Kabanata 14
”Ako? Makikipagbalikan sa’yo? Hah!”
Bakas sa labi ni Perseus ang mapanuksong ngiti habang nakatitig kay Rochelle. “Hindi ba parang gandang-ganda ka naman sa sarili mo niyan? Sinong gugustuhing makipagbalikan sa walang kwentang tulad mo?”
“Gandang-ganda sa sarili?” Napangiwi si Rochelle. “Nagkakamali ba ako ng rinig?”
Huminga nang malalim si Perseus bago sinabing, “Naku, hindi. Siguradong hindi ka nagkakamali ng rinig sa mga bagay-bagay. Una sa lahat, wala ako dito para makipagbalikan sa’yo. Hindi nararapat sa’yo ang oras at pagod ko.
“Pangalawa sa lahat, alam na alam mo kung bakit ako itinapon sa likod ng mga rehas tatlong taon na ang nakakaraan. Alam mo namang bilog ang mundo. Balang araw, tiyak na babalik ang lahat sa’yo.
“At saka, gusto kong iklaro sa lahat na ako ang nang-iwan sa’yo, hindi ikaw. Tandaan mo ‘yan.”
“Bakit mo naman nasabing ikaw ang nang-iwan sa akin?”
Agad na nagdilim ang ekspresyon ni Rochelle. Siyempre, alam na alam niya ang nangyari tatlong taon na ang nakakaraan.
Siya at si Gilbert ay nagplano na tuksuhin si Perseus na saktan si Gilbert para makulong ito.
Noong unang nagsimula si Rochelle sa kanyang internship sa ospital, palihim na siyang nakikipagtalik kay Gilbert. Noong mga araw na nag-aaral pa siya, mahal niya ang mga guwapong lalaki na may matataas na marka. Noong nagsimula siyang magtrabaho, mas gusto niya na ang mga lalaking may mayayamang pinagmulan tulad ni Gilbert.
Ayaw ni Rochelle na maabala ni Perseus ang kanyang buhay pag-ibig, kaya naman naisipan niyang ipadala ito sa kulungan.
Pero hindi siya nakonsensya sa ginawa niyang iyon. Ang tanging ginawa niya ay sundin ang hindi sinasabing patakaran na malakas ang namumuno sa mundo. Pakiramdam niya ay wala naman siyang ginawang masama.
Bakit naisip ni Perseus, na dating preso, na ito ang nang-iwan sa kanya?
“Iyon ay dahil hindi ka karapat-dapat na maging girlfriend ko,” malamig na sambit ni Perseus. “At saka, mas mabuting ibalik mo sa akin ang clinic ng pamilya ko. Huwag mo akong sisihin na hindi ko pinakitaan ng awa ang pride mo kapag naagaw ko na iyon kinalaunan.”
“Clinic? Anong clinic? Iyan ang kabayaran mo sa akin! Sinasabi mo bang libre lang dapat ang pakikipag-date mo sa’kin?”
Ang Caitford Clinic ay ipinagiba na. Alam ni Rochelle na ang lugar na kinalalagyan ng clinic ay nakatakdang baklasin at ilipat. Kaya naman, nagpasya siyang gumawa ng dahilan na siya ay buntis upang makuha ang klinika.
Ngayong nakatanggap na siya ng tatlong milyong dolyar na halaga ng kompensasyon, imposible nang isusuko niya iyon.
Asa naman na gagawin niya iyon.
“Nagmamaang-maangan ka pa rin, ha? Sa tingin mo ba talaga—”
Sa sandaling iyon, bumukas ang pinto mula sa labas. Isang may kumpiyansang lalaking nakasuot ng puting suit ang pumasok sa silid na may dalawang tauhan na nakasunod sa kanya.
Napakagwapo ng lalaki, ngunit ang nakita niya ay agad na nagpaliyab sa mga mata ni Perseus.
Si Gilbert iyon.
Tatlong taon na ang nakalilipas, binugbog ni Perseus si Gilbert dahil sa pananamantala kay Rochelle. Iyon ay kung paano siya sinentensiyahan ng limang taon sa bilangguan.
Sinong mag-aakala na ang manyak at gaga ay magsasama makalipas ang tatlong taon?
