Kabanata 7 Interview
Alas diyes na ng umaga. Nakita ni Verian ang napakadaming tao sa isang hall sa first floor pagkapasok niya pa lang sa Fudd Group. Lahat sila ay may mga hawak na resume at tila nakapila para sa isang job interview. Nakakapagtaka na nasa 99% ng mga interviewee ay kababaihan at puro naggagandahan at mga bata pa.
Napakunot ang noo ni Verian. ‘May mahalagang araw ba ngayon? Bakit napakadaming aplikante?’
“Excuse me, andito ba kayo para sa interview?”
Suot ang pink na mini skirt, isang bata at magiliw na babae ang tumingin kay Verian mula ulo hanggang paa at sumagot, “Andito ka rin ba para sa interview? Parang pang-madre ‘yung suot mo, sa tingin mo ba magugustuhan ka ni President Fudd?”
Walang masabi si Verian. “…”
Di maiwasang mapatingin din sa sarili si Verian. Nakasuot lang naman siya ng karaniwang suot sa mga interview; puting blouse na naka-tuck in sa palda at nakasuot din siya ng 3cm heels. Bakit naman naging pang-madre ‘yun?
May isang taong dumating para asikasuhin ang interview session. Mapanghamak ang tingin niya sa likod ng salamin niyang may itim na frame. “Tumahimik nga kayo, ayaw ni President Fudd sa maiingay na mga babae. Pumila kayo nang ayos at sundan niyo ako sa 66th floor para sa interview ng bawat batch.”
Bago pa mapagtanto ni Verian ang sitwasyon, tinulak siya ng isang babaeng namamadali papasok ng elevator, “Hoy! Gagalaw ka ba o ano! ‘Wag kang paharang-harang kung ‘di ka kikilos!”
Tinignan nang masama ng person-in-charge si Verian at ang isa pang babae, “Bakit ba kayo nagtutulakan?! Sa tingin niyo ba papasa kayo sa interview dahil ipinagsiksikan niyo ang sarili niyo sa daan paakyat ng 66th floor?”
Parang may kakaiba sa kapaligiran nang paakyat sila. Nakatayo si Verian sa pagitan ng mga bihis na bihis na mga babae at nagkakapalang makeup. Parang may mali.
Kailangan ba talaga nilang pumustura na parang may blind date para lang sa isang interview para sa art designer na posisyon?
Puno ang elevator ng mga kababaihang may sari-saring makeup look. May mga nakahawak sa cushion powder nila, may mga nag-aayos ng tila maayos pa rin namang makeup.
Tila sa kampana ang tunog ng elevator nang magbukas ang pinto pagkarating sa 66th floor.
Tinatangay na lang si Verian ng dami ng tao hanggang nakarating sila sa interview room.
Nakikita ni Verian ang interview team sa likod ng isang transparent na salamin. May tatlong examiners at may dalawang secretary sa mga tabi nila. Nakakapangilabot ang kapaligiran para sa maraming tao.
‘Napakaistrikto pala ng Fudd Group sa pagpili ng designer sa art and creative department? Kung ganun, mas matindi siguro ang pag-aapply para sa mas mataas na mga posisyon gaya ng managers o directors. Siguro maraming levels ng interviews parang sa isang laro lang na maraming level?’
Matindi ang kaba ng mga babae sa likuran niya at pinagpapawisan na ang mga palad nila. Mahina ang mga pag-uusap nila, “Balita ko sa Ivy League na college nakatapos si President Fudd, eh ordinaryong undergraduate lang ako. ‘Di niya kaya ako magugustuhan?”
“Wala naman ‘yan sa qualifications. Itsura at katawan lang ang gusto ng mga lalaki.”
‘Parang ‘di naman sila nagpunta dito para mag-apply na designer kung ‘di para maging girlfriend ni President Fudd?’
Biglang bumukas ang pinto ng opisina. Isang babaeng nakasuot ng mini skirt na may tatak na Givenchy ang lumabas ng kwarto. Tila maganda ang resultang nakuha niya sa interview. Nakangiti siyang lumabas ng kwarto. Nag-krus siya ng mga braso at mapagyabang na tinignan ang iba pang mga babae sa pila, “Tingin niyo ba na sapat na ang looks at body? Napakarami nang nakitang magagandang babae ni President Fudd. Yung mga babaeng tulad niyo ay compliment lang sa kanya. Ang gusto ni President Fudd sa babae ay yung may magandang family background, mataas na qualifications, at matalino gaya ko. Kaya pakinggan niyo itong advice ko ha, alamin niyo yung mga sarili niyo, girls!”
Nang matapos ang sinasabi ng babae, lumabas ang isang secretary at pormal na nagtawag, “Next, please.”
