Kabanata 10
”Ang tagal-tagal na natin dito, pero wala pa ring dumadating. Maghihintay na lang ba tayo dito para mamatay?”
Namutla ang mukha ni Sherry. Nanginginig ang boses niya sa pagkataranta.
Nang matapos siya sa pagsasalita, isang kaluskos ang umalingawngaw mula sa labas. Parang yabag ng paa.
Nang marinig ito, agad na bumangon si Sherry. Natigilan din si Ryan. Umupo siya at pinakinggan nang mabuti ang mga ingay sa labas.
Mabuti sana kung si Nina ang naakit ng apoy nila para iligtas sila. Napakatalino naman ni Nina kung sakali. Tiyak na mag-iisip siya ng paraan para mailigtas sila.
Ang pinakamalalang senaryo ay kung madatnan sila ni Yasmine, ang kamuhi-muhi na babaeng iyon.
Si Yasmine ay puro itsura at walang utak. Isa siyang ganap na tanga. Wala siyang alam kung paano magligtas ng tao.
Ang masama pa, sobrang malisyosa ni Yasmine. Gugustuhin niyang mamatay kaagad si Ryan.
Kung si Yasmine ang dumating, hindi lang siya tatanggi na tumulong sa kanila, kundi baka lumala pa ang sitwasyon nila.
Habang naliligaw sa pag-iisip si Ryan, nagsimula nang sumigaw si Sherry para humingi ng tulong.
“May tao ba diyan? May dumating na ba para iligtas kami? Tulong! Nahulog kami dito! May magliligtas ba sa amin?”
Ilang ulit na sumigaw si Sherry pero walang sumagot. Napagod siya at naubusan ng hininga. Humihingal, tumigil na siya sa pagsigaw.
Pagkatapos ng maikling pahinga, naghanda siyang sumigaw muli.
“Tumigil ka na. Papagurin mo lang ang sarili mo. Eto, gamitin mo ito para ibato sa pader. Makakagawa ito ng medyo malakas na ingay.”
May inabot na bato si Ryan kay Sherry at kumuha din siya ng isa.
Matapos bumato nang matagal ay biglang nawala ang mga ingay sa labas. Walang tumugon sa kanila.
Susuko na sana silang dalawa, nang biglang may narinig silang nag-uusap sa hindi kalayuan.
“Sandali lang. Narinig mo ba ‘yon? May mga tunog doon. Parang tunog ng mga batong ibinabato sa pader.”
“Hindi bumabato ang mga hayop. Malamay ay may tao dyan!”
“Tara. Tingnan natin.”
Narinig nina Sherry at Ryan ang mga boses. Bago pa magkaroon ng reaksyon si Sherry, nakilala ni Ryan ang isa sa mga boses.
Ang nagsasalita ay si Eloise. Ipinakilala niya ang kanyang sarili bilang isang kolehiyala na nag-aaral ng vocal music.
Maya-maya pa ay papalapit na ang mga yabag.
Sumigaw si Sherry sa taas ng kanyang mga baga, “Tulong! Pakiusap, iligtas ninyo kami!”
Sa sumunod na segundo, dalawang ulo ang lumitaw mula sa itaas ng bangin.
Inangat ni Ryan ang ulo niya at tumingala. Agad na nadurog ang puso niya.
Nagkatotoo nga ang pinakamalalang senaryo.
Dalawang tao ang dumating. Ang isa ay si Eloise, at ang isa ay si Yasmine!
“Eloise, Yasmine! Kayo pala! Hindi sinasadyang nahulog kami sa bangin na ‘to. Pakiusap, humanap kayo ng paraan para iligtas kami!”
Namukhaan agad ni Sherry ang dalawa. Nagmamakaawa siya.
Nagulat din si Eloise. Mabilis niyang sinabi, “Sherry? At Ryan? Paano kayo napadpad diyan?”
“Mahabang istorya, pero humanap muna kayo ng paraan para iligtas kami.”
Nang hindi tumitingin kay Yasmine, sinabi ni Ryan kay Eloise sa halip, “Pwede kayong humingi ng tulong at dalhin ang iba dito para magkakasama ninyo kaming mailigtas. Bilang gantimpala, matutulungan ko kayong makahanap ng pagkain.”
Alam niyang naniniwala na ang mga babaeng ito sa mga sinabi ni Yasmine at nag-iingat na sila sa kanya.
Kaya naman, malinaw niyang sinabi ang kanyang mga kundisyon bilang kapalit. Ito rin ay para timbangin ni Yasmine ang mga kalamangan at kahinaan upang hindi siya magdulot ng gulo sa kritikal na oras na tulad nito.
Malinaw, natukso si Eloise nang marinig niyang binanggit nito ang “pagkain”.
Pagkatapos mag-alinlangan sandali, agad siyang tumango at sinabing, “Sige, hahanapin ko ang lahat ngayon at dadalhin sila dito para iligtas kayo.”
“Mabuti naman, Eloise. Salamat! Kapag naligtas kami, ililibre kita ng trip around the world!” Labis na naantig si Sherry.