Ang lakas pa ng loob ni Rochelle na sabihin sa iba na hindi makayanan ni Perseus na makipaghiwalay sa kanya habang nagpapanggap na kinasusuklaman niya si Gilbert. Kaya naman, likas siyang kumilos at binugbog si Gilbert.
Si Perseus ay lubos na nakatitiyak na si Rochelle ay makokoronahan bilang “pinakamagaling magmanipulang gaga sa mundo” kung ang kategoryang iyon ay umiiral.
Bahagyang napanatag si Rochelle nang makita niya si Gilbert na papasok sa pribadong silid. Sa hindi malamang dahilan, hindi siya kumportableng tumingin kay Perseus dahil sa nakakatakot na hitsura nito.
“Honey, nandito ka na sa wakas! Sobrang na-miss kita!”
Kumapit siya kay Gilbert habang umuungol na may mataas na boses. Lahat ay nakakaramdam ng kilabot sa ilalim ng kanilang mga balat.
“Oo, nandito na nga ako. Nandito ba lahat ng mga kaklase mo? Oh? Sino ‘to? Perseus Caitford?”
Inilibot ni Gilbert ang kanyang tingin sa buong silid. Sa wakas, napansin niya si Perseus, na nakasuot ng berdeng tshirt na pangmilitar at pares ng maong. Nakilala niya kaagad ang lalaki.
“Nakalabas ka na sa kulungan?” tanong niya, ang gulat niya ay sumasalamin ng kay Rochelle.
Nagpatuloy si Gilbert, “Nakakatuwang makitang nakabalik ka na. Ikaw at ako ay maaaring nagkaroon ng ilang mga hindi pagkakasundo sa nakaraan, ngunit hayaan na natin silang lahat sa nakaraan, ano?”
Bago pa makapagsalita si Perseus, tinapik siya ni Gilbert sa braso. “Dapat kang magsikap na maging mabuti at tapat na lalaki mula ngayon. Kung kailangan mo ng tulong, huwag kang mag-atubiling hanapin ako, okay?”
“Hah!” Tumawa ulit nang malamig si Perseus.
Mas maayos pa ang kilos ni Gilbert kaysa kay Rochelle. Siya ay talagang isang “gentleman”.
“Napakabait mo, Gilbert!”
Isa sa mga tauhan ni Gilbert ay si Max Topp, isang kaklase mula sa batch nina Perseus at Rochelle. Sa ngayon, ginugugol niya ang kanyang oras sa paggawa ng mga gawain para kay Gilbert. Siya at ang isa pang lalaki na nagngangalang Gregory Lincoln ay nanumpa ng kanilang katapatan kay Gilbert.
“Tama! Perseus, may ideya ka pa ba kung gaano kabait at nagmamalasakit si Gilbert sa pagwawalang-bahala niya sa mga ginawa mo sa kanya dati at isinasantabi niya ang estado mo bilang dating preso? Bilisan mo at pasalamatan mo siya!” dagdag ni Gregory.
Tumaas ang kilay ni Perseus bilang tugon. Pinili niyang balewalain ang dalawang alipores, kaya binalik niya ang malamig na tingin kay Gilbert.
Binalewala ni Gilbert ang nakaraan, ha?
Si Perseus ang nasentensiyahan ng limang taong pagkakakulong dito!
Bagama’t hindi talaga siya nakulong at nakakuha pa ng hanay ng mga kasanayan mula sa kanyang mentor, gumugol pa rin siya ng mahigit isang libong gabi na malayo sa kanyang tahanan. Sa panahong ito, iniiyak nina Egbert at Lindsay ang kanilang mga puso araw-araw para sa kanya. Nasira pa ang pamilya niya dahil dito.
Papaanong magagawang palampasin iyon ni Perseus?
Ginamit ni Rochelle ang kanyang pagbubuntis bilang dahilan para agawin ang Caitford Clinic. Ngunit si Perseus ay hindi kailanman nakipagtalik sa kanya noong sila ay may relasyon pa. Paano ito nabuntis, kung gayon?
Naloko si Perseus. Paano niya ito papalampasin?
“Perseus, huwag!”
