Kabanata 8
Sumakay si Frank ng taxi papuntang Laneville kinagabihan at nagulat siya nang makita niya na naghihintay si Gina sa pintuan.
Nang makita siya ni Gina, agad siyang nilapitan ni Gina at binalaan siya, "Alam ko na alam mo kung ano ang dapat at hindi mo dapat sabihin kapag nakita mo ang lolo ni Helen mamaya."
Tumawa si Frank. "Mabuti pa paalisin mo na lang ako kung nag-aalala ka ng ganyan."
"Ano?!" Tiningnan siya ng masama ni Gina, nagulat siya na pinagsalitaan siya ng ganun ni Frank.
Gayunpaman, hindi siya pinansin ni Frank at pumasok na si Frank sa loob.
Kung tutuusin, wala na siyang dahilan para maging mabait sa Lane family ngayong hiwalay na sila ni Helen!
Pagkapasok pa lang niya sa mansyon, nakita niya si Henry na nakatayo doon suot ang isang apron, at kakatapos lang magluto.
"Anong okasyon ngayon, sir? Ang daming pagkain," ang sabi ni Frank.
Ngumiti si Henry nang makita niya si Frank at lumapit siya para hawakan ang kanyang kamay. "Oh, nandito ka na pala, Frankie—malalaman mo din maya-maya lang."
Habang nakaupo ang dalawa at nagkukwentuhan, tinitigan ni Gina si Frank, natatakot siya na baka sabihin ni Frank ang hindi niya dapat sabihin.
Hindi nagtagal ay dumating si Helen at nakita niya si Frank gaya ng inaasahan niya.
Si Henry ang nag-ayos ng kasal nila ni Frank, kaya natural lang pinahahalagahan niya ito nang husto.
Ito mismo ang dahilan kung bakit hindi sinabi ni Helen kay Henry ang tungkol sa paghihiwalay nila ni Frank.
Lumapit siya kay Frank, at nagtanong siya, "Saan ka nanggaling ngayong hapon?"
Nagkibit balikat si Frank. "Wala namang dahilan para sabihin ko sayo kung anong ginawa ko, hindi ba?"
Bumuntong-hininga si Helen, sumama ang loob niya sa inasal ni Frank. "Sige lang, sayo na ang mga sikreto mo. Wala akong pakialam."
Lumingon siya kay Henry, at nagtanong, "Ano ba yung mahalaga mong sasabihin, Lolo?"
Noong nakita niya na nandoon na ang lahat, tumawa si Henry. "Nakipagkita ako sa isang dating kaibigan, at sinabi niya sa’kin na nagtatrabaho sa Flora Hall ang apo niya. Naisip ko na ito na ang perpektong oras para maghanap ng trabaho para kay Frank, at pumayag siya dito!"
"Hindi pwede," agad na nagsalita si Gina noong natapos sa pagsasalita si Henry.
Hindi na parte ng pamilya nila si Frank—bakit kailangan nila siyang bigyan ng trabaho?
Wala siyang pakialam kahit mamatay ang walang kwentang ‘yun!
"Ano?" Nagtaka si Henry. "Pero walang trabaho si Frank. Hindi naman pwedeng manatili na lang sa pagluluto at paglalaba para kay Helen, hindi ba?"
"Yung totoo, Lolo," ang biglang sinabi ni Helen, "Pwede ko namang bigyan ng trabaho si Frank sa kumpanya. Hindi mo kailangang mag-alala."
Gayunpaman, sumimangot pa rin si Gina habang sinasabi niya na, "Wala ring trabaho si Peter. Siya ang mas alalahanin mo."
"Hah! Gagawin ko ‘yun kung hindi puro kalokohan ang ginagawa niya araw-araw." Suminghal si Henry. "Wala siyang ginawa kundi ipahiya ako... At nasaan siya ngayon? Bakit wala pa siya?"
"Oh, maya-maya lang nandito na ‘yun," nagkibit balikat si Gina. "Bakit ka ba nagmamadali?"
Bang!
Bumukas ng malakas ang pintuan sa harapan, at nakita nilang lahat na galit na galit si Peter.
Noong nakita niya na nandoon din si Frank, sumigaw siya, "Hayop ka! Ang lakas ng loob mong magpakita dito! Papatayin kita!"
Kinuha ni Peter ang isang upuan, balak niya itong ihampas sa ulo ni Frank!
Takang-taka si Helen sa nangyayari—ano bang nangyayari sa kanya?!
"Tumigil ka!" Sinigawan ni Henry si Peter at agad siyang tumayo, "Siraulo ka! Bakit mo sasaktan ang brother-in-law mo?! Matuto kang rumespeto!"
