Kabanata 7
“Uh...”
Si Perseus ay naguguluhan habang pinagmamasdan ang pintuan sa harapan niya na hinahampas pasara.
“Uuwi ka mamayang gabi ha, Uncle Perseus!”
“Shh, apo. Okay lang kung hindi ka muna uuwi mamayang gabi, Perseus.”
Lalong nataranta si Perseus nang marinig ang usapan nina Lindsay at Vincent. Ngunit may init na dumaloy sa kanyang puso.
“Ehem! Pasensya na doon. Hindi nila alam—”
“Hindi mo na kailangang magpaliwanag ng kahit ano sa’kin, Mr. Caitford. Pumasok ka na lang sa sasakyan.”
Magiliw na inimbitahan ni Nancy si Perseus sa marangyang Maybach. Isa itong dual-toned na sasakyan na nagdagdag ng bagets na vibes sa klasikong mature na alindog nito.
“Mr. Caitford, may oras pa tayo bago maghapunan. Bakit hindi tayo pumunta sa cafe?”
“Walang problema.”
Bahagyang tumango si Perseus. Binalikan niya ang kanyang mga saloobin habang nakatingin sa labas ng bintana.
Nang makarating sila sa cafe, kinuhaan sila ni Nancy ng isang liblib na mesa.
“Mr. Caitford, ikaw at ako ay parehong prangkang tao, kaya hindi na ako magliliguy-ligoy pa.”
Bago inihain ang kape, inabot ni Nancy ang isang folder kay Perseus. “Salamat sa pagligtas sa buhay ng lolo ko. Ito ang aming pasasalamat.”
Tinanggap ni Perseus ang folder at sinulyapan ito. Tapos, pinasadahan niya ng tingin si Nancy.
“Quantum Innovations? Binibigyan mo ba ako ng kumpanya?”
Ang netong halaga ng Quantum Innovations ay 200 milyong dolyar. Paano magagawang ibigay ni Nancy ang kumpanyang iyon sa kanya? Sino sa mundo ang babaeng ito?
“May bank card na kasama sa folder. Walang gaanong pera sa account. Maaari mo na lang isaalang-alang na ito ay paraan ng pasasalamat namin sa’yo. Tanggapin mo ang mga regalo, kung hindi, hindi ko maipapaliwanag ang aking sarili sa lolo ko.
Mabilis na naisip ni Nancy ang dahilan na iyon bago pa man matanggihan ni Perseus ang mga regalo.
“Sige. Tatanggapin ko ang kumpanya, pero ayoko nung pera.” Ipinasa ni Perseus ang kard pabalik kay Nancy habang nagsasalita siya.
“Mr. Caitford, gusto mo bang mapagalitan na naman ako ng lolo ko? Pinagalitan na niya ako dahil minaliit kita at pinagdudahan ko ang mga kakayahan mo.”
Naawa si Nancy sa mga sandaling iyon.
“Hindi. Hindi lang talaga ako tumatanggap ng pera sa tuwing gumagamot ako ng tao.”
Madiin na umiling si Perseus. “Isa iyong patakaran na itinakda ko para sa sarili ko. Hindi ko dapat suwayin iyon anuman ang mangyari.”
“Bale hindi mo sinisingil ang mga pasyente mo pagkatapos nilang gumaling?”
“Hindi.”
“Ah, ganoon ba.”
Dahil mukhang seryosong-seryoso si Perseus, nagpasya si Nancy na huwag na itong ipilit. Saglit silang nag-usap bago kinailangang sagutin ni Nancy ang telepono. Sa kasamaang palad, kailangan niyang putulin ang kanilang plano at itakda ito sa ibang panahon.
Walang masyadong pakialam si Perseus sa hapunan. Sa totoo lang, gusto talaga niyang hanapin si Rochelle at humingi ng mga sagot dito.
Gayunpaman, dumilim na ang langit nang umalis si Perseus sa cafe. Nangako na siya kay Egbert na bibisitahin nila si Randolph ngayong gabi, kaya ipinagpaliban muna niya ang kanyang mga plano.
