Kabanata 1
“Nasasaktan ako, Elijah. Bitawan mo ko!
“Pagsisisihan mo ba to kapag namatay ako, Elijah?
“Wag mo kong iwan para kay Jocelyn, Elijah. Mahal na mahal kita…”
Bigla akong nagising at naghabol ng hininga nang parang isang isdang wala sa tubig. Hindi ako makahinga, at sa sobrang sakit ng lalamunan ko ay para itong mahihiwa sa dalawa.
Nahirapan akong dumilat. Nakakasilaw ang mga puting ilaw sa itaas ko at may narinig akong mga machine na tumutunog sa tabi ko.
“Gising na si Ms. Linden, Mr. Linden. Sabi ng doktor, hinimatay siya dahil sa isang tama sa ulo at matinding emosyon. Maliban roon, ayos lang siya.”
May pabulong na nagsasalita sa telepono malapit sa kanya ko. Sa wakas ay napagtanto kong nasa ospital ako. May sakit ba ako?
May narinig akong malamig na boses mula sa phone. “Ayos lang ang lahat basta't walang problema sa kanya. Mayroon akong video conference na dadaluhan kaya hindi ako makakapunta diyan.”
Nakasuot ng pormal na damit ang babae. Pagkatapos patayin ang tawag, bumuntong-hininga siya. Pagkatapos, tumalikod siya. Nabigla siyang makitang nakatitig ako sa kanya. “Gising ka na, Mrs. Linden?”
Magtatanong sana ako sa kanya nang nagpatuloy siya, “May video conference si Mr. Linden ngayon kaya hindi pa siya makakapunta. Pwede mo kong kausapin kung may kailangan ka.”
Wala akong naintindihan. “Sino si Mr. Linden? At hindi ako si Mrs. Linden. Ariana York ang pangalan ko.”
Nabigla ang babae bago namumuhing tumawa. “Maraming ginagawa si Mr. Linden, at ganun rin ako. Wala akong oras para makipaglaro sa'yo. At saka, hindi mo kailangang magpanggap na may amnesia ngayong nauntog ka lang nang konti.”
Suminghal siya. “Wag kang masyadong magbabasa ng mga basurang nobela. Hindi gagana kay Mr. Linden ang pagpapakipot mo.”
Kumunot ang noo ko. “Hindi ako nagbabasa ng basurang nobela, at hindi ako komportable sa pananalita mo sa'kin.”
Hindi maganda ang pag-uugali ng babae kapag kausap niya ako, at hindi ko siya gusto. Nag-itsa siya ng phone sa'kin at nagsabing, “Heto ang phone mo. Tawagan mo ko kung may kailangan ka. Babalik na ako sa trabaho.”
Tumalikod siya para maglakad palabas ng ward habang mukhang nagmamalaki.
Bigla na lang, bumukas ang pinto ng ward at isa pang babae ang sumugod papasok nang may magulong buhok. “Kumusta ka na, Ariana?”
Nagulat ako nang nakita ko siya. “Bakit ka nagkaganito, Teri?”
Ang babae sa harapan ko ay si Teresa Stuart, ang best friend ko. Magkalaro kami simula noong kabataan at pumasok kami sa parehong kindergarten, elementary school, middle school… Para kaming kambal-tuko na nanatili sa tabi ng isa't-isa kahit sa unibersidad.
Pero bakit tumanda tignan si Teresa kumpara sa naalala ko? Kinulayan ng maroon ang buhok niya at nakasuot siya ng itim na hapit na bestidang nagpakita sa kurba ng katawan niya. Mukha siyang pamilyar ngunit hindi pamilyar.
Nang nakita niya akong ganito, namula ang mga mata niya. Pagkatapos, sumigaw siya, “Ang tanga-tanga mo Ariana! Sinabihan na kitang iwan si Elijah, ang basurang yun. Pero hindi ka nakinig! Tignan mo ang itsura mo ngayon! Muntik ka nang mamatay pagkatapos mong magbantang magpakamatay. Tinakot mo talaga ako!”
Naiyak siya sa dulo ng sinabi niya. Hindi ko naintindihan ang ibig niyang sabihin, ngunit kumirot ang puso ko at namula rin ang mga mata ko. Hindi ko alam kung anong nangyari.
Bigla na lang, lumingon ang babaeng naka-pormal na damit at mukha siyang nainis nang sinabi niyang, “Ospital ito, Ms. Stuart. Hinaan mo ang boses mo.”
Para bang pamilyar si Teri sa babae. Tinuro niya siya at sumigaw, “Tawagan mo ang pinakamamahal mong Mr. Linden at sabihan mo siyang pumunta sa ospital! Sugatan at nakahiga sa ospital ang asawa niya, pero gusto niya pa ding dumalo sa isang walang kwentang charity dinner kasama ni Jocelyn Cornell!
“Hindi ba niya naisip na sumobra na siya? Hiniwalayan siya ng putang Jocelyn na yun at nangibang bansa nang malapit na siyang malugi. Sinong nagligtas sa kumpanya niya? Ang York family! Ngayong, nagbalik na ang kayamanan niya, bumalik si Jocelyn para sumipsip na naman sa kanya.
“Hayop at basura ang isa, habang pokpok na mukhang pera naman ang isa. Bagay na bagay sila!”
Namula ang mukha nang babae nang narinig niya ang sinabi ni Teri. Samantala, nagmadaling lumapit ang isang nars para sabihan si Teri na huwag gumawa ng eksena. Doon lang umalis ang babae na para bang may tinatakasan siya.
