Webfic
Open the Webfic App to read more wonderful content

Kabanata 6

”Tito Perseus, ikaw nga! Na-miss kita nang sobra!” Ibinaon ni Vincent ang kanyang mukha sa dibdib ni Perseus sa labas ng paaralan. Kitang-kita ang mga luha sa kanyang maputlang mukha. “Ako nga, Vincent. Nakabalik na ako... Ha?” Napagtanto ni Perseus na may mali sa sandaling buhatin niya si Vincent mula sa lupa. Ayon kay Lindsay, si Vincent ay nagkaroon ng leukemia at dumaan sa chemotherapy ng maraming beses. Ngunit bakit nakita ni Perseus ang mga bakas ng lason sa katawan ng batang lalaki? Anong nangyayari? “Tito Perseus, ngayong nakabalik ka na, hindi mo na ako iiwan sa pagkakataong ito, diba?” Mahigpit na pinulupot ni Vincent ang kanyang mga braso sa leeg ni Perseus. Naagrabyado siya kaya tahimik siyang umiyak. Nang magkaproblema si Perseus, tatlong taong gulang pa lamang si Vincent at nagsisimula pa lamang itong bumuo ng mga pangmatagalang alaala. Sa oras na iyon, sobrang malapit siya kay Perseus. Ngayong nakabalik na si Perseus, hindi naiwasang matuwa ni Vincent. “Hindi na kita iiwan. Simula ngayon, wala nang maglalakas-loob na apihin ka habang nandito ako.” Pagkatapos noon, nilingon ni Perseus si Elena, na namumula na ang mga mata dahil sa lungkot. “Ms. Menchez, okay lang ba kung manghingi ako ng half-day leave para kay Vincent?” “Siyempre naman,” pagsang-ayon kaagad ni Elena. Hindi siya tanga. Kahit na dinala niya ang mga bata, nanatili siyang para pakinggan ang lahat ng nangyayari sa opisina ng punong-guro. Bukod dito, nasaksihan niya ang pagluhod ng mga gangster. Hinding-hindi babastusin ni Elena ang isang taong may sapat na kapangyarihan para luhuran ng mga gangster. Habang si Vincent ay maaaring pisikal na mahina, siya ay masipag, dedikado, at magalang. Gugustuhin ng bawat guro na maging estudyante siya. “Salamat, Ms. Menchez! Paalam!” Masayang kumaway si Vincent kay Elena bago naglakad palayo kasama si Perseus. Nag-alala si Perseus sa abnormal na kalagayan ni Vincent, kaya hindi siya naglakas-loob na isama ito para mamasyal. Sa halip, pumara siya ng taksi at bumalik sa Skyview Acres kasama si Vincent. Nang makarating sila sa bahay, nasa bahay na rin si Egbert para mananghalian. “Dad...” Naramdaman ni Perseus na parang may bumara sa kanyang lalamunan. Halos hindi siya makagawa ng ingay. Si Egbert ay nasa bandang 50 pa lamang, ngunit ang kanyang katawan ay lampa na ngayon, at ang kanyang buhok ay kulay abo na. Lumakad siya nang pilay dahil sa baldado ang kanang paa, kailangan niya ng tungkod saanman siya magpunta. Nadurog ang puso ni Perseus sa nakita. “Masaya akong nakauwi ka na,” ungol ni Egbert na may luhang tumutulo sa kanyang mga mata. Pagkatapos, tinapik niya nang malakas si Perseus sa braso. “Tanghalian na ngayon. Ngayon ay ang araw ng engrandeng pagbabalik ni Perseus, kaya naghanda ako ng masarap na pagkain,” deklara ni Lindsay habang binabalanse ang mga putahe sa kanyang mga kamay. Ang maliit na pamilya ng apat ay nakaupo sa paligid ng hapag kainan. Ang tinaguriang masarap na pagkain ni Lindsay ay binubuo lamang ng tatlong putahe—letson na manok, pinakuluang gulay, at sopas, na halos walang sahog