“Bakit ka bumalik? Nasaan yung dalaga?”
Mukhang dismayado si Lindsay nang makita niya si Perseus na pumasok sa bahay. Tumingin siya sa paligid, umaasang masulyapan niya si Nancy.
“Tito Perseus, break na ba kayo ng girlfriend mo?” Nakisali na rin si Vincent sa usapan.
“Huwag mong intidihin iyon masyado, Mom. Magkakilala lang kami. Wala kaming relasyon. Tinulungan ko siya, kaya pumunta siya rito para magpasalamat.”
Umiling si Perseus, halatang naaliw sa imahinasyon ng kanyang ina.
“Okay lang kung hindi mo siya girlfriend. Pero sa tingin ko, si Camilla, yung nagtratrabaho sa ospital, ay mas bagay sa’yo. Maganda siya at mabait, malumanay pa ang boses. Kung hindi dahil sa kanyang tulong, maaaring si Vincent ay...”
Namumula ang mga mata ni Lindsay nang maalala ang sakit ni Vincent.
“Tama na. Bakit mo binabanggit ‘yan sa harap ni Vincent?”
Sa sandaling iyon, lumabas si Egbert sa kanyang kwarto na may dalang isang bag ng prutas sa isang kamay at ang kanyang tungkod sa kabilang kamay.
“Perseus, makakaalis na tayo kapag naibaba mo na ang mga gamit mo. Nakaalis na sa trabaho si Randolph ng ganitong oras.”
“Sige.”
Hindi nag-aksaya ng oras si Perseus sa pagtatago ng folder. Kinuha niya ang bag ng mga prutas mula kay Egbert bago niya ito tinulungan palabas ng bahay.
Pareho silang nagpasyang huwag sumakay ng taksi para makatipid. Sa halip, dahan-dahan silang naglakad patungo sa apartment ni Randolph habang nagkukuwentuhan.
Nag-isip sandali si Perseus bago sinabing, “Dad, may sasabihin ako sa’yo.”
“Ano iyon?”
“Walang sakit si Vincent. Na... Nalason siya.”
Agad na kumunot ang noo ni Egbert. “Nalason? Paano mo nalaman ‘yan? Hindi ba may leukemia si Vincent?”
Umiling si Perseus. “Dad, doktor ako. Sa unang tingin pa lang, alam kong may problema na kay Vincent. Noong magkasama kami kaninang hapon, nalaman kong nalason siya ng mycotoxicosis. Sobrang bihira ang ganoong klase ng lason.”
“Doktor ka?” Napatingin si Egbert kay Perseus nang may pagdududa. “Hindi ba’t nakakulong ka nitong huling tatlong taon? Ni hindi mo nga nakuha ang bachelor’s degree mo!”
“Dad, ang totoo, hindi ako nagsilbi sa sentensiya ko. Kahit na nanatili ako sa bilangguan ng tatlong taon, nagtrabaho ako roon bilang guwardiya. Ang trabaho ko ay bantayan ang mga preso.
“At saka, nakakuha ako ng mentor na napakahusay sa medikal na paggamot. Tinuruan niya ako kung paano pagalingin at gamutin ang mga sakit nang mas epektibo.”
Hindi sinasadya ni Perseus na itago ang kanyang nakaraan sa kanyang mga magulang. Ngunit hinding-hindi niya babanggitin ang Eternos sa harap nila.
“Nakita mo na siguro sa TV kung anong hitsura ng kulungan. Sampu-sampung libong mga bilanggo ang nagsisiksikan, at ang mga kondisyon ng pamumuhay doon ay napakalala.
“Ang mga taong dumaranas ng lahat ng uri ng sakit at pinsala ay nakakulong din doon. Kaya naman nagkaroon ako ng maraming pagkakataon para gamutin sila. Sa katunayan, plano kong buksan muli ang Caitford Clinic sa hinaharap.”
Parang nasabik si Egbert. “Totoo ba ang sinabi mo?”
“Oo naman. Kailan pa ako nagsinungaling sa’yo, Dad?”
“Hay, masaya akong hindi ka nanatili sa bilangguan bilang preso!”