Nang nanahimik ang ward, pinunasan ni Teri ang mukha niya at suminghal, “Makinig ka sa'kin, Ariana. Naugnay ka kay Elijah at binulabog mo siya nang pitong taon, pero hindi ka niya mahal. Hindi ka niya nirerespeto pati ang pamilya mo.
“Napakarami namang ibang lalaki sa mundo—bakit kailangan mong magkaroon ng obsesyon sa kanya? Maraming beses ka nang nagbantang magpapakamatay, sa puntong hindi na siya naniniwala sa pag-arte mo.”
Huminto siya at mukhang naiinis nang nagpatuloy siya, “Mayaman ka at maganda, Ariana. Bakit kailangan mong maging hopeless romantic?”
Sa wakas ay nahanap na ako ng pagkakataong magtanong sa kanya. “Sino si Elijah Linden, Teri? Wala akong naaalala.”
Para bang nabigla si Teri. Pagkatapos, tumawa siya. “Wala na ang assistant ni Elijah, kaya pwede ka nang hindi magpanggap. Alam kong nagpapanggap ka lang na may amnesia.”
Hinimas ko ang ulo ko na namamaga pa rin. Mapait akong ngumiti. “Nawalan talaga ako ng alaala, Teri. Hindi ko alam kung sino ang Elijah na sinasabi mo.”
Nanahimik siya at tumulala sa'kin. Pagkatapos magtitigan sa mata nang dalawang minuto, sumigaw siya, “Sa wakas nakakakita ka na ng katwiran! Nakalimutan mo ang lahat tungkol sa hayop na yun!”
…
Pagkatapos ng ilang pagsusuri, sinabi ng doktor na baka mayroon akong intermittent amnesia. Lalo na't isang mahalagang organ ang utak, at mukhang nalaglag ako nang maraming hakbang sa villa. Baka nga may lumuwang sa utak ko nang tumama ang ulo ko.
Tinignan ko ang sarili ko sa salamin. Pareho pa rin ang hugis oval na mukha ko at ang matangos na ilong ko, ngunit maputla ang mga labi ko. Mukha ko nga ito, pero mayroong hindi pamilyar tungkol dito.
Sa alaala ko, palagi akong masigla at masaya. Pero ang babae sa salamin ay may mga matang walang saya. Ang totoo, mukha akong miserable.
Totoo ba ang sinabi ni Teri? Talaga bang naugnay ako kay Elijah nang pitong taon? At kasal na talaga ako?”
…
Ayaw kong maniwala, ngunit pinakitaan ako ni Teri ng mga larawan at video sa phone niya, na nagpatunay na kasal na talaga ako. Sa gulat ko, ang asawa ko ay ang ice god ng Halton University—si Elijah Linden.
Nakita ko kung paano akong nakangiti sa mga larawan at video ng kasal at bumuntong-hininga nang matagal.
Sabi ni Teri, “Nahulog ka kay Elijah noong nasa sophomore year tayo, pinabayaan mo pa nga ang pag-aaral mo para sa kanya. Hinintay mo siya sa labas ng dormitoryo araw-araw para ibigay sa kanya ang agahang binili mo.
“Kahit ano pang sport ang laruin niya, bibili ka ng kahon-kahon ng mga inumin para sa kanya at mga kagrupo niya. Sa kaarawan niya, nagbayad ka ng taong magpapalipad ng isang banner gamit ng mga lobo para ipagtapat ang nararamdaman mo para sa kanya. Noong nagkasakit siya, humiga ka sa lapag sa tabi ng kama niya para alagaan siya oras-oras…”
Para bang parusa sa mga tainga ko ang mga sinabi niya—sobra itong nakakahiya. “Tama na yan…”
Walang intensyon si Teri na palampasin ako. Nagpatuloy siya, “Binayaran mo pa nga ang student council members para palitan ang isang tao sa artificial intelligence club ni Elijah bilang utusan. Lahat ng ito ay para lang ligawan siya.
“Wala kang alam tungkol sa programming at naging utusan ka ng club. Noong dalawampung taong gulang ka, nagtapat ka ulit ng nararamdaman mo para sa kanya…”
Tinakpan ko ang mga tainga ko, ayaw ko na itong marinig. “Gumastos ka ng dalawandaang libong dolyar para mag-play ng isang paulit-ulit na video sa pinakamataas na building sa Halton City—ang video ay ang paghiling mong pakasalan ka ni Elijah. Nagulat ang buong Halton City.”
Bumuntong-hininga ako at yumuko. “Anong nangyari sa huli?”
Naging kakaiba ang ekspresyon ni Teri. “Pumayag siya sa proposal mo.”
Nanahimik ako bago nagsabing, “Ito ay dahil sa sinabi mo sa'kin, tama? Na malapit nang malugi ang Linden family. Hindi niya ako pakakasalan kung may iba siyang pagpipilian dahil hindi niya ako mahal, di ba?”
Tumingin siya sa'kin na para bang ayaw niya akong masaktan. “Hindi naman siguro sa ganun. Baka dahil gumana ang pagpupumilit mong ligawan siya… siguro.”
Nanahimik ulit ang kwarto. Bumuntong-hininga ako. “Nakakahiya…”
Tumingin ako ulit sa sarili ko sa salamin at nakita ko kung gaano ako kaputla. Malungkot akong ngumiti. “Hindi ko inakalang ang mapagmataas na ako, ang heiress ng York family, ay magiging katatawanan ng Halton family.”