na karne para makadagdag sa lasa. Halos mapaiyak si Perseus sa malungkot na tanawin. “Nabalitaan ko sa nanay mo na naghahanap ka ng trabaho,” banggit ni Egbert habang nakatitig kay Perseus. “Oo.” Tumango si Perseus, kahit alam niyang hindi na niya kailangang maghanap ng trabaho. Maraming tao ang handang ibuhos sa kanya ang lahat ng kayamanan sa mundo kapalit ng kanyang mahimalang kakayahan sa pagpapagaling basta’t papayag siya. Ang paghahanap ng trabaho ay wala sa listahan ng priyoridad ni Perseus sa ngayon. Ang gusto niya ay kuwestiyunin si Rochelle. Paano nabuntis ito? At anong ginawa nito sa pamilyang Caitford sa loob ng tatlong taong pagkawala niya? “Wala pa akong mahanap na trabahong babagay sa akin. Bubusisiin ko ang paghahanap.” Dahan-dahang kinain ni Perseus ang pagkain. Ganito pa rin mismo ang pagkakaalala niya sa lasa ng luto ni Lindsay, ngunit sa hindi malamang dahilan, ito ay may mapait na lasa na sumasalamin sa kanyang damdamin. Habang kumakain si Egbert, sinabi niya, “Dapat ka munang magpahinga sa bahay ngayong hapon. Mamayang gabi, bibisitahin natin si Randolph. Sa tatlong taon mong pagkawala, si Randolph at ang pamilya niya ay ang patuloy na tumulong sa amin. Noong nagkasakit si Vincent, pinahiram pa nila kami ng 80,000 dollars. “Kailangan nating suklian ang kanilang kabutihan, kahit na hindi natin kayang bayaran sila ngayon, hindi tayo dapat mawalan ng kagandahang-asal kahit na anong mangyari. “At saka, ang pinsan mo, si Catherine, ay napakahusay. Para siyang saleswoman ng kung anu-ano. Medyo malaki ang kinikita niya bawat buwan, alam mo. “Si Catherine ay nagtapos mula sa nangungunang unibersidad, at nakabuo siya ng mga koneksyon sa maraming tao sa buong career niya. Marahil ay makakatulong siya sa paghahanap mo ng trabaho.” Huminto si Egbert sa kalagitnaan ng kanyang leksiyon. Inilapag niya ang kanyang mga kubyertos bago nagpatuloy, “Perseus, ang reputasyon mo ay hindi talaga malinis sa ngayon. Bakit hindi ka na lang magtuon sa paghahanap ng magandang trabaho at magsimulang mag-ipon ng pera? Kung hindi, paano ka makakahanap ng mapapakasalang magandang babae sa hinaharap?” Dagdag pa ni Lindsay, “Tama ang tatay mo, Perseus. Huwag na nating banggitin ang nakaraan. Kailangan pa nating magsikap para sa kinabukasan.” Uminit ang ilong ni Perseus dahil sa emosyon. Nadurog ang kanyang puso para sa kanyang mga magulang. Siguradong naging bulag at tanga siya para ipilit ang pakikipagrelasyon kay Rochelle dati. “Okay. Bibisitahin natin si Uncle Randolph mamayang gabi,” sang-ayon niya. Ang pamilyang Caitford ay nagkaroon ng magandang oras sa tanghalian sa kabila ng karaniwang pagkain. Hindi maiwasang mapansin ni Perseus na kapwa tumanggi sina Egbert at Lindsay na kainin ang manok. Sa halip, hinati nila ang manok para kina Perseus at Vincent. Doon ay nangako si Perseus na ibibigay niya sa kanyang pamilya ang pinakamagandang buhay magpakailanman. Pagkatapos ng tanghalian, bumalik si Egbert para magtrabaho sa kanyang tindahan dala ang tungkod. Nang matapos si Perseus sa paghuhugas ng pinggan para kay Lindsay, gumugol siya ng ilang oras sa pakikipaglaro kay Vincent sa hardin. Habang