Kabanata 2
Habang naglalakad si Frank palabas ng Lane Manor, lumingon siya upang tingnan ang lugar kung saan siya nanirahan sa nakalipas na tatlong taon.
Mag-isa siyang pumunta dito at ngayon ay umalis siya ng walang kahit ano.
Noong sandaling iyon, isang Rolls-Royce ang mabilis na humarurot papunta sa kanya mula sa malayo, at huminto sa may tabi niya.
Bumukas ang pinto, at isang lalaki na naka suit ang bumaba mula sa kotse, at ngumiti habang naglalakad siya papunta kay Frank. “Mr. Lawrence…”
“Anong ginagawa mo dito?” Nagtanong si Frank habang nakatingin siya sa lalaki—siya si Trevor Zurich, ang CEO ng Trevor International.
“Nakipag-partner ako sa asawa mo kamakailan para sa isang development project sa West City, at nagpunta ako dito para kausapin siya tungkol sa mga detalye ng project,” ang sabi ni Trevor.
Tumango si Frank ngunit sinabi niya na, “Hindi niyo na kailangang mag-usap—nakuha na ni Helen ang suporta ng Wesley family at hindi na niya kailangan ng tulong natin, at hindi ko na siya asawa.”
“Ano?!” Napasigaw si Trevor, hindi siya makapaniwala sa kanyang narinig. “Anong nangyari?”
“Naghiwalay na kami ni Helen,” ang sabi ni Frank. “Simula sa araw na ‘to, tapos na ang lahat ng namamagitan sa'min ng mga Lane.”
Pagkatapos, humarap siya kay Trevor at marahan niyang tinapik ang balikat ni Trevor, sinabi ni Frank na, “Salamat sa tulong mo sa nakalipas na tatlong taon, brother.”
Bagama't nakabase sa ibang bansa ang karamihan sa mga negosyo ni Trevor, pinakiusapan siya ni Frank na bumalik upang tulungan ang mga Lane at wala siyang kinitang kahit magkano sa mga panahong iyon.
Gayunpaman, agad na iniyuko ni Trevor ang kanyang ulo at sinabing, “Hindi, Mr. Lawrence—karangalan ko ang pagsilbihan ka… pero, bakit biglang nagdesisyon si Ms. Lane na makipaghiwalay sayo? Yung Sean Wesley na ‘yun ba ang dahilan?”
Kumunot ang noo ni Trevor, hinampas niya ang dibdib niya at sinabing, “Kung ganun, personal kong pupuntahan si Ms. Lane at kakausapin ko siya tungkol dito.”
Sa nakalipas na tatlong taon, ang tanging dahilan kaya siya nakipag-partner sa Lane Holdings ay dahil nakiusap sa kanya si Frank. Sa sobrang baba ng mga Lane, maging ang dilaan ang mga sapatos niya ay wala silang karapatang gawin, lalo na ang maging partner niya sa negosyo!
Napakabulag ni Helen, hiniwalayan niya si Frank dahil lang nagbukas na sa publiko ang kumpanya niya!
Gayunpaman, umiling si Frank. “Huwag na. Hiwalay na kami ni Helen—wala na kaming kinalaman sa isa't isa ngayon. Pwede ka nang umalis kung wala ka nang kailangan.”
Hinampas ni Trevor ang kanyang noo nang may maalala siya. “Yung totoo, may kailangan akong sabihin sayo. Naalala mo yung Wonderroot na pinapahanap mo sa’kin? Well, nakita ko na ‘yun, kaso…”
Lumingon sa kanya si Frank noong sandaling iyon, at nagtanong, “Kaso ano?”
“Kaso family heirloom ‘yun ng mga Turnbull. Malabong ibenta nila ‘yun sa’tin,” sumagot si Trevor, subalit agad ding nagbago ang tono ng pananalita niya. “Gayunpaman, nalaman ko din na nagkaroon ng malubhang sakit ang nag-iisang anak ni Walter Turnbull limang taon na ang nakakaraan, at may taning na ang buhay niya. Ang magandang balita ay nandito siya sa Riverton ngayon, at kapag tinulungan mo siya, Mr. Lawrence, siguradong mapapasayo na ang Wonderroot.”