Nang matapos niya ang kanyang pangungusap, malamig na ngumuso si Yasmine.
“Trip around the world? Tingnan natin kung makakalabas pa kayo ng buhay.”
Pagkatapos, hinawakan ni Yasmine si Eloise na tatawag na sana ng tulong.
“Anong ibig mong sabihin, Yasmine?” Nagkaroon ng kutob si Ryan. Dumilim ang mukha niya habang nagtatanong.
“Anong ibig kong sabihin? Hindi ko siya hahayaang magtawag ng tulong para sa inyo. Ryan, mamatay ka na lang diyan.”
Tinakpan ni Yasmine ang bibig nito at tagumpay na tumawa.
Dahil na rin siguro sa walang mga tagalabas dito, at malapit nang mamatay si Ryan, hindi na napigilang itago ni Yasmine ang tunay niyang kulay.
Nany may malupit na ngiti, tumingin siya kay Ryan, sinasabing, “Hindi pa ba malinaw ang sinabi ko? Sana mamatay ka na lang dito. Huwag ka nang magpapakita sa harap ko.
“Hindi mo na ba kaya? Ehh maski nga si Nina nauto mo. Anong nangyari ngayon? Nasaan na si Nina?
“Ryan, wala kang kwenta. Dapat tahimik ka na lang maghintay dito para mamatay. Lakas ng loob mong paniwalain ang sarili mo na maghahanap kami ng tulong para sa’yo, delusyonal.
“Ang pinaka-pinagsisisihan ko sa buhay ko ay ang pagpapakasal sa walang kwentang tulad mo. Buti na lang talaga’t tapos na tayo. Ngayon, nasa panig ko na ang swerte. Pagdating ng rescue team, makakauwi na ako at masayang mamumuhay kasama ang mahal ko.
“Ikaw naman, hah, wala ka nang tsansang mabuhay. Hindi lang kita hindi tutulungan, pero pagbalik ko mamaya, lokohin ko rin yung iba na huwag silang aalis. Sisiguraduhin kong mananatili silang malayo sa lugar na ito.
“Kahit na mapaos ka pa kakasigaw, walang darating.”
Nagulat ang dalawang babae at nawalan ng imik sa walang pusong sinabi ni Yasmine. Tumingin sila sa kanya na may takot sa kanilang mga mata.
Si Ryan lang ang mukhang hindi nagulat. Mula nang maaksidente, nakita na niya ang kasuklam-suklam na ugali ni Yasmine.
Siya ay makasarili at walang pinagsisisihan. Palagi niyang binabalewala ang kabaitan ng ibang tao.
Hindi na karapat-dapat si Yasmine na tawaging tao. Para na siyang halimaw.
Kaya naman, gumawa si Ryan ng matatag na desisyon at sumuko sa ideya na humingi ng tulong kay Yasmine. Hindi sila tutulungan ni Yasmine. Pagtatawanan lang sila nito.
Tinapunan lang ni Ryan si Yasmine ng mahinahong sulyap.
“Sige, tatandaan ko ‘yang sinabi mo. Ipagdasal mong sana mamatay talaga ako dito. Kung hindi, sinusumpa ko, kapag nakalabas ako dito, pagbabayarin kita. Pagsisisihan mo ang ginawa mo ngayon.”
Ang mga malamig at walang emosyong salita ni Ryan ay nagpakilabot sa gulugod ni Yasmine. Likas siyang nanginig.
Sa kaibuturan niya, pakiramdam niya ay mapapahamak siya kapag nakalabas ng buhay si Ryan sa lugar na ito.
Maya-maya, nakabawi si Yasmine at tumingin kay Ryan nang may nakakaasar na ngisi.
“Walang kwentang gago ka. Nagmamatigas ka pa rin kahit nasa bingit ka na ng kamatayan. Gumapang ka muna palabas diyan bago ka magsalita. Eloise, tara na!”
Pagkatapos, hinawakan niya si Eloise at sinubukang umalis.
“Pero... Yasmine, dalawang buhay ang nakataya dito. Hindi, hindi ko kayang walang gawin at hayaang mamatay ang dalawang tao sa harap ko. Kailangan ko silang tulungan!”
Namutla ang mukha ni Eloise, at nagsalita siya sa takot.
Bago niya natapos ang sasabihin niya, nagbago ang ekspresyon ni Yasmine. Sinabi niya na may kakila-kilabot na tono, “Girl, bantayan mo ‘yang bibig mo at tumigil ka sa pagsasalita ng kabalbalan.”
“Kung hindi, itutulak kita pababa ngayon at hahayaan kang mamatay kasama nila. Para hindi ka malungkot mag-isa.”
“Kung maglakas-loob kang bumalik at palihim na sabihin sa iba ang tungkol dito, tingnan mo lang! Marami akong paraan para pahirapan ka! Ngayon, bilisan mo at umalis ka na!”
Binatukan ni Yasmine si Eloise, at umalis na sila habang tinutulak ang isa’t-isa.
Unti-unting nawala ang kanilang mga boses, kasabay ng paghikbi ni Eloise.
Muling bumalik sa katahimikan ang bangin.