"Brother-in-law?! Siya?!" Galit na nagsalita si Peter. "Nakita ko siya sa Verdant Hotel, magchecheck in siya kasama ng isang p*ta. Sinubukan ko siyang pigilan at sinipa niya ako! Masakit pa rin ang tiyan ko hanggang ngayon!"
"Ano?!"
Nagulat ang lahat, at agad na tumayo si Gina upang bungangaan si Frank, "Napakagaling mo! At inakala ko pa naman na kahit paano matino ka, pero may ibang babae ka pala!"
"T-Totoo ba ‘yun?" Napatingin si Henry kay Frank at hindi siya makapaniwala sa kanyang narinig—kilalang-kilala niya si Frank para malaman niyang hindi si Frank yung tipo ng lalaki na maghahanap ng iba!
"Bakit hindi? Ako mismo ang nakakita nun," sigaw ni Peter, naglabasan ang mga ugat sa kanyang leeg.
Kumunot ang noo ni Helen at tiningnan niya ng malamig si Frank. "Totoo ba ‘yun?"
Ngumiti lang si Frank. "Kung ganun, mas gugustuhin mong maniwala sa kanya kaysa alamin kung ano ang totoo?"
Sumama talaga ang loob niya—nagawang itanggi ni Helen ang katapatan niya sa kanya sa nakalipas ng tatlong taon dahil lang sa sinabi ni Peter.
Hindi sana sasama ang loob niya kung pumunta si Helen sa hotel para tanungin kung sino ang babaeng iyon o kaya naman ay pagdudahan man lang sana niya si Peter!
"Tinatanong kita," ang malamig na sagot ni Helen.
"Sige," kalmadong sagot ni Frank. "Sinipa ko ang kapatid mo, at may kasama akong babae noong mga oras na ‘yun."
Huminga ng malalim si Helen—hindi niya akalain na may kasama talagang ibang babae si Frank!
Kahit na hiwalay na sila, hindi niya inaasahan na magkakaroon agad ng pamalit si Frank.
Malamang matagal na siyang nangangaliwa.
"Frank, dismayado talaga ako sayo."
"Talaga? Ako?" Ngumiti ng mapait si Frank. "Kung ganun, paano naman si Sean Wesley? At least inosente ako kumpara sa inyong dalawa."
Noong asawa pa niya si Frank, madalas siyang lumalabas kasama si Sean—inisip ba niya ang nararamdaman ni Frank?
"Walang namamagitan sa’min ni Sean!" Sumigaw ng malakas si Helen. "Ikaw yung pumunta sa isang hotel kasama ang ibang babae!"
"Tama na!" Biglang sumigaw si Henry, at tumahimik ang lahat.
Nauunawaan na niya ngayon na may lamat na ang relasyon nina Helen at Frank, at kailangan may gawin siya kung hindi ay masisira ang kanilang pagsasama.
Habang nakatingin siya sa kanilang dalawa, sinabi niya na, "Kung itinuturing niyo pa rin akong lolo niyo, dapat tumigil na kayong dalawa sa mga ginagawa niyo at tumira kayo dito kasama ko."
Nagkibit balikat lang si Helen. "Hindi na kailangan ‘yun, Lolo. Hiwalay na kami."
"Ano?!"
Natigilan si Henry at para bang tinamaan siya ng kidlat bago siya lumingon kay Frank. "Totoo ba ‘yun?"
Tahimik na tumango si Frank—ayaw niyang malaman ito ni Henry, ngunit malinaw na wala nang silbi na itago nila ito ngayon.
"Oh..." Ang sabi ni Henry at umiling siya, malinaw na masama ang loob niya.
"Please alagaan mo ang sarili mo, Lolo. Dadalaw ako kung kailan ako pwede," ang sabi ni Frank at tumalikod siya para umalis—walang nang silbi kung magpapanggap pa sila ngayong lumabas na ang katotohanan.
"Sinabi ko bang pwede ka nang umalis?!" Sumigaw si Peter—hindi pa siya nakakaganti sa pagsipa sa kanya ni Frank!
Pak!
Biglang sinampal ni Henry si Peter sa mukha at nagalit siya, "Umalis ka na lang."
"Bakit mo ako sinampal, Lolo?!" Malungkot na sigaw ni Peter.
Gayunpaman, hindi pinansin ni Henry si Peter at tumakbo siya palapit kay Frank, hinawakan niya ang braso ni Frank at nakiusap siya, "Pakiusap, Frank. Bigyan mo si Helen ng isa pang pagkakataon—bigyan mo ng isa pang pagkakataon ang pamilya ko!"
"Anong ginagawa mo, Lolo?" Takang-taka si Helen.
Sa tabi niya, tinupi ni Gina ang kanyang mga braso sa tapat ng kanyang dibdib at suminghal siya. "Nag-uulyanin na ba siya?"
Kung wala si Frank, mas malayo pa ang mararating ng pamilya nila!