Webfic
Open the Webfic App to read more wonderful content

Kabanata 1

”Magsabi ka ng totoo. May nangyari ba sa inyo ni Madeline?” Ang malalim na boses ng isang lalaki ay nanggagaling sa siwang ng pinto, kaya napatigil ako nang papasok na sana ako sa kwarto. Sa may siwang sa pinto, nakita ko si Chris Gildon na nakaupo sa loob ng kwarto. Bahagyang nakaawang ang maninipis niyang mga labi habang sumasagot, “Nilandi niya na ako noon, pero hindi ako interesado.” “Chris, huwag mo siyang maliitin nang gano’n. Ang kagandahan ni Madeline ay isang bagay na napagkasunduan nating magto-tropa. Maraming lalaki ang naghahabaol sa kanya,” komento ng matalik na kaibigan ni Chris na si Derick Bowman, na nakasaksi sa aming sampung taong relasyon. “Kilalang-kilala lang namin ang isa’t-isa. Alam mo ba ang ibig kong sabihin?” Nagsalubong ang kilay ni Chris. Noong 14 anyos ako, ipinadala ako sa Gildon Estate, kung saan ko unang nakilala si Chris. Noon, sinabi sa akin ng lahat na si Chris ang taong nakatakdang pakakasalan ko. Sampung taon na ang nakalipas mula nang magsimula kaming manirahan nang magkasama. “Totoo ‘yan. Maghapon kayo nagtatrabaho sa iisang kumpanya, kaya malamang palagi kayong nagkikita. Tapos, pagkauwi ninyo, sabay kayong kumakain sa gabi. Alam ninyo na nga siguro kung gaano kayo karaming beses pumunta sa banyo araw-araw,” pabirong sabi ni Derick. Pagkatapos, nilabas niya ang kanyang dila bago ipinagpatuloy, “Sa panahon ngayon, hindi na uso yung nagkaka-develop-an. Meron na dapat misteryo sa pagitan ng mga lalaki at babae. Nakakakilig lang kapag nagkagusto ka sa isang bagay na alam mong hindi mo makukuha.” Nanatiling tahimik si Chris, hindi sumesenyas ng pagsang-ayon o pagtutol sa mga sinabi ni Derick. “Bale, papakasalan mo pa rin ba siya?” Napatigil naman akong huminga sa tanong ni Derick. Gusto ng mga magulang ni Chris na magpakasal kami. Hindi siya nagsabi ng oo o hindi, at hindi ko pa siya tinanong tungkol dito. Pero si Derick na ang nagtatanong ngayon sa ngalan ko. Walang sinabi si Chris. Nang makita ito, napatawa si Derick. “Ayaw mo siyang pakasalan?” “Hindi sa gano’n...” “Ibig sabihin gusto mo siyang pakasalan, pero hindi ka pa ganap na kuntento, ‘di ba?” Alam na alam ni Derick, na lumaki kasama si Chris, kung anong iniisip niya. “Derick, narinig mo na ba ang kasabihang ‘to?” tanong ni Chris. “Alin?” “May mga bagay na walang halaga, pero mag-aalinlangan ka pa ring bitawan sila,” sagot ni Chris habang nagsindi ng sigarilyo. Pinalabo ng usok ang mukha na sampung taon kong hinahangaan. Sumikip ang dibdib ko. Naging pabigat na pala ako sa kanya. “Bale, papakasalan mo ba siya o hindi?” Giit ni Derick. Napatingin si Chris sa kanya. “Gustong-gusto mong malaman yung sagot. May nararamdaman ka ba para sa kanya? Eh kung ibigay ko kaya siya sa’yo?” Buhay na tao ako, pero kaswal na nag-aalok si Chris na ipamigay ako na parang hindi gaanong mahalagang bagay. Kung alagang hayop ako na pinalaki niya sa loob ng sampung taon, tiyak na makakaramdam siya ng koneksyon sa akin, at hindi siya masyadong mawawalan ng malasakit. Malinaw na wala akong halaga sa kanya. Gayunpaman, siya ang naging lahat para sa akin sa nakalipas na sampung taon. Labis akong nasaktan sa kanyang mga salita. Nalasahan ko ang pait na umaakyat sa lalamunan ko. Ibinaba ko ang ulo ko at tinitigan ang marriage license application form na nasa kamay ko. Napakagat-labi ako. Napangisi si Derick. “Anong pinagsasabi mo? Hindi naman ako ganoon kadesperado sa babae.” Idiniin ni Chris ang kanyang sigarilyo sa ashtray at tumayo mula sa sopa. “Umalis ka na. Lagi kang nanggugulo tuwing bumibisita ka.” “Hindi naman ako nanggugulo. Si Madeline kasi. Kung wala kang nararamdaman para sa kanya, makipaghiwalay ka na sa kanya para makahanap siya ng mas mabuting lalaki,” paalala ni Derick sa kanya. Kinuha niya ang jacket niya sa sopa at tinungo ang pinto. Pagbukas ng pinto, nakita ako ni Derick na nakatayo sa labas at nanlamig. Pagkatapos, naiilang niyang hinimas ang ilong. Nang mapagtantong narinig ko ang usapan nila, pinilit niyang ngumiti at nagtanong, “Hinahanap mo ba si Chris? Nasa loob siya.” Namanhid ang mga daliri ko habang hawak-hawak ko ang marriage license application form, at hindi ako makapagsalita. Napatingin si Derick sa hawak ko. Lumapit siya sa akin at nagtanong, “Naisip mo na ba kung ano talaga ang gusto mo?” Dumampi ang balikat niya sa balikat ko habang naglakad siya palayo. Ang magaan na dokumento sa kamay ko ngayon ay parang mabigat at nakakapaso. Napalunok ako nang mariin, at pagkatapos ng mahabang sandali, sa wakas ay itinulak ko ang pinto at pumasok.
Previous Chapter
1/100Next Chapter

© Webfic, All rights reserved

DIANZHONG TECHNOLOGY SINGAPORE PTE. LTD.