Kabanata 9 Napilitang Umuwi
“Ikaw!”
Galit na galit si Shaun. “Tinatanong kita ulit. Uuwi ka ba?”
“Hindi!”
“Sige! Tandaan mo iyan! Huwag mong akong sisihin na hindi kita binalaan. Mismong lola mon a ang hahabol sa iyo.”
Naramdaman ni Shaun na tila ba di niya talaga kayang tagusan ang malamig na pagkatao ng kanyang anak at ibinaba na lamang ang tawag.
Napasinghal si Nell at hinayaan na lamang siya. Itinabi niya ang kanyang cellphone at nagpatuloy na lamang na kainin ang inorder niyang pagkain.
Sa kabilang banda, nakaupo si Sylvia sa dining room. Napasimangot siya nang makitang galit na pumasok si Shaun.
“Kumusta? Sinabihan mo ba siya? Makakauwi ba siya?”
Hindi na kinaya ni Shaun, “Paano naman ako mananalo sa kanya? Matatag na ang kanyang pakpak at hindi naman siya nakaasa sa atin. Hindi siya uuwi hangga’t walang susundo sa kanya.”
Dumilim ang mukha ni Sylvia.
Ibinagsak niya ang chopsticks sa mesa.
“Bastos na bata!”
Napatalon ang lahat ng naroroon. Simula nang mamatay ang Old Master Jennings, si Sylvia na ang nag-aasikaso sa pamilya. Ilang taon niya nilipon ang awtoridad na mayroon siya, kaya nakakatakot ang galit niya.
Nagbigay ng senyas si Sally kay Celine gamit ang mga mata niya.
Agad namang kinuha ni Celine ang mangkok ng sopas sa harap niya at naglakad patungo sa matanda bago sabihin nang banayad, “Lola, huwag po kayong magalit. Mas mahalaga po ang inyong kalusugan.”
Sumingit rin si Sally. “Oo nga po, kung ayaw ni Nell, hayaan na po natin siya. Maghahanap na lang po tayo ng ibang paraan. Hindi po magandang magalit para po sa kalusugan niyo.”
Napatawa nang malamig si Sylvia. “Kalokohan! Akala niya ba hindi niya kailangang bumalik dahil ayaw niya? Gusto kong naririto siya ngayon! Titignan ko kung gaano katatag ang pakpak niya!”
Sunod, kinumpas niya ang kanyang kamay at tinawag ang butler, si Fabian Westwood.
“Fabian, puntahan mo kung nasaan siya ngayon. Sabihin mo na kapag hindi siya bumalik ngayong gabi, susunugin ko ang lahat ng bagay na iniwan ng nanay niya! Wala siyang kahit anong makukuhang kusing!”
Namutla si Fabian at agad na tumugon, “Masusunod po.”
…
Sa tanghali, tinapos n ani Nell ang huling order at naghanda nang isara ang maliit niyang tindahan.
Sa hindi niya inaasahang pagkakataon, nakita niya si Fabian Westwood na nakatayo sa pinto niya nang papalabas na siya.
Isang dekada na simula nang maging butler ng pamilya Jennings si Fabian, kaya natural na nakilala agad siya ni Nell.
Bago pa man dumating si Sally Youngs at Celine Jennings sa pamilya, maganda ang relasyon ni Nell kay Fabian. Kahit hindi sila ganoon kayaman, mataas ang tingin at paggalang nila sa isa’t isa.
Nang makita siyang muli, bigla niyang naalala ang tawag ni Shaun kanina, at nanlamig ang mukha niya.
“Eldest Miss, tapos na po kayo sa trabaho.”
Nilapitan agad siya ni Fabian. Sinulyapan lamang siya ni Nell habang hawak nito ang kanyang mga susi.
“Fabian, matagal tayong di nagkita.”
“Opo. Lalo po kayong gumaganda Eldest Miss. Kung naririto po ang mama niyo sigurado po akong masisiyahan siya na makita kayo.”
Napakunot ang labi ni Nell. “Kung naririto pa ba si mama, kakampihan mo ba siya o si Sally Youngs?”
Hindi inasahan ni Fabian ang tanong na ito kaya wala siyang masabi.
Wala namang intensyon si Nell na pahirapan siya at tumawa lang. “Nagbibiro lang ako. Huwag kang kabahan.”
Napuno ng malamig na pawis si Fabian at pumuwersa na lang rin ng isang tawa.
“May kailangan ka ba?”
Agad na sinambit ng butler, “Pinapahanap po ng lola niyo, gusto raw po niyang umuwi kayo.”
Nanlamig ulit ang mata ni Nell. Isang ngisi ang bumuo sa labi niya, “Hindi ba siya sinabihan ni Shaun Jennings na hindi ako uuwi?”
“Sinabi niya po, pero sinabi ng Old Madam na kapag hindi po kayo uuwi, mawawala raw po ang mga iniwang gamit ng mama mo.”
Malabo ang pagkakasabi ni Fabian, subalit naunawaan agad ito ni Nell.
Nagdilim ang mukha niya. “Sinabi niya iyan?”
