Kabanata 10
“Oh sige. Eto na.” Tinitigan ni Neville si Bonnie, sabik na malaman kung makukumpuni ito ng dalaga.
“Kailangan ko ng tools.”
“Nasa kwarto ko. Kukunin ko lang muna.”
“Sige.”
Hindi nagtagal, dinala ni Neville ang mga kagamitan, at sinimulan ni Bonnie na ayusin ang robot.
Mabilis niyang tinanggal ang mga parte nito, pagkatapos ay maingat niyang ibinalik pagkatapos gumawa ng ilang pagsasaayos.
“Nagawa niya!” Gulat na bulalas ni Ged.
Habang nakatutok ang tingin niya kay Bonnie, biglang napagtanto ni Ivor na medyo kahanga-hanga ang dalaga.
Pagkatapos ng lahat, ang kanyang kapatid ay maihahalintulad na sa propesyonal, ngunit masasabi ni Bonnie kung ano ang mga problema sa isang sulyap.
“Naayos ko na,” sabi ni Bonnie
Ganoon kabilis?
Napanganga si Neville sa robot na nasa kamay niya. Siya ay hindi kapani-paniwalang mabilis!
“Saka, puwede ring i-optimize ang chip sa robot. May computer ka ba?” tanong ni Bonnie.
Lalong nanlaki ang mga mata ni Neville. Kaya niyang i-optimize ang chip? Malamang ay eksperto siya.
“Saglit lang.” Nagmamadaling umakyat si Neville at mabilis na bumalik. Inabot niya kay Bonnie ang laptop niya at tumabi dito para manood.
Gusto niyang malaman kung gaano siya kagaling.
Lumapit si Ged at nakitang tumabi rin sa kanya si Ivor.
Ikinonekta ni Bonnie ang robot sa laptop at nagsimulang mag-type nang napakabilis na tila lumabo na ang kanyang mga daliri.
‘Ibang klase!’ Napaisip si Ged.
Pinagmasdan ni Ivor ang mabilis na paggalaw ng mga daliri nito at pinakitid ang kanyang mga mata.
Makalipas ang ilang minuto, pinatay ni Bonnie ang laptop at ibinalik ang robot kay Neville.
“Subukan mo. Dapat wala nang problema ngayon.”
“Salamat!”
Sabik na pinasimulan ni Neville ang robot. Hindi ito gumawa ng anumang malakas na ingay, at nakontrol niya ang landas ng paglipad nito nang tumpak.
Naging mas mahusay din ito sa paglilinis.
“Ang galing naman! Kamangha-mangha ka.”
Tumingin si Neville kay Bonnie, nanlalaki ang mata sa paghanga.
“Wala lang iyon. Simpleng robot lang, kaya madaling ayusin.” Umupo si Bonnie sa sofa at nagsalin ng isang tasa ng tsaa.
Simple? Sa kauna-unahang pagkakataon sa kanyang buhay, nakaramdam ng pagpapakumbaba ang child prodigy.
“Napakagaling mo. Nagsimula ka rin bang kumalikot noong bata ka pa?”
Ibinaba ni Bonnie ang kanyang tasa. “Kinalas ko yung TV sa bahay nang matuto na ako maglakad.”
“At pagkatapos?”
“Binalik ko ulit.”
“Woah, ibang klase!” Namangha si Neville.
Humagalpak ng tawa si Ged.
Ito na ang pangalawang beses na tumawa siya nang malakas sa sinabi nito.
“Dude, 200 ang IQ mo. Bakit mo paniniwalaan ang pinagsasabi niya? Niloloko ka lang niya!”
Tinignan ni Neville si Ged na parang mangmang ito. “Sa tingin mo ba hindi ko masasabi kung ganoon nga ginawa niya?”
Hindi siya pinansin ni Neville at mahigpit na hinawakan ang braso ni Bonnie.
“Sana maging mentor kita! Gusto ko rin maging expert sa robotics.”