Nagsimulang tumulo ang mga luha sa mga mata ni Egbert. Mabigat niyang tinapik si Perseus sa balikat habang sinasabing, “Pero sa ibang pagkakataon na lang natin pag-usapan ang tungkol sa pagbubukas ulit ng clinic. Hindi ka nakapagtapos, ibig sabihin wala kang lisensya.
“Ako naman, isa lang akong hamak na doktor na isa o dalawa lang ang alam sa paggagamot ng mga sakit. Ayokong masira ang reputasyon na pinaghirapang buuin ng ating mga ninuno. Isa pa, wala tayong anumang pera sa ngayon.”
Ang pera ay palaging ugat ng problema ng lahat.
“Ang pinakamahalagang bagay na dapat gawin ngayon ay makahanap ka ng trabaho. Kapag nasimulan mo nang paunlarin ang iyong career, makakahanap na kami ng nanay mo ng mga pwede mong pakasalan. Walang babae ang magnanais na magpakasal sa walang perang lalaki.”
“Sige, sige. Susundin ko ang payo mo, Dad.”
Hindi tumutol si Perseus kay Egbert. Alam niyang hindi niya kayang ilantad ang buong katotohanan sa kanyang mga magulang sa takot na baka hindi nila ito makayanan.
Naglakad pa sila ng kalahating oras bago makarating sa Sunshine Coast, na isang mataas na klaseng tirahan. Ito ay ganap na kabaligtaran ng luma at sira-sirang estado ng Skyview Acres.
Hindi nagtagal ay pinindot ni Egbert ang doorbell ng apartment ni Randolph.
“Andiyan na! Sino sila?” Isang boses ng babae ang umalingawngaw mula sa loob ng apartment.
Nakilala agad ni Perseus ang boses ng kanyang tiyahin, si Gabriella Rowse.
“Gabriella, ako ‘to, si Eg.”
Mabilis na inayos ni Egbert ang ngiti sa kanyang mukha. Kasabay nito, yumuko siya nang bahagya para magmukhang mapagkumbaba.
Sumakit ang puso ni Perseus nang makitang napakaamo ng kanyang tatay.
Binuksan ni Gabriella ang pinto para makita sina Egbert at Perseus. Hindi siya nag-abalang itago ang hitsura ng pagkadismaya. Sa katunayan, wala siyang planong papasukin sila sa apartment.
“Nandito ka ba para manghiram ulit ng pera sa amin?”
“H-Hindi!” Agad namang ikinaway ni Egbert ang kanyang mga kamay. “Nandito ako para bisitahin ka. Isa pa, nakalabas na si Perseus sa kulungan ngayon, kaya sinama ko siya.”
“Hello, Tita Gabriella,” bati ni Perseus.
“Oh? Ikaw nga, Perseus. Akala ko nasentensiyahan ka ng limang taon na pagkakakulong. Bakit ang aga mong lumabas? Huwag mong sabihing tumakas ka sa kulungan!”
Sa isang iglap, naging alerto si Gabriella. Parang sasampalin na niya ang pinto sa mukha nina Egbert at Perseus.
“Tita Gabriella, naka—”
“Mag-ingat ka sa mga sinasabi mo, Gabriella!” Isang mabagsik na boses ang umalingawngaw mula sa loob ng apartment noong mga sandaling iyon.
Si Randolph Caitford, tiyuhin ni Perseus, ay lumakad papunta sa maliit na grupo pagkatapos. “Matino si Perseus! Bakit naman niya magagawang tumakas mula sa bilangguan?”
“Hah! Kung talagang matino siya, bakit siya nakulong?”
Napaawang ng bibig si Gabriella bago naglakad palayo. Hindi man lang siya nag-abalang imbitahan sina Perseus at Egbert na papasukin sa apartment.
Medyo napahiya si Egbert nang marinig ang mapang-uyam na pahayag ni Gabrielle. Maaari lamang siyang manatiling nakatayo, hindi alam kung anong gagawin.
Si Perseus naman ay bahagyang sumimangot. Pero hindi naman talaga siya galit kay Gabriella.