Kabanata 1
”Mommy, pwede mo bang hiwalayan si Daddy?!"
9:00 pm na, at sinusubukan kong patulugin ang anak ko. Noong inakala ko na makakatulog na siya, bigla niyang itinanong iyon sa’kin.
Para akong nabagsakan ng mga bato sa mga sinabi niya, dahilan upang matulala ako sandali. Napahinto ang kamay ko sa likod niya. Nakaramdam ako ng kirot sa aking puso.
Sa nagdaang mga taon, naging maganda ang relasyon namin ng kanyang ama. Kung tutuusin, ang isang bata na inalagaan nang may pagmamahal ay dapat makaramdam ng kasiyahan sa pamumuhay sa gayong kapaligiran. Kaya, paano niya naisip ang bagay na iyon?
Hindi ko malaman kung paano niya naisip iyon, kaya tinanong ko siya, "Bakit mo nasabi iyan?" Pinilit kong panatilihing malumanay ang boses ko, natatakot akong matakot siya.
"Hindi mo ako pinapayagang kumain ng fast food o ice cream.”
Malapit na siyang makatulog. Mahina ang boses niya at may kasamang kainosentehan na tipikal sa kanyang edad. Iniwan ako nito na parehong natutuwa at naiinis.
Gusto niyang hiwalayan ko ang tatay niya dahil lang sa maliit na bagay na gaya nito? Napakababaw talaga ng mga bata.
Habang pinakikinggan ko ang mabagal niyang paghinga, alam kong nakatulog na siya.
Akmang tatayo na sana ako at aalis, may narinig akong notification sound mula sa gilid ng kama niya. Lumingon ako sa likod at may nakita akong liwanag mula sa ilalim ng kanyang unan.
Matapos kong iangat ang sulok ng unan, may nakita akong tablet na nakatago sa ilalim at hindi ko maiwasang mapabuntong-hininga.
Bata pa ang anak ko, at nag-aalala ako sa kanyang paningin, kaya nag-set ako ng mahigpit na limitasyon sa screen time niya.
Kahit na madalas siyang magreklamo tungkol dito, palagi niyang sinusunod ang aking mga patakaran. Ngunit ngayong gabi, lihim niyang itinago ang tablet.
Noong hinila ko ito at papatayin ko na sana ito, nagulat ako sa maliwanag na screen na nagpapakita ng isang group chat.
Ang group chat ay pinangalanang "Happy Family" na may nakangiting emoji. Malinaw na ang anak ko ang nagpangalan nito base sa mapaglaro niyang tono, dahil iyon ang paborito niyang emoji. Ang avatar ng grupo ay mukhang isang larawan ng pamilya na may apat na tao.
Ni-zoom ko ang larawan at nakita ko ang isang masayang babae na nakayakap sa dalawang bata.
Ang isa sa kanila ay ang aking anak, si Zachary Pelham. Hawak niya ang isang higanteng ice cream cone, malinaw na tuwang-tuwa siya. At sa likod niya nakatayo ang asawa ko, si Steven Pelham.
Puno ng pagmamahal ang tingin niya sa babae. Gaya ito ng pagtingin niya sa’kin noong una kaming magsimulang mag-date.
Parang tinutusok ng karayom ang puso ko. Nakaramdam ako ng matinding sakit. Gayunpaman, hindi maiwasan ng aking mga mata na bumaling sa pangalan ng babae.
Ang contact name na ibinigay sa kanya ni Zachary ay "Mommy".
Para akong tinamaan ng kidlat. Nanginginig kong pinindot ang profile niya. Sa sobrang gulat ko, ang nickname niya ay "Jessica".
Jessica… ang first love ni Steven, si Jessica Shardlow?
Sa isang iglap, naramdaman ko ang isang kakaibang pakiramdam na bumalot sa akin, na para bang nananaginip ako.
Ang aking asawa at anak na lalaki ay bumuo ng isang family group chat kasama ang kanyang first love. At ako lang ang hindi kasama. Magkasama silang bumuo ng isang bagong tahanan.
Para bang may pumipiga sa puso ko kaya halos hindi ako makahinga.
Puno ng mga mensahe ang group chat. Pinuno ng mga ito ang aking isipan habang ang aking mga daliri ay manhid na nag-i-scroll pataas.
Sa totoo lang, may sarili kaming family group chat. Ngunit bukod sa paminsan-minsan kong pagtatanong kay Steven kung anong oras siya uuwi para sa hapunan, kasing tahimik ito ng isang ghost town.
Biglang nag-send ng video si “Mommy” sa group.
Nanginginig ang aking mga kamay habang binubuksan ko ito. Malinaw na maayos ang pagkaka-edit ng video.
Ang isang minutong video ay nag-flash sa hindi mabilang na mga sandali—pritong manok, Coke, isang Ferris wheel, isang carousel, at marami pa.
