Kabanata 3 Sinong Pinakaimportante Sa Kanya
Nang kumonekta ang tawag, sinabi ni Whitney, “Sophie, merong mahalagang dokumento na kailangang pirmahan ni Mr. Howard. Pwede mo bang ipadala sa akin ang address para sa lakad niya sa trabaho ngayong gabi?”
Tinawagan niya ang pangunahing sekretarya ni Damian, si Sophie Tucker. Alam nito ang lahat ng iskedyul sa trabaho ni Damian.
“Lakad? Wala siyang lakad ngayong gabi. Maaga siyang umalis ng opisina,” sagot ni Sophie.
“Talaga? Walang last-minute na plano?”
“Kahit meron, tatawagan niya dapat ako para magpa-reserve ng restaurant.”
Tama, nakalimutan na ni Whitney ang tungkol doon. Kung may gustong kumain kasama si Damian, kailangan nilang makipag-ugnayan nang maaga. Walang mga biglaang plano.
Kaya, nang banggitin ni Billy na may gagawin si Damian, tiyak na hindi ito nauugnay sa trabaho.
Pagkatapos ibaba ang tawag, natahimik si Whitney saglit, pagkatapos ay kumain nang mag-isa.
Isang mensahe sa trabaho mula sa isang kasamahan ang lumitaw. Pagkatapos niyang basahin ito, aksidente niyang napindot ang Instagram habang papatayin ang screen.
Ang unang post ay nakakuha ng kanyang atensyon. Ito ay isang larawan na kaka-post lang ni Rachel.
Si Rachel, na nakasuot ng hospital gown, ay nakasandal sa dibdib ng isang lalaki na may masayang ngiti. Ang sabi sa larawan, “Ang tunay na pag-ibig ay nandiyan para sa’yo sa isang tawag mo lang.”
Bagama’t hindi nakikita ang mukha ng lalaki, nakilala agad ni Whitney ang lalaki bilang si Damian.
Ang madilim na asul na kurbata na may banayad na pattern ay ang pinili niya para sa lalaki dalawang linggo na ang nakakaraan, at ito ang isinuot ng lalaki ngayon.
Parang tinutusok ng matutulis na mga karayom ang puso niya. Halos hindi niya napigilan ang sarili habang nakapatong ang mga kamay sa mesa.
Isang boses sa loob niya ang bumulong, “Magsisinungaling ka pa rin ba sa sarili mo?”
Hindi nakatulog si Whitney hanggang madaling araw. Nang sa wakas ay bumangon siya at bumaba ng hagdan, nakarinig siya ng mga ingay mula sa kusina.
“‘Gandang umaga.” Dumating si Damian na may dalang isang tasa ng mainit na gatas at inilagay ito sa hapag-kainan, kung saan nakahanda na ang almusal.
Marahan siyang ngumiti habang papalapit sa babae at lumapit para bigyan ito ng halik. Ngunit nang malapit na ang mga labi niya sa pisngi nito, ikiling ni Whitney ang ulo.
Huminto sandali si Damian, saka tila naintindihan. “Galit ka ba dahil hindi kita nasabayang kumain ng hapunan kagabi?”
Hindi sumagot si Whitney at tumanggi siyang salubungin ang tingin nito.
“Biglang umuwi yung kaibigan ko mula sa ibang bansa. Nag-dinner kami at naglaro ng poker. Pagbalik ko, hating-gabi na. Ipapakilala ko siya sa’yo minsan. Sasabihin ko sa kanya na kung gusto niyang makipagkita sa’kin sa hinaharap, kailangan niya munang tanungin si Mrs. Howard,” sabi ni Damian na may pabirong tono.
Saglit na nag-swipe si Whitney sa kanyang phone bago ito ibinaling sa kanya. “Si Rachel ba ang kaibigan na ‘yon?”
Habang sinusulyapan ni Damian ang phone, ikinubli ng talukap ng mga mata ang kanyang emosyon.
Isang mahabang katahimikan ang sumunod.
Isang dismayadong ngiti ang ibinigay ni Whitney. “Bale, magkasama pala kayo kagabi.”