Tumalim ang mga mata ni Frank—kailangang-kailangan niya ang Wonderroot, lalo na pagkatapos ng laban na naganap sa South Sea tatlong taon na ang nakakaraan.
Ngayong nabawasan ng husto ang kanyang lakas, ang tanging paraan upang maibalik ang buong lakas niya ay sa pamamagitan ng pinakamahuhusay na kayamanan ng Inang Kalikasan.
Dahil dito, hindi niya maaaring palampasin ang pagkakataong makuha ang Wonderroot!
Tumalim ang tingin ni Frank, at nagtanong siya, “Siguro naman nakausap mo na ang mga Turnbull tungkol sa Wonderroot?
Napalunok si Trevor, pinagpawisan ang noo niya habang sinasabi niya na, “Oo naman—hinding-hindi kita lolokohin. Nangako mismo si Walter Turnbull na ibibigay niya sayo ang Wonderroot at kahit ano pang kondisyon na sasabihin mo kapag napagaling mo ang anak niya.”
Inilagay ni Frank ang mga kamay niya sa likuran niya at hindi na siya nagtanong tungkol sa bagay na ito. “Kung ganun, puntahan na natin ang mga Turnbull.”
Natuwa si Trevor, binuksan niya ang pinto para kay Frank at sasakay na sana si Trevor nang dumating ang isang BMW na humaharurot papunta sa kanila at huminto sa harap ng Lane Manor.
Si Peter Lane—ang nakababatang kapatid ni Helen—ay agad na bumaba mula sa kotse at nagmamadaling lumapit kay Trevor.
“Tapos na ba kayong mag-usap ng ate ko, Mr. Zurich?” Ang tanong ni Peter. “Bakit hindi ka dumito muna?”
“Hmph.” Tiningnan siya ni Trevor at sininghalan.
Agad na sumakay si Trevor sa kanyang Rolls-Royce at umalis—hindi na niya kailangang makisama sa mga Lane ngayong hiwalay na sila Frank at Helen.
Natural, natulala si Peter sa naging reaksyon ni Trevor, at nagtaka siya kung anong ginawa niya upang magalit si Trevor. Wala siyang ginawang kahit ano!
Pagkatapos, napanganga siya nang dumaan sa harap niya ang Rolls-Royce ni Trevor, hindi siya makapaniwala sa kanyang nakita.
Anong ginagawa ni Frank sa kotse ni Trevor?! Anong nangyayari?!
-
Samantala, nakaupo si Helen sa kanyang study, at maya't maya ang tingin niya sa relo niya.
Kaninang umaga lang sinabi ni Trevor na bibisita siya, ngunit tanghali na hindi pa rin siya dumadating!
Nag-alala din si Gina at kinausap niya si Helen, “Siguro dapat mo nang tawagan si Mr. Zurich at tanungin mo siya.”
“Hindi,” sagot ni Helen. “Wala siyang binanggit na oras, kaya dapat maghintay tayo.”
“Pero napakahalaga ng West City project,” reklamo ni Gina. “Kailangan mong maging mas agresibo tungkol dito—tawagan mo na siya!”
Habang nag-iisip ng malalim si Helen, nagsisimula nang mataranta si Gina. “Ako na ang tatawag sa kanya kung ayaw mo.”
“Sige na, tatawagan ko na siya.” Bumuntong hininga si Helen, nag-aalala siya na baka paguluhin lang ng nanay niya ang mga bagay.
Kahit na nag-aalinlangan si Helen, tinawagan pa rin niya si Trevor, at hindi nagtagal ay sumagot si Trevor.
Bagaman nakikipag-usap siya sa phone, malumanay ang kanyang ekspresyon at magalang ang tono ng pananalita niya. “Hello, Mr. Zurich. Itatanong ko lang sana kung anong oras ka pupunta? Gusto kong maging handa para salubungin ka.”