Malungkot ang mukha ni Fabian.
Matapos ang isang sandali, nagbigay ito ng payo kay Nell, “Eldest Miss, marami ka ng pinagdaanan dahil sa away na ito sa pamilya mo? Gusto lang naman ng Old Madam na umuwi ka para kumain, at wala rin namang masyadong naiwan ang mama mo. Magiging huli na ang lahat para sa mga pagsisisi.”
Naging matindi at matigas ang ekspresyon ni Nell.
Pinakawalan na rin niya ang nakakuyom niyang kamao. “Sige.”
Nakahinga si Fabian nang marinig ito.
Yumuko siya at pinagbuksan ng pinto si Nell. “Eldest Miss, pasok na po kayo!”
Tahimik na pumasok si Nell sa sasakyan.
Dalawampung minuto ang makalipas, dumating na ang kotse sa tahanan ng Jennings.
Ang villa na ito ay nasa isang sikat na lugar ng mga mayayaman sa Jincheng. Napapagitnaan ito ng mga bundok at ng mga katubigan na siyang nagbibigay ng maaliwalas na tanawin.
Lumabas si Nell sa kotse at pumasok sa loob nang blangko ang mukha.
Sa sala, pumipili si Sally Youngs ng dress na isusuot ni Celine para sa kanyang birthday party sa makalawa.
Isang itong mahalagang araw para kay Celine, lalo na at iaanunsyo ang kasal niya. Hindi lamang ito kaarawan, ito rin ang araw ng kanyang engagement kay Jason Morton.
Matapos gawin ang mga preparasyon, pinaorder agad ni Sylvia Walker ang mga damit na susuotin ni Celine at agad na pumili ng venue.
Dalawang araw na lamang kaya imposibleng maipagawa pa ito nang custom-made.
Mabuti na lang, birthday party lang ito, at kaunti lang rin ang makakapunta upang marinig ang anunsyo ng engagement ni Jason at Celine. Mula sa panlabas na punto, matagal naman ng engaged ang dalawa kaya hindi na kailangang engrande ang damit.
Matapos maghapong pumili, nakahanap na rin si Celine ng ilang mga dress na gusto niya.
Ngayon ang gagawin na lamang niya ay hintayin na madeliver ito bukas.
Masayang nag-uusap ang dalawa nang biglang may tunog ang nanggaling sa labas.
Nang tumingin sila, nakita nilang pumasok si Nell.
Nakasuot ito ng puting t-shirt, itim na pantalon na maganda ang sukat sa kanyang tuwid at payat na binti. May suot rin itong beige na windbreaker, at nakaayos rin pataas ang buhok nito. Maganda at simple itong tignan.
Habang nakatitig si Celine, isang bakas ng inggit ang namuo sa puso niya.
Ayaw niya sa mapagpanggap na itsura ni Nell.
Nagbebenta siya ng mga erotikong produkto, pero ang bihis niya ay pormal at pangmayaman. Ang kanyang malamig na mukha ang siyang makapagpapaisip sa ibang tao na marangal siya at bibigatin.
Subalit, nang maisip ni Celine ang propesyon ni Nell, natuwa ang kanyang puso.
‘Ano naman kung nagpapanggap siya na mataas at marangal? Hindi niya pa rin ako kayang labanan.’
‘Ako ang kayamanan ng pamilya Jennings at ang pinakasikat na babae sa entertainment industry. Eh siya?’
‘Isa lang siyang palaboy ng sarili niyang pamilya. Ano naman kung puno siya ng talent? Hindi niya nga kayang ayusin ang trabaho niya.’
‘Sa pagkakataong iyon, mabubulok lang siya sa kanyang maliit na tindahan kabebenta ng mga munting laruan niya.’
Nang maisip ito, talagang hindi mapigilan ni Celine ang tuwa. Itinuwid niya ang kanyang likod at ngumiti habang lumakad papunta rito.
“Ate, nakabalik ka na!”
Agad ring lumapit si Sally, puno ng saya ang mukha niya.
“Andito ka na! Tara, umupo ka! Aunt Carroll, bigyan mo ng isang baso ng tubig ang Eldest Miss.”
Agad na nagmadali si Carroll. Subalit, puno ng paghamak ang mga mata niya nang tignan niya si Nell.
Hindi ito pinansin ni Nell at malamig na sinabi, “Bakit niyo ako pinatawag?”
Hindi makasagot si Sally.
Nakita ito ni Celine kaya agad niyang kinuha ang braso ni Nell at ngumiti, “Ate, bakit ka ba nagmamadali? Bihira ka lang umuwi. Mag-usap tayo pagkatapos ng hapunan! Hindi rin tayo nakakapagkuwentuhan. May oras pa naman bago ang hapunan, bakit hindi tayo mag-usap sa kwarto?”
Tinignan siya ni Nell ng may malamig na mga mata. Mapagkutya ang boses nito.
“Pag-usapan ang alin? Kung paano mang-akit ng lalaki? Pasensya na, hindi ako interesado sa mga ganyang bagay. Hindi ko rin kayang matutunan eh.”