Kabanata 2
Nang marinig ni Chris ang ingay, tumingala siya. Napadpad ang tingin niya sa mukha ko. Hindi ko na kailangan pang makita para malaman kung gaano kadilim ang ekspresyon ko.
“Masama ba ang pakiramdam mo?” medyo nakasimangot na tanong niya.
Naglakad ako papunta sa mesa niya nang walang sabi-sabi. Habang nilulunok ko ang pait sa lalamunan ko, sinabi ko, “Kung ayaw mo akong pakasalan, pwede ko namang sabihin na ‘yon sa nanay mo.”
Lalong lumalim ang pagkunot ng noo ni Chris nang mapagtanto niyang narinig ko ang usapan nila ni Derick.
Nanunuyo ang lalamunan ko habang ipinagpatuloy ko, “Hindi ko akalain na magiging pabigat ako sa’yo, Chris—”
“Sa lahat, para na tayong mag-asawa,” putol sa akin ni Chris.
Kaya ano? Pakakasalan niya ba ako dahil sa iniisip ng iba? Gusto kong pakasalan niya ako dahil mahal niya ako at gusto niyang makapiling ako sa buhay niya.
Kasabay ng klik, tinakpan ni Chris ang bolpen sa kanyang kamay at tumingin sa marriage license application form na hawak ko. “Magpaparehistro tayo sa susunod na Miyerkules.”
Ito ang gusto kong marinig, ngunit sa sandaling iyon, bumigat lang ang pakiramdam ko.
Ibinaba ko ang ulo ko at bahagyang umiling. “Chris, hindi mo kailangang pilitin ang sarili mo. Hindi ka naman dapat maawa sa’kin.”
“Madeline Crown!” matigas niyang sabi.
Nanginig ako at tumingala para salubungin ang kanyang naiinip na tingin, at nakita ko siyang inaabot ang kamay niya sa’kin. Humigpit ang hawak ko sa marriage license application form.
Kumuyom ang kanyang panga, at iniutos niya, “Ibigay mo sa’kin.”
Hindi ako gumalaw, at naging tensyonado ang kapaligiran.
Ilang segundo pa, tumayo siya at pumuwesto sa harapan ko. Bumungad sa akin ang kanyang matangkad na katawan habang mahina siyang huminga na may bakas ng kawalan ng magagawa. “Nakikipagbiruan lang ako kay Derick. Sineryoso mo ba ‘yon?”
Biro lang ba talaga?
“Alam mo kung gaano kataas ang pride ng mga lalaki,” paliwanag niya. Itinaas niya ang kamay niya at hinawakan ang braso ko bago iyon dumausdos pababa para hawakan ang kamay ko. Pagkatapos, hinila niya ang dokumento mula sa pagkakahawak ko.
“Huwag kang maniwala sa lahat ng maririnig mo sa hinaharap.” Pagkatapos ay tumalikod siya at inilagay ang dokumento sa drawer bago kinuha ang kanyang coat. “Kailangan kong lumabas saglit.”
Nitong mga araw, madalas siyang lumalabas, at palagi siyang inaabot nang matagal.
“Chris,” tawag ko sa kanya. “Gusto mo ba ako?”
Lalagpasan na sana ako ni Chris pero napatigil siya sa sinabi ko. Itinuon niya ang maitim niyang mga mata sa akin, at ilang saglit, may lumabas na dimple sa kaliwang pisngi niya habang nakangiti.
Ang guwapo ni Chris kapag ngumiti siya. Naalala ko pa kung paano niya ako nilapitan na may parehong mainit na ngiti at tinawag akong “bata” noong una akong dumating sa Gildon Estate.
Ang ngiti niyang iyon ay ang nagpainit sa puso ko at dahilan para mahulog ako sa kanya. Hanggang ngayon, kinikilig pa rin ako sa ngiti niya.
Nakaramdam ako ng bigat sa ulo ko nang ginulo ng malaki niyang kamay ang buhok ko.
“Siyempre gusto kita,” sagot niya. “Bakit pa ako dadayo sa kalagitnaan ng lungsod para bilhan ka ng mga inihaw na peras, bigyan ka ng paborito mong rosas tuwing kaarawan mo, o manood ng meteor showers kasama ka? At... bakit ko pa gugustuhing pakasalan ka?”
Sa tuwing nagsisimula akong mag-alinlangan, isang ngiti at ilang matatamis na salita mula kay Chris ay sapat na para bumigay ako.
Para akong saranggola, na mahigpit na nakahawak sa kamay niya ang dulo ng tali. Depende sa mood niya, kinokontrol niya ang saya at kalungkutan ko ayon sa gusto niya.
Pero naapektuhan pa rin ako ng mga salitang narinig ko kanina.
Sa pagkakataong ito, hindi ko na hinayaan ang sarili ko na bumigay kaagad tulad ng dati. Tumingin ako sa mga mata niya at nagtanong, “Mahal mo ba ako?”
Naramdaman ko ang paghinto ng kamay niya sa paggalaw sa ulo ko nang mawala ang ngiti niya.
Ang kanyang malaking kamay ay lumipat mula sa ulo ko patungo sa pisngi ko, at marahan niya itong kinurot.
Aniya, “Huwag mong masyadong isipin ang mga bagay-bagay. Sabay tayong umuwi pagkatapos ng trabaho. Mahilig ka sa isda, ‘di ba? May ipapahatid ako ng sariwang salmon at ipagluluto kita niyon ngayong gabi.”
Tapos, umalis na siya. Iniwasan na niya ang tanong ko, tulad ng ginawa niya kanina.
Nanatili pa rin sa ilong ko ang bango ng hand cream niya, at ramdam ko pa rin ang init ng kamay niya sa pisngi ko. Kahit gano’n, nanlamig ang puso ko.
Maayos ang pakikitungo niya sa akin at pinapahalagahan niya ako. Gusto niya ako, ngunit pakiramdam ko ay ang pag-ibig na ito ay bilang kamag-anak kaysa sa romansa.
Gayunpaman, siya lang ang nasa puso ko. Sampung taon ko siyang minahal.
Anong dapat kong gawin?
Dapat ko ba siyang pakasalan at mamuhay tulad ng matandang mag-asawa na pamilyar sa isa’t-isa na kahit na ang pagiging malambing ay hindi nakakaakit ng kanyang interes? O iwan ko na siya para mahanap niya ang true love niya?