ako mahal, pero ang lakas ng loob niyang kunin ang shares at mga pondo ng York Group na nasa ilalim ng pangalan ko. Nabuhay muli ang Linden Group dahil sa investment ko, pero malaki ang nalugi sa York Group.
Ang tatay kong si Philip York ay nauwi sa ospital pagkatapos ma-stroke dahil sa galit. Ang kawawa kong inang si Marie Keller ay nagkasakit sa puso pagkatapos ng lahat ng nangyari. At ang kapatid kong si Jonathan York, na matagal na akong kinagigiliwan, ay sinampal ako sa pinakaunang beses.
Ang tulong na walang alinlangan kong ibigay kay Elijah ang naging dahilan kung paano ako naging katatawanan ng Halton City. Pagkatapos mawala ang suporta ng pamilya ko, mas lalo akong nataranta at nabaliw.
Ngunit hindi nakonsensya si Elijah sa mga pagwawala ko. Sa kabaliktaran, lalo niya lang akong kinamuhian at nilayuan.
Samantala, nanatili niyang kausap ang tunay niyang mahal at hindi talaga naputol ang ugnayan nila. Nagsikap siya para bumuo ng reputasyon bilang isang masining na diyosa.
Para akong bruha kung ikukumpara sa ganda at kayumihan niya. Nagmukha akong isang barumbado sa mga talento at nakamit niya sa buhay.
Isa samin ay isang mapagmataas at makapangyarihang diyosa, habang ang isa naman ay isang nagwawalang barumbado na may hawak sa posisyon ng pagiging asawa ni Elijah.
Ang kahit na sinong hindi bulag ay pipiliin siya kaysa sa'kin. Pero para bang nakalimutan ng lahat na ako dati ang pinakakilala at talentadong heiress ng Halton City. Nakapasok ako sa Halton University nang may matataas na grado!
Nakalimutan ko ang sarili ko nang dahil sa pagmamahal ko para kay Elijah. Samantala, ang tunay niyang mahal ang nag-iisang nakaranas ng pagmamahal at katapatan niya.
Sa huli, nagbanta ako kay Elijah na magpapakamatay pagkatapos naming mag-away nang dahil sa maliit na bagay. Matagal na siyang nagsawa sa mga ginagawa ko kaya tumalikod siya at umalis.
Sa panlulumo ko, tumalon ako mula sa ikalawang palapag. Hindi ako namatay, pero tumama ang ulo ko.
…
Kinilabutan ako pagkatapos isipin ang lahat ng nakalimutan ko. Lumamig na ang tubig sa bathtub, kaya nagmadali akong punasan ang sarili ko. Pagkatapos, nagtapis ako ng tuwalya.
Tinignan ko ang sarili ko sa salamin. Mapula ako at mukhang pagod na pagod, ngunit may hindi normal na mapupulang bahagi ang mukha ko. Napakapayat ko—mukha akong kulang sa sustansya. Medyo may tambok ang mukha ko noong labing-walong taong gulang ako, pero hindi na ngayon.
Hindi pa rin makapaniwala habang tinitigan ko ang repleksyon ko. Nabaliw ako sa pag-ibig, at ginusto kong tapusin ang buhay ko para sa isang lalaking hindi ko kamag-anak nang walang pakialam sa nararamdaman ng pamilya ko.
Anong pumasok sa isipan ko?
Sinampal ko ang sarili ko sa ulo, ngunit kumalat ang isang matinding sakit sa loob ko. Nakuha ang mga mata ko—nakalimutan kong sugatan pa ako, bwisit!
Bigla na lang, bumukas ang pinto ng banyo. Tumingala ako para makitang nakatayo roon si Elijah, na mukhang seryoso.
“Anong…” Napahawak ako sa dibdib ko at kumunot ang noo ko sa kanya. Hindi pamilyar ang mukha niya sa'kin, ngunit nakaramdam ako ng kaunting nginig sa katawan ko nang makita ko siya.
Lumalim ang pagkakakunot ng noo ko sa pamilyar na pakiramdam. Gayunpaman, para kay Elijah, sinusubukan ko lang gumawa ulit ng gulo. Malamig siyang nagtanong, “Bakit ang tagal-tagal mo sa loob? Lumabas ka na kung tapos ka na. O sa tingin mo bubuhatin kita palabas?”
Lumapag ang tingin niya sa bathtub, na puno pa rin ng tubig. Suminghal siya at nagsabing, “Wag mong sabihing iniisip mong maglaslas sa tub at pagbantaan akong magpapakamatay ka ulit? Gaano katagal mo pa bang gagawin to?”
Sinundan ko ang tingin niya papunta sa duguang kamay ko. Gusto kong ipaliwanag na mula ito sa sugat sa likod ng ulo ko, pero nilampasan na niya ako at kumuha ng tuwalya. Pagkatapos, dumiretso siya para maligo. Namula ang mukha ko nang nakita ko siyang maghubad.
“Anong ginagawa mo?” Sigaw ko habang nagmamadaling lumingon palayo. Mainit ang mukha ko.
Narinig ang tunog ng dumadaloy na tubig at mapangmatang nagsabi si Elijah, “Maliligo ako. Anong problema? Hilig mong pumasok dito na ang naliligo ako para samahan ako, di ba? Ano pang punto ng pag-arte mong inosente ngayon?”
Mas lalong uminit ang mukha ko. Nahiya rin ako. Minura ko siya bago nagmadali palabas ng banyo.