Puno ng ngiti ang mukha ni Zachary, kitang-kita ang wagas na saya. Kahit si Steven, na kadalasang nagtatago ng kanyang damdamin, ay hindi maitago ang kanyang saya at pagmamahal.
Halos wala na akong kakayahang mag-focus sa dalawa pang tao sa video dahil unti-unting bumagal ang video at tuluyang tumigil sa mukha ni Zachary.
Nakapikit siya habang magkadikit ang kanyang mga kamay habang taimtim na humihiling sa harap ng isang malaking cake.
Narinig ko ang kanyang inosente at taos-pusong boses. "Sana maging mommy ko na si Ms. Jessie. Sana magkasama kami ni Daddy, Ms. Jessie, Cody, at ako habangbuhay!"
Nagpalakpakan sila.
Pumalakpak si Jessica at ang kanyang anak na si Cody Gibson, na hinihiling na matupad ang kanyang mga pangarap. At si Steven naman, may ngiti sa kanyang mukha.
Mukha silang masaya at perpektong pamilya.
Paano naman ako? Sa sobrang sakit ay halos hindi na ako makahinga.
Noong sandaling iyon, nagpadala ng voice message si "Mommy" sa group. Masigla at masayahin ang boses niya, parang isang supportive na ate na laging nasa tabi ni Zachary.
"Sweetie, sinabi mo sa’kin na gusto mo akong maging mom mo. At sinabi mo na kahit sino pwede na, basta huwag lang ang kasalukuyang mom mo. Nagtataka lang ako kung bakit parang ayaw mo sa mom mo.
"Nalaman ko na dahil ito sa masyado ka niyang kinokontrol. Hindi ka niya hinayaang kumain o maglaro ng kung ano ang gusto mo. Para matulungan kang lumaking masaya, ako na ang magiging bagong mommy mo sa group chat na ito simula ngayon. Ang lugar na ito ang magiging tahanan para sa ating apat."
Sinabi ba talaga ni Zachary iyon? Kahit sino pwede na, basta huwag lang ako ang maging mom niya?
Pinahirapan ko ang sarili ko sa paulit-ulit kong pakikinig, pero hindi pa rin ako makapaniwala. Ang batang isinilang ko—ang batang pinaglaanan ko ng lahat ng lakas ko at pinalaki—ay ganito na lang katindi ang pagkamuhi sa’kin.
Pumikit ako. Walang tigil ang pag-agos ng luha sa aking mukha.
Mula noon ay sensitibo na ang tiyan ni Zachary. Kahit na kaunting maling pagkain lang ay maaaring humantong sa pananakit ng kanyang tiyan. Ilang beses na siyang naospital noong maliit pa siya dahil sa gastroenteritis.
Kaya naman naging maingat ako sa kanyang pagkain. Maingat akong naghanda ng mga balanseng pagkain araw-araw, umaasa na mapabuti ang kanyang kalusugan. Pero lahat ng pagsisikap ko para sa kanya ay nauwi sa mga pagkakataon na sinasaktan ko siya sa paningin niya.
Hindi na nakakapagtaka na muling umatake ang gastroenteritis ni Zachary kamakailan.
Natataranta ako, ngunit hindi ko mahanap ang dahilan. Kung ganun ito pala ang katotohanan.
Pinakinggan ang voice messages na ipinadala ni Zachary kanina. Bawat isa sa kanyang mga akusasyon ay parang isang matalim na kutsilyo na sumasaksak sa aking puso, na dahilan upang mahirapan akong huminga.
Tapos, biglang tumigil si Zachary sa pagpapadala ng kahit ano. Alam ko na dahil ito sa pumunta ako sa kwarto niya para patulugin siya.
Hindi niya pwedeng ipaalam sa’kin na palihim niyang ginagamit ang tablet. Kailangan niyang sumunod sa akin, kahit na gusto niyang ipagpatuloy ang pakikipag-usap kay Jessica sa group chat.
At ngayon, mahimbing siyang natutulog.
Kinagat ko ang labi ko, tumulo ang luha ko habang nakatingin sa kanya.
Napakaperpekto niyang tingnan, parang isang manika. Napaka inosente niyang magsalita, sinasabi ang anumang nararamdaman niya nang walang pag-aalinlangan.
Pero…
Hindi masakit ang kasinungalingan. Ang katotohanan ang masakit.
Palagi akong naniniwala na baka makita niya akong mahigpit sa ngayon. Ngunit sa huli ay mauunawaan niya na sinisikap ko lamang gawin ang pinakamabuti para sa kanya bilang kanyang ina. Ngunit hindi ko akalain na kamumuhian niya ako ng ganito.
Nakaramdam ako ng matinding pagdadalamhati at galit.
Ngunit hindi nawala ang kapit ko sa realidad. Alam kong bata pa si Zachary. Para siyang isang blankong papel. Wala siyang alam o naiintindihan.
Ang matinding pagkamuhi niya sa akin at pagmamahal kay Jessica ay maaari lamang magmula kay Steven.