“Yung totoo, Ms. Lane, ikinalulungkot ko na hindi ko na itutuloy ang partnership natin,” malamig na sagot ni Trevor.
“Huh? Ano… Bakit?” Natulala si Helen sa nakakagulat na balitang natanggap niya.
“Alam mo, naniwala ako na loyal ka, pero mukhang nagkamali ako sayo.” Suminghal si Trevor. “Hinding-hindi ako mangangahas na panatilihin ang isang taong gaya mo sa paligid ko, kaya hindi ko na itutuloy ang partnership natin.”
At pagkatapos nun, ibinaba niya ang tawag, at naiwan si Helen na nakatulala at takang-taka sa nangyari.
Anong nangyayari?! Lagi siyang nagpapakita ng respeto kay Trevor at kailanman ay wala siyang ginawa na maaaring ikagalit ni Trevor. Anong problema sa ugali niya?
“Kamusta? Anong sinabi ni Mr. Zurich?” Agad na nagtanong si Gina.
“Hindi na niya itutuloy ang partnership namin,” sabi ni Helen.
“Ano?!” Sigaw ni Gina. “Bakit?”
“Hindi ko alam!” Sagot ni Helen, habang kinukuskos niya ang pagitan ng kanyang mga kilay.
Sumugod si Peter papasok sa kwarto noong sandaling iyon, at nang makita niya ang kanyang ina at ate, nagtanong siya, “Helen, tapos na ba kayong mag-usap ni Mr. Zurich?”
“Mag-usap?! Hindi siya dumating!” Nagalit si Gina. “At hindi na niya itutuloy ang partnership natin!”
Napanganga si Peter. “Ano?! Pero nakita ko pa lang siya sa labas!”
“Anong sinabi mo?!” Napasigaw si Helen sa gulat—kung talagang dumating si Trevor, hindi ba ibig sabihin nun na umalis siya ng hindi man lang pumapasok sa loob ng mansyon?! Bakit?!
Biglang may napagtanto si Peter at hinampas niya ang sarili niya sa hita. “Si Frank siguro ang dahilan. Kinausap siguro ng hayop na ‘yun si Mr. Zurich… Ang ibig kong sabihin, nakita ko siya na sumakay sa kotse ni Mr. Zurich!”
“Urgh, ‘yun nga siguro ang dahilan,” nagalit si Gina nang mapagtanto niya ito. “Yung walang kwentang ‘yun, mukha siyang mapagpakumbaba, pero napakasama niya palang tao, siniraan pa niya tayo bago siya umalis!”
Kumunot ang noo ni Helen ngunit pinagsabihan niya sila. “Hindi. Hindi siya yung tipo ng tao na magsasalita ng masama sa likod ng iba.”
Kilalang-kilala na niya si Frank pagkatapos nilang maging mag-asawa sa loob ng tatlong taon, at kailanman ay hindi niya narinig na nagsalita si Frank ng masama tungkol sa ibang tao.
“Ano ka ba, Helen? Hindi mo alam kung anong nasa likod ng maamong mukha niya!” Ang galit na sinabi ni Peter. “Tatlong taon siyang nakatira sa bahay natin at alam niya ang lahat ng tungkol sa’tin. Hindi siya mahihirapang siraan tayo!”
“Tama si Peter,” mariing sumang-ayon si Gina. “Bakit naman biglang aalis si Mr. Zurich kung nasa tapat na siya ng pinto natin?”
“Oo nga. Malamang may sinabing masama si Frank.”
Si Helen, na palakad-lakad sa kwarto, ay naisip na may katwiran ang mga sinabi ng kanyang ina—kung hindi, paano nila ipapaliwanag ang kakaibang ginawa ni Trevor?!
Humigpit ang pagkakakuyom ng mga kamao ni Helen noong sandaling iyon.
Paano ‘to nagawa ni Frank?! Kailanman ay wala siyang ginawang mali sa kanya!