Nabigla si Verian. Siya na ang susunod. Huminga siya nang malalim. Binitbit niya ang resume at kalmado siyang naglakad suot ang high heels niya.
Sa tatlong examiners, yung may itsurang lalaki sa gitna na may suot na salaming kulay gold ang tumingin sa resume niya at unang nagtanong, “Verian Mont? Please introduce yourself. Tell us your measurements, weight, height, health status, and family background.”
Nagkunot ang noo ni Verian at maipipinta ang galit sa elegante niyang mukha, “Ano ‘to? Sikreto bang gumagamit ng dirty tactics ang Fudd Group para mag-hire ng mga babaeng empleyado? Akala ko pa naman isang serious, fair, and honest na businessman si President Fudd. Mukhang peke lang din pala ang lahat. Pasensya na po, ‘di na po ako magpapa-interview.”
Nagtinginan sa isa’t isa ang mga examiners. Tinitigan nila ang galit na galit na mukha ni Verian at pabirong nagsabi, “Miss Mont, nandito ka para mag-apply na asawa ni President Fudd, syempre may karapatan siya na alamin ang basic conditions mo. Kung hindi, edi sana kahit sino na lang ang pinakasalan niya basta babae?”
‘Ha? Application para maging asawa ni President Fudd?’
“Mukhang nasa maling…”
Bago pa matapos sa pagpapaliwanag si Verian, biglang nagbukas ang pintuan sa opisina at naabala ang interview. Si Kush Xavier ang pumasok – ang secretary ni President Fudd.
Lumapit si Kush sa examiner na nasa gitna, lumapit ito at bumulong nang mahina, “Director Lucas, gustong mainterview ni Boss si Verian Mont sa personal.”
Inangat ni Zander Lucas ang salamin niyang kulay gold. Nang may halong mapanuksong tingin, natawa siya, “Akala ko ba ayaw niya sa mga babae, ‘di ko naman inexpect na ito pala ang cup of tea niya.”
Minata ni Zander nang may kalaliman si Verian at napangiti ito nang bahagya. Lumakad si Kush papunta kay Verian at gumamit ng magalang na tono, “Miss Mont, sumunod kayo sa’kin.”
…
Habang nakaupo sa isang black executive chair, tila walang kibo na nakatitig si Heaton sa naka-pause na screen sa kanyang laptop. Ito ang recording ng interview ni Verian sa kabilang kwarto.
Kinuha niya ang mga papeles at litrato na pinadala ni Kush nitong umaga. Nakita niya kaagad ang medyo malabong litrato ng isang babae sa obstetric table.
Kung ang surrogate nga three years ago ay si Verian Mont…
Bumukas ang pintuan.
Pumasok si Kush kasama si Verian, “Boss, andito po si Miss Mont.”
“Umalis ka muna.”
“Opo.”
Nakakaramdam ng lito si Verian nang dalhin siya sa office. Nang makaalis si Kush, napakunot ang noo niya at nagtanong ito, “President Fudd, andito po ako para mag-apply bilang illustrator, ‘di ko po maintindihan ang ibig niyong sabihin.”
Inangat ni Heaton ang kamay niya at isinara ang laptop. Tinignan niya nang may pang-aasar si Verian, “Pinagbibintangan mo ako kanina lang mula sa kabilang kwarto na gumagamit ng dirty tactics. Eh paano naman yung pang-aakit mo sa akin sa party kagabi? Parang ‘di ata ako ang nagpapanggap.”
Namula ang pisngi ni Verian sa kahihiyan. Napakagat siya ng labi niya at sinabi niyang, “Gusto ko lang naman po sanang maawa kayo sa’kin at i-cancel ninyo ang demolition project sa Navy Road. Pasensya na po President Fudd kung iniisip niyong wala akong modo o kung ano man ang di natin pagkakaintindihan.”
Tumayo si Heaton at naglakad papunta sa malaking aquarium sa opisina niya. Binigyan niya ng pagkain ang mga isda at tila di nagmamadali, “Imposibleng ma-cancel ang buong demolition project, pero pwede namang mapag-usapan ang tungkol sa Mont Villa.”
May bakas ng tuwa na umalab sa puso ni Verian. Nagtanong kaagad siya, “President Fudd, ibig sabihin po ba hindi ninyo gagalawin ang Mont Villa?”
Itinabi ng lalaki ang hawak niyang pagkain ng isda. Habang may isang kamay sa kanyang bulsa, naglakad siya papalapit kay Verian. Napaatras ang dalaga nang maramdaman niyang papalapit ang presko at kaaya-ayang hininga ng lalaki. Sa parehong pagkakataon naman ay may malaking kamay na kumapit sa bewang niya.