Tumingala si Damian, tila nanghihinayang. “Naaksidente si Rachel. Ayaw niyang mag-alala ang pamilya niya, pero hindi niya kaya nang mag-isa, kaya tinawagan niya ako.”
Iyon ay makatwirang paliwanag.
Napangisi si Whitney. “Hindi ako bulag, Damian.”
Sa larawan, nakayakap sa kanya si Rachel. Maaaring ito ay maging lahat ng bagay ngunit hindi inosente.
Muling sinulyapan ni Damian ang litrato at napabuntong-hininga. “Mahigit sampung taon na siyang apo sa tuhod ni Lolo. Uncle Damian ang tawag niya sa akin. Bakit ko naman babalewalain ang etikal na hangganan? Si Rachel ay ang nag-iisang nabubuhay na anak ng pamilyang Yanes. Sinabi ni Lolo na alagaan natin siya ng mabuti.”
Ang lolo sa tuhod ni Rachel ay isang kasamahan ni Elijah noong panahon ng digmaan. Sa maagang pagpanaw ng pamilyang Yanes, si Rachel na lang ang natira. Bilang paggalang sa kaibigan, inampon siya ni Elijah noong walong taong gulang pa lamang siya.
“Ikakasal na tayo, Whitney. Kung hindi kita mahal, bakit kita papakasalan?” taimtim na tanong ni Damian.
Gusto rin ni Whitney ng sagot para doon. “Oo, iniisip ko rin ‘yan.”
“Wala ka bang tiwala sa akin?” Lalong lumalamig ang tono ni Damian habang nagpupumilit sa kanyang pagtatanong.
“24 na ako, hindi 14!” Pulang-pula ang mga mata ni Whitney. Huminga siya nang malalim. “Tapusin na natin ito, Damian.”
Sa mga salitang iyon, tumalikod siya, ngunit biglang hinawakan ni Damian ang braso niya.
“Sabi mo 24 ka na, kaya ‘wag kang umasta na parang bata. Pwede kang magalit, pero kalahating araw lang.” Itinulak ni Damian ang tasa ng gatas sa kanyang mga kamay. “Kahit hindi ka nagugutom, inumin mo man lang ‘to. Pupunta tayo sa Howard residence para sa tanghalian. Tumawag si lolo.”
Isinantabi niya ito nang walang karagdagang paliwanag. Sa kanyang mga mata, ang mga emosyon ng babae ay walang iba kundi pag-aalburoto.
Sa totoo lang, malamang na wala siyang pakialam kung maniwala ito sa kanya o hindi.
“Hindi maganda ang pakiramdam ko. Hindi ako pupunta.” Tumalikod si Whitney sa kanya.
“Magpahinga ka na. Sunduin kita mamayang tanghali.” Dahil doon, lumabas ng pinto si Damian nang hindi siya binigyan ng pagkakataong makipagtalo.
Ito ang unang pagkakataon na nakita niya ang dominanteng panig ng lalaki.
…
Sa huli, sumama si Whitney kay Damian sa tahanan ng mga Howard.
Tinuring siya ni Elijah na parang sariling apo. Dahil mahigit dalawang linggo na ang nakalipas mula noong huli siyang bumisita, naisip niyang dumalo sa salu-salo.
Pagdating nila, inabot ni Damian ang kamay para gabayan siya pababa ng sasakyan, pero humiwalay siya, sabay hinawakan siya ulit nito.
Sa sala, ang mga magulang ni Damian at ang ikatlong anak ni Elijah na si Derek Howard, kasama ang kanyang pamilya, ay lahat ay nagtipon. Isa-isa silang binati ni Whitney.
Kasabay nito, si Elijah ay tinulungan pababa ng hagdanan ni Rachel.
“Lolo,” nakangiting bati ni Whitney sa kanya.