“Dude, anong ginagawa mo?”
Laking gulat ni Ged na muntik na siyang mabulunan. “I— Ivor, nawawala na sa sarili ang kapatid mo!”
Tumingin si Ivor mula kay Neville hanggang kay Bonnie.
Alam niya na ang mga kakayahan ni Neville ay higit na nalampasan ang mga kaedad nito at maraming matatalinong matatanda.
At ang batang lalaki ay partikular na mahusay sa robotics.
Walang gaanong alam si Ivor tungkol sa robotics, ngunit masasabi niya mula sa inaasal ng kanyang kapatid na si Bonnie ay dalubhasa sa naturang larangan.
Biglang naalala ni Ivor na minsang sinabi sa kanya ni Bonnie na hindi siya sapat para sa dalaga.
Tila hindi lang siya nagpapakitang-gilas, kung tutuusin.
Ngunit inisip pa rin ni Ivor na hindi ang dalagang ito ang kanyang katugma, kahit na alam nito kung paano kumumpuni ng mga robot.
Nang makita niya si Neville na humihiling sa kanya na turuan ito, naalala ni Bonnie si Kay Steele, na gusto ring magpaturo sa kanya.
Bakit sabik ang lahat na matuto mula sa kanya ngayon?
“Pakiusap. Nangangako akong hindi mo pagsisisihan!” Sinubukan siyang hikayatin ni Neville.
Hinimas ni Bonnie ang kanyang noo. “Wala akong oras para turuan ka, okay? Madami akong importanteng gawain.”
Napailing si Ged. “Lagi ka ngang nagka-cutting.”
“Aba, maaaring hindi siya magaling sa paaralan, pero maalam siya sa robotics, okay.”
Ito ang unang pagkakataon na pinuri ni Ivor si Bonnie.
Naging desperado si Neville nang makita niyang nagmamatigas si Bonnie.
“Kung papayag kang maging mentor ko, sasabihin ko kay Ivor na i-kiss ka na ngayon.”
Yamot na yamot si Bonnie.
Humagalpak ng tawa si Ged at ipinulupot ang braso niya kay Ivor. “Binubugaw ka na ng kapatid mo, bro!”
“Hindi ko siya tipo, okay?” sabi ni Bonnie.
Binatuhan ni Neville si Ivor ng nakikiramay na tingin sa kanyang balikat.
Nainis na siya sa sinabi ni Bonnie, kaya naman si Ivor, na kadalasang kalmado, ay nayamot sa kanyang kapatid.
“Kung hindi mo siya tipo, ako na lang kaya? Bata pa man ako, pero pangako aalagaan kita nang mabuti.” Sabi ni Neville sabay tapik sa dibdib.
Lalong nayamot si Bonnie.
“Diyos ko! Ngayon naman ay sinusubukan niyang nakawin ang magiging asawa mo, Ivor!” Tumawa si Ged.
Nanigas si Ivor at naglakad papunta kay Neville.
“Nagawa mo na ba homework mo?”
“Hindi pa. Gagawin ko mamaya.”
“Bumalik ka sa kwarto mo, at huwag kang lalabas hangga’t hindi ka tapos.”
“Hindi! Hindi pa siya pumayag na i-mentor ako. Gust—”
Bago pa matapos si Neville, binuhat siya ni Ivor papunta sa itaas pabalik sa kanyang silid.
Gustong tumawa ni Ged, pero nag-atubili siya nang makita niya ang malamig na mukha ni Ivor.
Tumikhim si Ged at sinabi, “Nabalitaan ko na yung tungkol sa bagong nanomaterial na ginawa nila, Ivor. Malamang ay magdadaos na sila ng press conference sa lalong madaling panahon. May inside scoop ka ba kung kailan iyon gaganapin?”
Umupo si Ivor. “Hindi pa nila ina-announce.”
Sumingit si Bonnie, “Gaganapin sa 28 ng buwan na ‘to.”