naglalaro, lubos na naging kumpiyansa si Perseus na walang leukemia si Vincent. Talagang nalason ang bata. Ang masama pa nito, ang lason na dumapo sa sistema ng bata ay isang bihirang uri ng lason na tinatawag na mycotoxicosis. Sino sa mundo ang naglason kay Vincent? Bakit napakaluput nila para lasunin ang isang anim na taong gulang? Habang si Perseus ay nalubog sa sarili niyang mga palaisipan, may kumatok sa tarangkahan mula sa labas. “Sino ‘yan? Baka mga loan shark na naman?” Natigilan si Lindsay nang marinig ang katok. Bakas sa mga mata niya ang matinding takot. “Bilis! Perseus, ibalik mo si Vincent sa kwarto mo at sabay kayong magtago sa ilalim ng kama! Wala silang gagawin sa matandang tulad ko! Bilisan mo!” Napabalikwas si Vincent at ibinaon ang mukha sa mga bisig ni Perseus. Nagdulot ito ng kirot sa puso ng binata. Bakit nahirapan ng ganito ang kanyang pamilya sa nakalipas na tatlong taon? “Mawalang-galang, nakauwi na ba si Mr. Perseus Caitford?” isang malamyos na boses ng babae ang tumunog mula sa labas ng bahay nang mga sandaling iyon. Bahagyang kumunot ang noo ni Perseus, sa pag-aakalang parang pamilyar ang babae. “Hah?” Nagtataka, lumingon si Lindsay para tingnan si Perseus. Binuksan ang tarangkahan nang may mahinang langitngit, tumatambad ang payat at napakarilag na babaeng maayos na nakaporma. Nakatitig lang sa kanya si Lindsay nang may pagtataka. “Hello, ma’am. Nasa bahay ba si Perseus?” Magalang na bati ni Nancy bago tumingin sa siwang ng tarangkahan. “Perseus, nandito ang dalagang ito para bisitahin ka,” sabi ni Lindsay bago niyaya si Nancy sa loob ng bahay. “Vincent, bilisan mo at buhusan mo ng isang basong tubig ang magandang babae.” “Opo.” Dahil hindi mga loan shark ang dumating para maningil, kitang-kitang nakampante sina Lindsay at Vincent. Masaya silang makita ang napakarilag na babae tulad ni Nancy na bumibisita kay Perseus. “Tubig para po sa inyo, ate.” Inabot ni Vincent ang isang basong tubig kay Nancy. “Salamat, bata. Ang sweet mo.” Lumawak ang ngiti ni Nancy. Maaaring ito ay isang baso ng simpleng tubig, ngunit pakiramdam niya ay parang binigyan siya ni Vincent ng mahalagang bagay. “Walang anuman!” Napatingin si Vincent kay Nancy. “Nga pala, ate, pwede ba akong magtanong?” “Ano iyon? Sige lang.” “Girlfriend ka ba ni Tito Perseus?” “Um...” Namula si Nancy, halatang nagulat sa tanong. “Mga bata talaga, alam mo na? Huwag mong seryosohin,” mabilis na pagsingit ni Perseus matapos tumahimik. “At saka, anong layunin ng pagbisita mo, Ms. Jagger?” Pakiramdam niya ay alam niya na kung bakit nandoon si Nancy. Kaya lang hindi niya inaasahan na magtatanong ng ganoon si Vincent na agad namang ikinagulat niya. “Bakit, Mr. Caitford, nandito ako para pasalamatan ka, siyempre! Isa pa, gusto kitang ilibre ng pagkain. May oras ka ba para doon?” Inimbitahan ni Nancy si Perseus. “Oo, meron! Na kay Tito Perseus na ang lahat ng oras sa mundo ngayon! Dapat mo siyang isama. Wala siyang trabaho at girlfriend sa ngayon.” Bago pa man makapagsalita si Perseus, masuyong itinulak siya ni Vincent palabas ng bahay.

© Webfic, All rights reserved

DIANZHONG TECHNOLOGY SINGAPORE PTE. LTD.