“Whitney, ang tagal mong hindi bumisita. Nag-away ba kayo ni Damian? Sabihin mo. Ilalagay ko ‘yang bastos na ‘yan sa lugar niya,” pang-aasar ni Elijah. Ang kanyang kulay-abo na buhok ay naiiba sa kislap ng kanyang mga mata habang binigyan niya si Whitney ng mapaglaro at seryosong tingin.
Bago pa siya makasagot, mabilis na ipinagtanggol ni Damian ang sarili, “Bakit ko naman aawayin si Whitney? Huwag ninyo naman akong akusahan, Lolo.”
Bumuntong-hininga si Whitney sa loob-loob niya, pagkatapos ay sumagot ng may ngiti, “Pasensya na kung hindi ko kaagad kayo nabisita, Lolo. Buti na lang, palagi kayong sinasamahan ni Rachel.”
Lumipat ang tingin niya kay Rachel.
Nakasuot siya ng puting Chanel dress, ang kanyang maselang mukha ay binigyang-pansin ng nakataling buhok. Ang kanyang tingin, gayunpaman, ay nagtagal sa magkadikit na mga kamay nina Whitney at Damian. Isang panandaliang pagkatulala ang bumalot sa kanyang mga tampok.
Itinagilid ni Elijah ang kanyang ulo at ngumiti. “Kapag kinasal na kayo ni Damian, makakapiling ko na ang dalawang masayang mukha. Rachel, bakit hindi mo binati ang tito at tita mo?”
Sa komento ni Elijah, sa wakas ay natauhan si Rachel. “Uncle Damian, Whitney.”
“Whitney?” Itinama siya ni Elijah. “Dapat ay Auntie Whitney.”
Ibinuka ni Rachel ang kanyang bibig ngunit nahihirapang magsalita, na para bang mahirap para sa kanya na baguhin ang paraan ng kanyang pakikipag-usap kay Whitney.
Pinulupot ni Damian ang kanyang braso sa mga balikat ni Whitney, may ngiti sa kanyang mga mata. “Magkasing-edad lang sila, kaya medyo kakaiba ang pagtawag sa kanya ng ‘Auntie’. Baka hindi sanay si Whitney at baka pamukhain pa niyan na matanda na si Whitney.”
Napatingin si Whitney kay Damian. Ang kanyang mga tampok ay nananatiling kalmado gaya ng dati, na may bakas ng panunukso sa kanyang ekspresyon.
Matagal pa bago magsimula ang salu-salo ng pamilya, kaya hiniling ni Elijah kay Damian na samahan siya sa study upang pag-usapan ang mga bagay sa kumpanya.
Naglakad-lakad si Whitney sa likod-bahay at malapit na sa pool nang makita niya si Rachel na naglalakad palapit sa kanya.
“Hindi ko akalaing magiging ganoon ka kawalang-pake na dumating ka pa rito kasama si Damian.”
Si Rachel, na kanina ay mahinahon at mahiyain, ay nakatayo ngayon sa harapan ni Whitney nang hindi itinatago ang kanyang tunay na kulay. Diretsong tinawag niya ang pangalan ni Damian habang nakataas baba sa panunuya.
“Ano ba ang dapat kong alalahanin?” Ngumiti si Whitney na tila walang alam sa ipinahihiwatig ni Rachel.
Ngumisi si Rachel, “Alam kong nakita mo ang post ko. Sa’yo lang visible ang post, at walang paraan na hindi mo makikilala kung sino ang nasa larawan.”
“Ah, yung post.” Parang hindi nabigla si Whitney. “Litrato lang ‘yon. Si Damian ay sikat sa mga babae. Ang importante ay alam niya kung sino ang pinakamahalaga sa kanya.”
Kahit na may hindi pagkakasundo sina Whitney at Damian, hindi niya hahayaang si Rachel ang manguna sa harapan niya.
Nagdilim ang ekspresyon ni Rachel, ngunit tila may sumagi sa kanyang isipan. Bigla siyang humakbang at bumulong sa tenga ni Whitney, “Tignan natin kung sino talaga ang pinakamahalaga sa kanya.”
Bago pa magkaroon ng reaksyon si Whitney, hinila na siya ni Rachel, at pareho silang nahulog sa pool.