Agad na napansin ng mapagmasid na si Camilla ang pagbabagu-bago ng emosyon ni Perseus. Inabot niya ang kamay nito para hilahin ang manggas nito, nag-aalala na baka may masaktan na naman siya dahil sa kawalan nito ng kontrol sa sariling emosyon.
Lumingon si Perseus para ngitian si Camilla. Karamihan sa kanyang galit ay mabilis na nabawasan nang makita ang mukha ni Camilla.
Hindi nararapat na magalit sa basurang tulad nila.
Muling nagsalita si Rochelle. “Perseus, malapit na kaming ikasal ni Gilbert. Sinabi ko na sa’yo na kung ano man ang nangyari sa atin ay nakaraan na lahat. Tigilan mo na ang panggugulo sa akin mula ngayon.
“Ang kasal namin ay gaganapin sa susunod na buwan. Nangako si Gilbert na gagawin niya akong pinakamasayang babae sa mundo. Kung talagang gusto mong ibigay sa amin ang basbas mo, maaari kang dumalo sa kasal namin.
“Nilinaw na ng mahal kong Gilbert na wala siyang pakialam sa pambubugbog mo sa kanya dati. Hindi mo na kailangang magpasalamat sa amin, pero at least, huwag ka na sanang manggulo sa amin.”
Nag thumbs-up si Max kay Rochelle bago lumingon kay Perseus.
Singit niya, “Perseus, dapat mo laging tandaan na dati kang preso. Kailangan mong ipaalala sa sarili mo na wala kang karapatang makapiling ang babaeng kasing ganda ni Rochelle. Maaari ka lang mainggit sa relasyon nila ni Gilbert, nakuha mo?
“Ay, tama. Dahil nandito ka na, siguraduhin mong kumain ka ng madami mamaya. Dahil tatlong taon kang nasa kulungan, malamang ay nakalimutan mo na kung ano ang lasa ng karne. Sa totoo lang, pwede ka pang mag-takeout para may mauwi ka sa bahay.
“Huwag kang mag-alala. Sinisiguro ko sa’yong sobrang yaman nina Gilbert at Rochelle.”
Napuno ng mapanuksong halakhak ang buong silid nang sinambit ang mga salita ni Max. Ang ibang mga tao ay nagsimulang magtsismis tungkol kay Perseus nang palihim.
Sa totoo lang, hindi man lang nainis doon si Perseus. Nanatili lang siyang kalmado.
Bagama’t kaya niyang tiisin ang kahihiyan, hindi ito magawa ni Camilla. Napakatagal niya nang nagtitiis para sa kapakanan ni Perseus.
“Nakakadiri kayo! Dati tayong magkakaklase, diba? Kailangan ba talagang pagtawanan ninyo siya? Sino ba dito ang hindi nakaranas ng pinakamadilim na sandali sa kanilang buhay, ha?
“Ano naman kung mahirap siya? Ano naman kung nakulong siya dati? Binigyan siya ng batas ng tsansang tubusin ang sarili niya! Sino kayo para kutyain siya?
“Tara na nga, Perseus! Mas gugustuhin kong hindi dumalo sa reunion na kasingdiri nito!”
Magsasalita na sana si Perseus nang pilit siyang kinaladkad ni Camilla palabas ng pribadong silid habang taglay ang hindi malamang lakas na naipon niya sa sobrang galit. Ang kanyang mga mata ay naging pula, at ang kanyang ekspresyon ay nababaluktot pa rin sa matinding galit.
“Camilla, ikaw—”
“Ah, andito ka na pala Mr. Caitford. Tatawagan na sana kita,” putol ng magandang boses kay Perseus bago niya natapos ang kanyang mga pangungusap.
Akala ni Nancy ay hindi pa nakakarating sa hotel si Perseus, kaya tatawagan na sana siya nito. Hindi niya inaasahan na makikita niya ito at ang magandang babae sa corridor.
“Girlfriend mo ba ‘to?” Nauusisang tanong ni Nancy habang pinag-aaralan si Camilla.
Agad na uminit ang pisngi ni Camilla dahil sa kahihiyan. Sabik siyang malaman kung anong magiging sagot ni Perseus.